"Madugong Linggo" sa Southern Tagalog, kinundena

,

Kaliwa’t kanan ang pagkundena ng mga indibidwal, organisasyon at maging mga ahensya ng estado sa pagpatay sa siyam na aktibista at pag-aresto sa anim pa noong Marso 7 sa tinaguriang “Madugong Linggo” sa apat na prubinsya sa Southern Tagalog.

Maliban sa limang biktimang unang naiulat ng Ang Bayan noong Marso 7, ang apat na pinaslang sa tinaguriang COPLAN ASVAL ay ang magkapatid na sina Puroy dela Cruz at Randy dela Cruz sa Sityo Mina, Barangay Sta. Inez, Tanay, Rizal. Mga kasapi sila ng grupong Dumagat Sierra Madre. Gayundin, binaril hanggang sa mapatay sina Abner at Edward Mendoza, mga myembro ng San Isidro Kasiglahan, Kapatiran at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan at Kapayapaan sa Sityo Macaingalan, Barangay Puray, Rodriguez, Rizal.

Tinawag itong “masaker” ng isang “mamamatay na rehimen” ni Vice Pres. Leni Robredo. Nagpahayag naman ng labis na pagkabahala ang United Nations, mga internasyunal na organisasyon sa karapatang-tao, akademiko, simbahan at maging ang Commission on Human Rights.

Pinagbantaan at tinangka pang arestuhin ng mga pulis ang mga kamag-anak ng mga biktima sa isang punerarya sa Antipolo City noong Marso 10 para kunin ang mga bangkay ng kanilang mga kaanak. Nabawi lamang nila ang mga labi dulot ng paggigiit ng kanilang mga tagasuporta.

Nakalaya na noong Marso 15 si Elizabeth Camoral, tagapagsalita ng Bayan-Laguna, habang nananatiling nakadetine ang 5 pang aktibista.

"Madugong Linggo" sa Southern Tagalog, kinundena