Mapanlinlang at mapanghating programa ng "reporestasyon"
Isa ang “Sulong” sa mga baryo na saklaw ng Enhanced National Greening Program (E-NGP), ang huwad na programang reporestasyon ng reaksyunaryong estado. Dito, ginamit ng estado, katuwang ang militar, ang programa para agawin ang lupa ng mga magsasaka at isulong ang kampanyang kontra-insurhensya.
Patunay nito ang ipinatawag na pulong ng mga sundalong umokupa sa baryo sa ngalan ng Retooled Community Support Program (RCSP) noong Pebrero. Dito, kinatuwang ng militar ang lokal na Department of Environment and Natural Resources (DENR) para itulak ang pagtatanim ng komersyal na mga kahoy sa hindi bababa sa 68 ektarya ng lupa na dati nang sinasaka. Idinikta ng DENR ang pagtatanim ng tuog at naga sa loob ng tatlong taon, at kawayan pagkatapos anihin ang mga ito.
Nagtalaga ang DENR ng mga lider sa baryo na mamamahagi ng ₱250 kada araw sa mga residenteng pagtatanimin ng kahoy. Walang kumpensyasyon na ibinibigay sa mga may-ari ng lupa na apektado ng programa. Sinabi lamang ng ahensya na maaari nilang gamitin ang mga kahoy sa pagtatayo ng kanilang bahay at iba pang pangangailangan. Nangako rin itong tutulong sa pagpapatitulo ng mga apektadong sakahan.
Iginiit ng ahensya ang pagtatanim ng kahoy kahit pa dati nang produktibo ang mga lupaing saklaw nito. May mga tanim na ang mga ito na niyog, kamote, gulay at iba pang pagkain na kailangang-kailangan ng mga komunidad. Sa ngalan ng reporestasyon, inoobliga ang mga magsasaka na wasakin ang mga sakahan para maitanim ang mga punla ng kahoy na isang metro kwadrado ang pagitan ng bawat isa.
Ang totoo, pantabing lamang ang pagtatanim ng kahoy para agawin ang mga lupang ginawa nang produktibo ng mga magsasaka. Idineklara ng DENR na forest land o lupang kagubatan ang mga lupang agrikultural para ibalik ang pag-aari sa estado at paupahan o ibenta ang mga ito sa dayuhang komersyal na mga plantasyon, malalaking panginoong maylupa at kanilang kasosyong mga burukrata.
Kakarampot at panandalian lamang ang ₱250 kada araw na sahod sa pagpapatanim ng DENR. Mas mababa ito sa itinakdang ₱295 minimum na sahod sa mga manggagawang agrikultural sa rehiyon. (Sa Leyte, umaabot lamang sa ₱11 kada araw ang ibinabayad sa mga tagabantay ng kahoy.) Mayroon ding ₱6,000 na multa at maaaring makulong ang magsasaka na nakasira ng tanim.
Bahagi ang paggamit sa mga sibilyang ahensya gaya ng DENR sa iskemang whole-of-government ng reaksyunaryong gubyerno. Mayroong mga kaso na ginagamit ang umano’y mapping ng reporestasyon para sa gawaing paniktik. Kinakasangkapan din sa RCSP ang NGP para bigyang katwiran ang presensya ng mga sundalo sa baryo.
Dahil limitado ang badyet na ibinibigay sa mga barangay, pinagmumulan ito ng di pagkakaunawaan sa pagitan ng mga residente. Ibinabaling ng DENR ang atensyon ng mga magsasaka sa pagkakanya-kanyang pagtatanim ng kahoy na sumisira sa kanilang pagkakaisa at pagtutulungan.
Hamon sa mga baryo gaya ng Sulong na mamulat sa panlilinlang ng E-NGP at maging mapagbantay sa pagpasok ng mga negosyante sa agroforestry sa kanilang mga erya. Kailangan ito para madepensahan ang nakamit na nilang mga tagumpay sa agraryong rebolusyon sa kanilang mga baryo.
(Hango sa Larab, Hulyo 21, 2021.)