Nagkakaisang layunin ng mga Pulang mandirigma

,

Pinagtutugma ng hangarin para sa rebolusyonaryong pagbabago ang iba’t ibang salaysay ng mga Pulang mandirigma na nagmula sa magkakaibang katayuan sa buhay. Sa loob ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), nagkakaisa ang mga inaaping uri at sektor na maglingkod sa masa, buuin ang kanilang lakas at baguhin ang lipunan.

Minana ni Ka Kiko, 19, ang pasanin ng matatanda na niyang magulang. Dahil walang sariling lupa, natulak siyang magpaalipin sa panginoong maylupa, at araw-gabing kumayod para ibenta ang mais nang halos libre. “Laging ipinagpapaliban ng buyer na bilhin ang mais matapos kong pupulin, kasi daw basa pa. Pero murang-mura pa rin ang bili kinalaunan.”

Naging kasapi siya ng Kabataang Makabayan kung saan natutunan niya kung paano baguhin ang sistemang ito at lumikha ng mas maayos na kinabukasan. Sumapi siya sa BHB sa kalaunan.

Katorse anyos naman si Ka Yoyo nang maranasan ang bangis ng mga sundalo. Nag-iigib sila noon ng kanyang tiyuhin nang makasalubong ang mga sundalo. Binugbog sila sa paratang na mga myembro sila ng hukbong bayan.

“Saludo talaga ako sa hukbo. ‘Kapag may nakasalubong na masa, kinukumusta sila sa presyo ng mais, ng abono. Pero kapag ang mga sundalo ang makasalubong ng masa, ‘nasaan ang mga NPA?’ ang agad na itinatanong” pagkukumpara ni Yoyo, na sumapi nang umabot na sa hustong edad.

Nang nasa hukbo na ay nakaranas ng panggigipit mula sa mga sundalo ang kanyang magulang. Kinukumbinsi siyang pauwiin kapalit ang bagong bahay at kalabaw. Hindi nagpalinlang si Yoyo, kaya’t sa kabiguan ay pinalayas ng militar ang kanyang pamilya sa baryo, bagay na gumatong sa kanyang galit sa kaaway.

Pitong taon na ang nakalipas mula nang bugbugin siya ng mga sundalo. Hindi na iyon mauulit pa. Kasapi na siya ng hukbong bayan na nagtatanggol sa masang api at dudurog sa kaaway.

Hinahangad din ni Ka Laura at Ka Eunice na baguhin ang sistema kung saan nagpapakasasa ang mga employer sa talino at kakayahan ng tulad nilang mga prupesyunal. Bilang mamamahayag sa isang malaking kumpanyang dyaryo, dumanas si Ka Laura ng pambabarat sa sahod at mga benepisyo. Sa proseso ng kanyang trabaho ay lalo siyang namulat sa pagkabulok ng mga pulitiko na sinasamantala ang kagipitan ng tulad nilang maliliit na mamamahayag upang pabanguhin ang masangsang na reputasyon ng mga upisyal.

Nag-resign si Ka Laura matapos mapagtantong hindi niya kayang pagsilbihan ang isang institusyong ipokrito at minabuting mamasukan sa isang institusyong nagtataguyod ng social action para sa mga kabataan. Mula sa institusyong ito, nagpultaym bilang aktibista si Ka Laura. Mula roon, marami siyang nakasalamuhang tao, hanggang nagkaroon ng pagkakataong makipamuhay sa isang komunidad ng magsasaka kung saan nakilala niya ang mga Pulang mandirigma. Kalaunan, nakumbinsi siyang magpultaym sa hukbong bayan.

Nagsusulat pa rin hanggang ngayon si Ka Laura, hindi na para sa malaking kumpanya, kundi para sa rebolusyon.

Batid naman ni Ka Eunice ang tungkulin ng mga intelektwal sa rebolusyon. Sa kanyang anim na buwan sa hukbong bayan, marami na siyang naging estudyante sa literasiya at numerasiya, kapwa Pulang mandirigma at masa. Nakapagtapos siya ng AB English. Naging guro siya sa loob ng anim na taon. Sa Pulang paaralan, naipagpapatuloy niya ang pagtuturo sa mga kasama at masa sa gitna ng panganib, at kakapusan ng masa.

Nagkakaisang layunin ng mga Pulang mandirigma