Mga protestang bayan

,

Ligtas na balik-eskwela, ipaglaban. Nagsumite ng petisyon ang mga organisasyong kasapi ng Back to School Network-Panay sa lokal na upisina ng CHED at DepEd sa Iloilo City noong Hulyo 22. Hiling nila na ligtas na muling buksan ang mga klase at suportahan ng panrehiyong mga ahensya ang ₱10,000 ayuda para sa mga estudyante.

Nagprotesta naman ang mga mag-aaral ng Holy Angel University (HAU) sa harap ng kanilang paaralan sa Angeles City, Pampanga noong Hulyo 15, unang araw ng kanilang klase. Giit ng mga mag-aaral na ipatupad ang limang puntong demanda para umangkop sa remote learning. Nagsumite ang mga lider-estudyante ng apela sa upisina ng presidente ng HAU sa parehong araw.

Damayan sa ECQ. Inilunsad ng Defend Jobs Philippines ang kampanyang Flag Brigade PH noong Agosto 6 kung saan bahay-bahay itong mamamahagi ng mga donasyong pagkain sa bawat pamilya. Nauna nang namahagi ang grupo ng mga banderitas na luntian (may ibabahaging donasyon) at pula (kailangan ng donasyon) para magsilbing pananda sa kanilang pag-iikot sa may 200 kabahayan sa Sampaloc, Manila. Ayon sa kanila, bahagi ito ng pagsasakdal sa rehimen sa kawalan nito ng ayuda ngayong ikatlong enhanced community quarantine sa Metro Manila.


Presyo ng langis, ibaba. Nagpiket ang mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno malapit sa Philcoa sa Quezon City noong Agosto 4 para kundenahin ang panibagong serye ng pagtataas ng presyo ng petrolyo at LPG. Tumaas ang presyo ng gasolina nang ₱1.05/litro samantalang ₱0.75/litro at ₱0.80/litro sa kerosene at diesel.

Mga protestang bayan