16 atake ng BHB sa 9 na prubinsya
Hindi bababa sa 16 armadong aksyon sa siyam na prubinsya ang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa nakaraang dalawang linggo. Ipinakikita nito ang determinasyon ng BHB na biguin ang ambisyon ng pasistang rehimen na gupuin ang armadong rebolusyon.
Albay. Tinambangan ng isang yunit ng BHB ang sasakyan ng 93rd Special Action Company-PNP noong Abril 3 sa Barangay Aliang, Ligao City. Dalawang pulis ang napatay at dalawa ang sugatan. Walang sibilyang nadamay sa operasyon, taliwas sa ipinalalaganap ng militar.
Lanao del Norte. Pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ang nag-ooperasyong mga sundalo sa mabundok na bahagi ng Sityo Salingsing, Barangay Rogongon, Iligan City noong Marso 31, alas-11 ng umaga. Siyam na sundalo ang naiulat na napaslang at apat ang nasugatan. Pagkahapon, pinaputukan ng isang yunit ng BHB ang detatsment ng CAFGU sa Sityo Binasan sa parehong barangay. Isang elemento ng CAFGU ang napatay at dalawang sundalo ang nasugatan. Saklaw ng 4th Mechanized Infantry Battalion ng 1st ID ang lugar.
Bukidnon. Limang sundalo ang napatay sa serye ng atake at kontra-atake sa pagitan ng BHB-Bukidnon at 1st Special Forces Battalion (SFB) noong Marso 20 sa San Rafael, Talakag. Apat na elemento ang napatay nang tambangan ng BHB ang isang kolum ng 1st SFB na nanghalihaw sa kagubatan bandang alas-3 ng hapon. Bago nito, alas-10 ng parehong araw, sinalakay ng 1st SFB ang himpilan ng BHB kung saan dalawang Pulang mandirigma at isang sundalo ang namatay.
Agusan del Sur. Inambus at napatay ng BHB ang isang elemento ng CAFGU sa Barangay Sto. Niño Patrol Base sa Bayugan City noong Marso 28.
Oriental Mindoro. Isa ang napaslang na elemento ng 203rd IBde nang paputukan ng BHB ang kanilang himpilan sa Malu, Bansud noong Marso 28 sa distansyang 10 metro. Sa sobrang gulantang, walang patumanggang nagpaputok ang mga sundalo.
Sorsogon. Napatay sa operasyong partisano noong Marso 28 ang ahenteng paniktik ng 31st IB at kasapi ng CAFGU sa Barangay San Antonio, Barcelona.
Panay. Pitong atake ang inilusad ng mga pwersa ng BHB sa isla laban sa mga sundalo at pulis. Noong Marso 30, tatlong beses nilang pinaputukan ang nag-ooperasyong mga sundalo ng 12th IB sa ngalan ng Retooled Community Support Program sa mga barangay ng Siya at Lahug sa Tapaz, Capiz. Gabi ng Marso 23, pinaputukan nila ang detatsment ng CAFGU sa Bagacay, Igbaras, Iloilo. Noong Marso 21, pinaputukan ng BHB ang mga pulis sa Grasparil, Sibalom, Antique. Sa sumunod na araw, tatlong pulis ang nasugatan matapos silang paputukan ng BHB sa Onop, Miag-ao, Iloilo.
Noong Marso 29, iniulat naman ng BHB-Bicol ang armadong aksyon nito sa Masbate at Albay. Tinambangan at pinasabugan ng yunit nito ang nag-ooperasyong mga sundalo sa Masbate City. Napatay ang dalawang sundalo at isa ang nasugatan. Sa Albay, pinaralisa naman nito ang operasyon ng Ibalong Resource Development Company sa Barangay Miiti, Camalig, Albay. Pumipinsala sa kalikasan at nang-aagaw ng lupa ng mga magsasaka ang naturang kumpanya.
Northern Samar. Sugatan ang isang sundalo matapos tambangan ng mga Pulang mandirigma sa Barangay Poponton, Las Navas noong Marso 6. Samantala, iniulat din ng yunit ng BHB sa prubinsya ang pagkapaslang ng isang pulis at pagkasugat ng isa pa matapos ang magkakasunod na operasyong haras ng hukbong bayan noong Pebrero 16-19.
Napaslang sa operasyong isnayp ng BHB ang isang sundalo sa Barangay Tarabucan, Matuguinao, Western Samar noong Pebrero 4.