Pagbubuo ng militar at pulis ng hitlist, nabunyag
Nabunyag kamakailan ang pangangalap ng rehimeng Duterte ng mga pangalan ng mga guro, kawani at abugadong target para sa sistematikong red-tagging at “nyutralisasyon.” Noong Marso 10, naisapubliko ang isang memorandum ng Department of Interior and Local Government na nag-utos sa mga ahensya ng estado na ilista at isumite sa pulis at militar ang mga pangalan ng mga guro at kawaning myembro ng Alliance of Concerned Teachers at Courage.
Bago nito, nabunyag ang paghingi ng hepe ng paniktik ng Calbayog City sa Samar na si Police Lt. Fernando Calabria, Jr. sa lokal na korte ng listahan ng mga abugado ng mga inaakusan nitong may kinalaman sa armadong kilusan. Humingi pa siya ng payo sa korte kung paano “inyutralisa” ang naturang mga abugado.
Umaabot na sa 61 abugado ang pinatay sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Iligal na pag-aresto. Inaresto nitong Marso 21 si Renalyn Tejero, isang paralegal ng Karapatan-Caraga sa Barangay Lapasan, Cagayan De Oro City. Dati siyang estudyante ng Alcadev. Hanggang ngayon, hindi pa alam kung saan siya dinala ng mga pulis.
Noong Marso 17, inaresto si Rosanilla Consad, secretary general ng Alliance of Concerned Teachers-Caraga at assistant principal ng San Vicente National High School sa Barangay Humabon, Butuan City. Dati nang ni-red-tag si Consad at ipinailalim sa sarbeylans. Nakalaya siya matapos magpyansa noong Marso 20.
Sa Iloilo, inaresto ng mga sundalo si Julie Lago, kasapi ng Katilingban sang mga Mangunguma nga Imol sa Janiuay sa kanyang bahay sa Mañacabac, Janiuay noong Marso 16. Inakusahan siyang kasapi ng BHB. Sa katulad na mga kaso, tinamnan ng mga armas at “subersibong” dokumento ang kanyang tinitirhan.