Sa huling SONA ni Duterte: #DuterteWakasanNa, sigaw ng taumbayan

,

Ayon sa mga ulat, 6,000 ang nagmartsa sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Hulyo 26 para tapatan ang ikalima at huling State of the Nation Address (SONA) ni Rodrigo Duterte. Lumahok sa protesta ang mga organisasyon mula sa Southern Tagalog at Central Luzon. Sa temang “Duterte, wakasan!” at “Goodbye Duterte,” muli nilang ipinanawagan ang pagwawakas at pagpapanagot kay Duterte sa lahat ng kanyang mga krimen tulad ng maramihang pagpaslang, pagbebenta sa soberanya, bigong pagtugon sa pandemya at malawakang korapsyon. Nagkaroon ng parehong mga martsa sa mga lunsod at kabisera ng Cebu, Bacolod, Davao, Iloilo, Bayombong sa Nueva Vizcaya, Roxas sa Capiz, Kalibo sa Aklan at Naga City. Nagkaroon din ng mga protesta sa iba’t ibang syudad sa US, Canada at Hongkong.

Bago ang SONA, naglunsad ang iba-ibang sektor ng mga protesta at aktibidad para ilatag ang tunay na kalagayan ng mamamayan at hatulan ang rehimen sa limang taong kapalpakan nito.

Inilunsad ng Kilusang Mayo Uno ang State of Labor Address noong Hulyo 23 sa panawagang “ENDOterte” dulot ng kabiguan niyang tupdin ang pangakong wakasan ang kontraktwalisasyon. Tinatayang mayroong 9.2 milyon hanggang 13.5 milyong indibidwal ang wala o kulang ang trabaho sa panahon ng pandemya.

Noong Hulyo 25, inilunsad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang State of the Peasant Address upang kundenahin ang Rice Liberalization Law at pagpapabaya ng rehimen sa sektor ng agrikultura. Umaabot sa ₱90 bilyon ang lugi ng mga magsasaka sa palayan dulot ng liberalisasyon. Giit nila ang ₱15,000 subsidyo para sa produksyon sa panahon ng Covid-19.

“Walang kapayapaan, walang hustisya.” Ganito isinuma ng Karapatan ang limang taong paghahari ng diktador na si Duterte. Liban pa sa 30,000 biktima ng “gera kontra droga” ng rehimen, nakapagtala ito ng 414 kaso ng ekstrahudisyal na pagpaslang, 2,725 kaso ng iligal na pag-aresto na higit pang dumami sa panahon ng militaristang mga lockdown at mga kaso ng panggigipit sa mga progresibo at aktibista. Nakapagtala rin ang grupo ng 25 masaker sa ilalim ng rehimen.

Palakol ang grado na ibinigay ng mga guro kay Duterte. “Wala kaming nakitang klarong programa para sa edukasyon,” ayon sa Alliance of Concerned Teachers noong Hulyo 23. “Wala siyang anumang masasabing achievement sa edukasyon.” Kasama na binigyan ng mga titser ng bagsak na grado si Sec. Leonor Briones ng Department of Education (DepEd). Anila, pahirap sa mga guro, estudyante at kanilang magulang ang “blended learning” ng DepEd.

#DutertePalpak ang hatol ng kabataan sa isinagawang State of the Youth Address noong Hulyo 19. Binatikos nila ang kawalang-aksyon at plano ng rehimen para sa ligtas na pagbubukas ng mga eskwelahan sa panahon ng pandemya. Tinatayang nasa 2.73 milyon ang nag-drop-out—10% mula sa 27.77 milyong nag-enrol noong akademikong taon 2019-2020. Bukod dito, patuloy na inaatake ng pasistang rehimen ang akademikong kalayaan at mga pahayagang pangkampus.

Dobleng paghihirap ang naranasan ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa panahon ng pandemyang Covid-19 dahil sa kawalang aksyon ng rehimen. Kakarampot na 2% o 250,000 lamang sa kabuuang 12 milyong OFW ang nakatanggap ng ayuda. Nang mapilitang umuwi sa bansa ang daan-daan libo dahil nawalan ng trabaho, isiniksik sila sa mga pasilidad pangkwarantina. Bago pa ang pandemya, humarap ang mga OFW sa mandatory PhilHealth membership at dagdag-premium na nagkakahalagang ₱24,000 sa unang taon at mandatory SSS membership at pagtaas ng premium.

Gayundin, nagsagawa ng online na mga porum ang mga grupong makakalikasan kung saan kinundena nila ang marumi at makadayuhang patakarang pangkalikasan ng rehimen. Ang sektor ng simbahan ay nanawagan na wakasan ang pag-atake at iligal na pag-aresto sa kanilang hanay. Hinatulan naman ng mga grupong midya bilang kaaway ng malayang pamamahayag ang rehimeng Duterte. Sa Mindanao, binatikos ng mga Moro ang palpak na rehabilitasyon sa Marawi City na pinulbos ni Duterte noong 2017 at kawalan ng kompensasyon para sa mga bakwit.

Sa huling SONA ni Duterte: #DuterteWakasanNa, sigaw ng taumbayan