Manipulasyon sa presyo ng langis

,

Una sa dalawang-bahaging serye kaugnay sa industriya ng langis sa Pilipinas.

Kasuklam-suklam ang pagkakamal ng super-tubo ng mga kumpanya sa langis habang ang mamamayang Pilipino ay dumaranas ng labis na hirap sa gitna ng matinding krisis sa ekonomya at pandemya. Noong Marso 17, muli na namang itinaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Simula Enero 6, ito na ang ika-8 ulit na itinaas ang mga presyo, mahigit dalawa’t kalahating ulit na mas madalas kaysa mga pagkakataong ito’y ibinaba.

Sumatutal, sa loob ng humigit-kulang 50 araw, hindi bababa sa ₱5.70 na ang itinaas ng presyo ng kada litro ng diesel, ₱4.61 sa regular na gasolina, ₱4.27 sa unleaded at ₱5.01 sa kerosin.

Sinasamantala ng mga kumpanya sa langis ang paglaki ng benta ng diesel at iba pang produkto matapos limitadong buksan ang transportasyon. Nais nilang mabilis na makapagkamal ng tubo para mabawi agad ang nabawas sa kanilang kita noong nakaraang taon. Nagmamadali sila sa pangambang muling magpataw ang rehimen ng mga restriksyon sa harap ng pandemya.

Pinalalabas na ang pagtaas-baba ng presyo ng langis ay natural na paggalaw depende sa presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Pero walang malinaw na pormula sa pagtatakda nito. Ang totoo, itinatakda ang lokal na presyo ng aregluhang kartel sa pagitan ng mga kumpanya sa langis.

Ang taas-baba ng presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod ng manipulasyon ng mga kumpanya sa langis. Ginagawa ito upang makuha ng mga kumpanya ang maksimum na tubo sa pagbebenta ng kanilang kalakal. Mas madalas na tumataas ang mga presyo kaysa bumababa. Mula 2017, mas malimit nang 1.2 beses ang pagtataas ng presyo ng mga produktong langis kumpara sa pagbabawas. (Tingnan ang Talahanayan 1).

Bukod sa mas madalas na pagtaas, mas matagal ding ipinapako ang presyo ng mga produktong petrolyo matapos itaas ang mga ito kaysa matapos ibaba. Mula Enero 6 hanggang Marso 11, 49 na araw na nanatili ang presyo matapos itaas samantalang 15 araw lamang matapos ibaba. Ganito rin ang nangyayari sa nakalipas na mga taon. (Tingnan ang Talahanayan 2). Totoo ito kahit mahina ang bentahan noong 2020.

Kung hihimay-himayin ang datos, makikita na hindi rin lubos na totoo ang sinasabi ng mga lokal na kumpanya sa langis na ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo ay salamin lamang ng paggalaw ng presyo ng krudong langis. Makikita na mas marami ang bilang ng araw na nakataas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas kaysa bilang ng araw na tumaas ang presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. (Tingnan ang Talahanayan 3).

Dapat batikusin ang ganitong manipulasyon sa presyo ng mga kumpanya sa langis. Dumaragdag ito sa lubha nang mabigat na pasanin ng sambayanang Pilipino, laluna ng mga manggagawa, magsasaka at malaproletaryado. Ang pagtataas ng presyo ng diesel at gasolina ay lalong nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng pagkain, transportasyon at iba pang batayang bilihin at mga serbisyo.

Marapat lamang na igiit ng mamamayang Pilipino na irolbak o ibaba ang presyo ng mga produktong langis para maibsan nang kahit kaunti ang kanilang pasanin. Makatwiran na igiit nilang ikontrol ang presyo ng mga produktong petrolyo at magkaroon ng moratoryum sa pagtataas ng presyo nito. Dapat din nilang itulak ang pagbasura sa 10% na buwis na ipinataw ni Duterte sa panahon ng pandemya, dagdag pa sa nauna nang ipinataw sa pamamagitan ng batas na TRAIN na parehong ipinapasa ng mga kumpanya sa langis sa mga mamimili.

Manipulasyon sa presyo ng langis