Kayod-kalabaw ang kababaihang magsasaka

,

Sinasabing isang “di nakikitang” pwersa sa paggawa ang kababaihang magsasaka. Sa datos ng Center for Women’s Resources noong 2018, 644,000 lamang na kababaihan ang ibinilang ng estado sa sektor ng agrikultura. Ang napakaliit ng bilang na ito ay dahil kalakhan sa kanila ay walang sariling lupa at nakakategorya bilang mga “maybahay.” Ito ay sa kabila ng partisipasyon nila sa lahat ng bahagi ng produksyon—mula sa pagtatanim, pag-aabono, pagbubunot ng damo, hanggang sa pag-aani, pagbibilad, pagsasako at pagbebenta. Liban sa direktang pagsasaka, gumagampan sila ng pansuportang mga gawain gaya ng paghahanda ng pagkain, binhi at iba pa.

Hindi sinusukat at tinutumbasan ng halaga ang kanilang oras sa paggagawaing bahay at pag-aalaga ng mga anak. Dahil nakaatang sa kanila na pagkasyahin ang kita sa gastusin ng pamilya, obligado silang mangutang o maghanap ng dagdag na kita. Mas madalas silang nababaon sa utang, kumpara sa kalalakihan dahil dito.

Sa nakaraang taon, lalupang kumitid ang partisipasyon ng kababaihang magsasaka sa pwersa sa paggawa sa kabila ng doble o tripleng pagkayod nila para maitaguyod ang kanilang mga pamilya. Pasan nila ang pagkawala ng kita at trabaho sa pagsasaka na idinulot ng tila walang katapusang lockdown. Hirap silang makahanap ng mga trabahong “sideline” na pandagdag ng kita dahil sa mga restriksyon sa kilos kahit sa loob ng mga baryo.

“Halos kalahati lang ang kinita namin sa ani noong 2020 kumpara sa nakaraan,” salaysay ni Jeni, katuwang na magsasaka sa maliit na maisan na inuupahan ng kanyang asawa. Nagkulang sila sa pestisidyo, binhi at abono dahil hindi sila nakahabol sa pagbili bago ang biglaang lockdown na nagpasara sa mga tindahan. Walang kamag-anak ang nakatulong sa kanila sa bukid dahil sa mga restriksyon. Nahirapan silang ibenta ang kanilang produkto dahil wala silang masakyan.

Para makadagdag ng kita, namasukan si Jeni bilang labandera dalawang beses kada linggo. Tumanggap siya ng ₱250 para sa buong araw na paglalaba. Pero kahit maghapon siyang kumayod, kulang na kulang pa rin ang kanyang ipon.

“Grabe ang stress sa kaiisip kung paanong pagkakasyahin ang maliit na kita,” aniya. “Mas madalas na kamote o bigas-mais ang almusal ng mga bata imbes na kanin. Di rin laging nasa oras ang kain.”

Sa ginawang mga sarbey sa Pilipinas at ibang bansa, mas mabigat sa kaisipan ng kababaihan ang lockdown kumpara sa kalalakihan dahil sila ang karaniwang nag-aasikaso sa kanilang mga pamilya. Sa kalagayang gipit ang kita para sa pang-araw-araw na pangangailangan, hindi nila lubos maisip kung ano ang gagawin sakaling magkasakit ang isa sa kanila sa panahon ng pandemya. Pinakamataas ang stress na nararanasan ng mga ina, laluna ng may mga anak na may edad 18-pababa. Ito ay dahil sa tradisyunal na pag-ako ng mga ina sa responsibilidad ng pag-aalaga at pagtitiyak sa kalusugan ng kanilang mga anak.

Sa kaso ni Jeni, nag-aaral pa ang tatlo niyang anak. Hati ang oras niya sa pagtutok sa pag-aaral ng mga bata at paghahanap-buhay. “Kumakain ng malaking oras ang pagsagot sa modyul na sana ay nailalaan sa iba pang gawain na mapagkakakitaan.”

Pinagmumulan din ng stress sa pagitan ng ina at mga anak ang blended learning. Sa kaso ni Thelma, hindi na niya nakatutuwang sa gawaing bahay ang kanyang mga anak na nakatutok sa pagsagot ng mga modyul. “Ang hirap nang utusan,” aniya. Bagamat pangunahing trabaho ni Thelma ang paggagawaing bahay, tumutuwang siya sa kanyang asawa sa panahon ng taniman at anihan.

Tulad ni Jeni, bumagsak ang kita ng pamilya ni Lola Norma sa ilalim ng lockdown. Sa pagtatanim ng singkamas at gulay sila kumikita ng kanyang asawa. “Hindi namin naibenta ang ibang ani,” sabi niya, “dati, sa mga eskwelahan kami nagbebenta kaya bawas talaga ang kita.”

Para madagdagan ang kita, nag-aalaga ng baboy at iba pang hayop si Norma. Dagdag pa rito, nagbebenta rin siya ng singkamas at gumagampan ng samutsaring gawaing bahay kung kaya’t wala siyang panahon para tulungan ang mga apong nag-aaral na nasa kanyang pangangalaga.

Kayod-kalabaw ang kababaihang magsasaka