Nagpapatuloy na interbensyong militar ng US

,

Upisyal na binawi ni Duterte ang kanyang pagkukunwaring ibabasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) matapos ang personal na pakikipagharap kay US Secretary of Defense Lloyd Austin noong Hulyo 29. Sa gayon, upisyal nang ibinabalik ang malayang paglabas-masok ng malakihang bilang ng mga tropa, kagamitan at makinaryang pangmilitar ng US sa soberanong teritoryo ng Pilipinas. Kabilang sa mga aktibidad na nakasalalay sa VFA ang pinagsanib na pagsasanay na Balikatan at halos 300 pang ibang aktibidad militar.

Nasa likod ng pagtutulak sa VFA at iba pang kasunduang militar sa US ang pagtupad umano sa 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng dalawang bansa. Sa nakalipas na pitong dekada, nanatili ang kapangyarihan ng militar ng US sa bansa gamit ang tagibang na kasunduang militar na ito, gayundin ang VFA, Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Operation Pacific Eagle-Philippines (OPE-P). Sa basbas ng mga ito ay lalong humihigpit ang operasyunal na kontrol ng US sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa panahong nakabitin ang pagbabasura sa VFA, walang tigil ang presensya at mga aktibidad-militar ng US sa bansa. Noong Abril, itinuloy ang Balikatan sa kabila ng pagpalo ng impeksyon ng Covid-19 sa bansa. Itinuloy din noong Hulyo ang tatlong-linggong ehersisyong Salaknib ng 1st Brigade Combat Team. Bago nito ay nagdeliber ang militar ng US ng ₱48.5-milyong halaga ng mga armas sa AFP.

Mantinido rin ang libreng pag-okupa ng mga sundalong Amerikano sa mga pasilidad militar sa di-bababa sa limang kampo ng AFP sa ngalan ng EDCA. Sa ilalim ng OPE-P, kabilang ang mga sundalong Amerikano sa nagdala sa mga kaswalting sundalo ng AFP sa bumagsak na C-130 sa Sulu. Samantala, di bababa sa tatlong paglalayag sa tabing ng freedom of navigation operations ang isinagawa ng US sa South China Sea sa unang hati ng 2021.

Sa mahabang panahon, ginamit ng US ang MDT upang gawing lunsaran ang Pilipinas sa paggiit nito ng kapangyarihan sa Asia-Pacific. Sa basbas ng kasunduang ito, nagpadala ng mga Pilipinong sundalo sa (noo’y buo pang) Korea at sa Vietnam upang sumuporta sa mga gerang agresyon ng US laban sa mga mamamayang nakikibaka para sa demokrasya at pambansang paglaya. Ginamit din ang dating mga base militar ng US sa Pilipinas bilang lunsaran ng mga gera ng US sa Iraq, Iran, Kuwait at Afghanistan.

Nagpapatuloy na interbensyong militar ng US