Pagmimina ng magnetite sa Cagayan

,

Sinimulan na noong nakaraang buwan ang tinaguriang Cagayan River Rehabilitation Project, isang programa sa paghuhukay ng maitim na buhangin (tinatawag na black sand na nagtataglay ng mineral na magnetite) sa bahagi ng Cagayan River sa bayan ng Gonzaga para umano “pigilan ang pagbara” nito. Ang magnetite ay pangunahing sangkap na ginagamit sa paggawa ng asero.

Noon pang 2010 nagsimula ang eksplorasyon ng iba’t ibang mga kumpanya sa ilog at dagat ng prubinsya. Pero matagal na nabimbin ang planong magsagawa ng malawakang pagmimina dulot ng mariing pagtutol ng mga residente at grupong makakalikasan.

Para ilusot ang proyekto, pinalabas ng mga upisyal ng rehimen na “rehabilitasyon at restorasyon” ng Cagayan River ang pangunahing layunin nito. Iniratsada ang pagpirma ng kontrata para rito noong Disyembre 2020, ilang linggo matapos na manalasa ang bagyong Ulysses na nagdulot ng matinding pagbaha sa prubinsya. Iginawad ito sa kumpanyang JDVC Resources Corp., subsidyaryo ng Apollo Global na pag-aari ng burges kumprador na si Vittorio Paulo Lim.

Nakasaad sa permit na pinahihintuluan ang kumpanya na minahin ang mga mineral na rekurso sa 1,902 ektarya ng ilog at dagat na saklaw ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) nito. Ito na ang pinakamalaking konsesyon sa offshore mining (pagmimina sa karagatan) sa buong bansa. Tinatayang matatagpuan sa erya ng konsesyon ang aabot sa 632 milyong metriko-toneladang black sand. Lahat ng makukuhang mineral dito ay direktang ipadadala sa China.

Noong Enero, 76 organisasyong makakalikasan ang nagpetisyon para ipatigil ang naturang proyekto. Anila, mapangwasak ang gagawing pagmimina ng magnetite sa sistemang pang-ekolohiya o buhay ng dagat. Sisirain nito ang protektadong mga rekursong dagat tulad ng mga coral reef at halamang dagat na krusyal na pagkain ng naglalaho nang mga hayop tulad ng dugong at balyena. Magtatambak ito ng maruming kemikal mula sa mga operasyon ng pagpoproseso na gagawin sa malalaking barkong magsasagawa ng paghuhukay. Papatayin nito hindi lamang ang mga halamang dagat at ang mga isdang nabubuhay dito, kundi pati na rin ang kabuhayan ng mga mangingisdang nakaasa rito.

Ika-26 taon ng Philippine Mining Act of 1995

Noong Marso 3, eksaktong 26 na taon na ang nakalilipas mula nang ipatupad ng reaksyunaryong estado ang Philippine Mining Act of 1995. Ang batas na ito ang nagbuyangyang sa bansa sa todong paninibasib ng dambuhalang dayuhang mga kumpanya sa mina at kanilang mga kasosyong burges kumprador. Ayon sa pinakahuling datos ng Mines and Geosciences Bureau, nag-oopereyt sa bansa ang hindi bababa sa 503 na kumpanya sa pagmimina at pagkakwari na sumasaklaw sa 723,238 ektaryang lupa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Pinakamalaki sa mga ito ang Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) para sa operasyon ng Sagittarius Mines, Inc. na nagmimina ng ginto at tanso sa South Cotabato, Sultan Kudarat at Davao del Sur (26,502 ektarya); at Agusan Petroleum and Mineral Corporation na nagmimina ng ginto at pilak sa isla Mindoro (46,051 ektarya). Nakabimbin ngayon ang aplikasyon para sa pagpapalawig ng FTAA ng kumpanyang Oceanagold na nagmimina ng ginto at tanso sa Nueva Vizcaya at Quirino (9,238 ektarya) matapos itong mapaso noong 2019.

Sa mga FTAA at MPSA na may bisa hanggang sa kasalukuyan, pinakamalaki ang kabuuang eryang saklaw ng mga minahan ng ginto (187,671 ektarya) nickel (125,748 ektarya), magnetite, pilak (70,041 ektarya) at tanso (55,583 ektarya). Noong 2019, tinatayang nasa 153 toneladang ginto ang kabuuang inieksport ng Pilipinas na nagkakahalaga ng ₱64 bilyon. Halos lahat nito (135 tonelada) ay napunta sa Hong Kong. Pinakamalaki naman ang inieksport na tanso ng bansa sa China (294,786 tonelada).

Sa kabila ng matinding pangwawasak na idinudulot ng mga ito sa kalikasan, napakaliit lamang ng ambag ng mga minahan sa kabuuang pag-unlad ng lokal na ekonomya. Noong nakaraang taon, tinatayang ₱133 bilyon lamang ang kinita ng reaksyunaryong gubyerno sa sektor ng pagmimina at pagkakwari o katumbas lamang ng 0.7% ng kabuuang gross domestic product. Maliit lamang ang kaibahan nito sa naitalang hati ng sektor na 0.8% bago pa man manalasa ang pandemya noong 2019.

Pagmimina ng magnetite sa Cagayan