Editoryal

Ayudang militar ng US, ayuda sa tiraniya ng rehimeng Duterte

,

Hindi na naging kagulat-gulat ang inianunsyo kamakailan ng mga upisyal ng rehimeng Duterte na hindi na itutuloy ang nauna nitong idineklarang plano na ipawawalambisa ang Visiting Forces Agreement (VFA). Klaro naman mula’t sapul na ang layunin ng “banta” na ibabasura ito ay para lamang humingi ng dagdag na ayudang militar para sa kanyang tiraniya.

Sa mismong bibig na rin ni Duterte nagmula ang mga katagang, “kung gusto niyo ang VFA, dapat magbayad kayo.” Alinsunod na rin ito sa kanyang prinsipyong “pera-pera lang iyan” na gumagabay sa kanyang patakarang panlabas. Para kay Duterte, ang usapin ng pambansang kasarinlan at kalayaan ay maaaring sukating magkano. Iniatras ni Duterte ang pagbasura sa VFA at pinahintulutan ang pagdaraos ng pinakamalaking ehersisyong militar (Balikatan) ng US matapos siyang pangakuan ng US na bebentahan ng $2.4 bilyong halaga ng mga kagamitang militar.

Mahigit isang taon din ang itinagal ng pakikipagnegosasyon na inabot na ng pandemya at ng pagpapalit ng gubyerno sa US. Sa katapusan, ibinigay din ng gubyernong Biden ang karagdagang ayudang militar sa rehimeng Duterte kahit pa may malakas na panawagan ang ilang senador at kongresista sa US, gayundin ng mga demokratikong pwersa sa Pilipinas at mga samahang Fil-Am sa US, na isuspinde ito dahil sa laganap na mga kaso ng mga pagpaslang at mga paglabag ng mga pulis at sundalo sa karapatang-tao.

Ang totoo, ang pagbibigay ng ayudang militar ay pabor din sa imperyalismong US dahil palalakasin nito ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang gerang kontrainsurhensya na dinisenyo rin ng US. Katunayan, ito ay digmang inilulunsad ng US sa pamamagitan ng AFP para ipagtanggol ang interes ng US sa ekonomya at heyopulitika. Ang AFP ang pangunahing haligi ng kapangyarihan ng US sa Pilipinas. Ilang dekada nang sinasanay, pinapayuhan, inaarmasan at pinopondohan ng US ang AFP. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng mga kasunduang militar gaya ng 70-taong Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement ng 1998.

Ibinigay ng US ang gusto ni Duterte na ayudang militar, kahit pa ang kahulugan nito ay pagsuporta sa rehimeng nagbigay-daan sa pagpapalakas ng presensyang militar sa West Philippine Sea ng China, mahigpit na imperyalistang karibal ng US sa ekonomya at hegemonya.

Bilang pinuno ng neokolonyal na estado, sunud-sunuran si Duterte sa mga patakarang dikta ng US, laluna sa pagsusulong ng mga patakarang neoliberal sa ekonomya, kontrainsurhensya at “kontra-terorismo.” Gayunman, nangayupapa rin si Duterte sa China at ipinagpalit ang eksklusibong karapatan ng Pilipinas sa karagatan nito kapalit ng pangakong ilampung bilyong dolyar na pautang at mga proyekto, gayundin ng pagkontrol sa kalakalan ng iligal na droga mula sa China.

Hindi ikinatuwa ng imperyalismong US ang pamamangka ni Duterte sa dalawang ilog. Laluna sa harap ng tumitinding tunggalian ng US at China sa ekonomya at kalakalan, hindi paborable sa US na nakikipaglaro sa kanyang karibal ang papet niya sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang ayudang militar kapalit ng pagpapalaki ng presensyang militar nito sa Pilipinas at mga karagatan sa paligid nito, tinataya ng US na lulubay si Duterte sa kanyang posturang maka-China.

Nais din ng US na lalong mapahigpit ang kontrol nito sa papet na rehimeng Duterte laluna’t may posibilidad na makapanatili ang pasistang pangkatin sa poder lagpas sa 2022. Sa ganito, lalong nagiging klaro ang papel ng imperyalismong US sa likod ng tiraniko at teroristang paghahari ni Duterte, at nalalantad ang pagiging hungkag ng mga pagmamalaki nitong tagapagtaguyod sa karapatang-tao. Sa pagbibigay ng dagdag na ayudang militar kay Duterte, lalong sinusuhayan ng US ang tiraniya at madugong paghahari ng teroristang rehimen.

Pero habang patuloy na sinusuportahan ng imperyalismong US si Duterte, patuloy din itong nagpapalakas ng ugnayan at suporta sa ibang pangkatin ng naghaharing uri na anti-Duterte na pawang maka-US upang lagi itong may reserbang baraha oras na gumewang ang naghaharing tiraniya. Katulad ito noong dekada 1980 nang sabayang sinuportahan ng US si Marcos at ang noo’y mga pangkating anti-Marcos hanggang alisin nito ang suporta kay Marcos sa harap ng malawakan at sustenidong protestang bayan laban sa diktadura.

Ang kaibahan sa sitwasyon ngayon ay ang aktibo ring pakikialam at paghamon ng China sa dati ay eksklusibong larangan ng dominasyon ng imperyalismong US sa reaksyunaryong pulitika sa Pilipinas. Para sa ilang reaksyunaryong pulitiko, tulad ng naghaharing pangkating Duterte, lalong lumalaki ang hinihinging kabayaran sa kanilang pagpapakatuta, habang isinusuko ang kasarinlan ng bansa. Sa darating na eleksyong 2022, pinakamalamang na makikita ang tunay na presyo at katapatan ni Duterte at ang hindi pa nakikitang antas ng dayong panghihimasok.

Parang tuko na nangungunyapit si Duterte sa poder sa labis na takot na mapanagot sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan at mga krimen sa digma. Buong bangis niyang sinusupil at nilulumpo ang lahat ng mga pwersang tumututol sa kanyang tiraniya at sa kanyang iskemang manatili sa poder lagpas sa 2022. Para ipakita sa imperyalismong US na dapat siyang patuloy na suportahan, todo-larga ngayon ang rehimeng Duterte sa pagsusulong ng “digmang kontra-terorismo.” Sa tabing nito, isinasagawa ang pinaiigting pang kampanya ng pamamaslang at panunupil laban sa mga pwersang patriyotiko at demokratiko, gamit ang mga sandata at ayudang militar mula sa US.

Dapat ibayong makibaka at manindigan ang mamamayang Pilipino laban sa pagpapakatuta ng rehimeng Duterte sa imperyalismong US at sa pagbibigay-daan nito sa lalong pagpapalaki ng presensyang militar ng US sa Pilipinas bilang bahagi ng pakikipaggirian nito sa China. Dapat ibayong palakasin ng sambayanang Pilipino ang paglalantad sa pasistang mga krimen ni Duterte at singilin ang gubyernong Biden sa pagsuhay sa kanyang tiraniya at terorismo.

Dapat pagkaisahin ang lahat ng pwersang demokratiko at tutol sa tiraniya ni Duterte, buuin ang pinakamalapad na pagkakaisa ng sambayanang Pilipino, at biguin ang imbing pakana na manatili sa poder.

Ayudang militar ng US, ayuda sa tiraniya ng rehimeng Duterte