Kalatas, January 2023 10 tropa ng 85th IB, kaswalti sa engkwentro sa Quezon
Hindi bababa sa 10 sundalo ang kaswalti, kung saan dalawa ang kumpirmadong patay, sa engkwentro sa pagitan ng mga pwersa ng Apolonio Mendoza Command (AMC)-BHB Quezon at 85th IBPA sa Brgy. Pansoy, San Andres noong Enero 27.
Aktibong nagdepensa ang yunit ng BHB na sinalakay ng isang platun ng 85th IB, bandang alas-3 ng hapon. Tumagal ng 20 minuto ang labanan, ayon sa AMC. Bago ang engkwentro, isang buwan nang naglulunsad ng masinsing operasyong kombat ang AFP sa lugar. Naroon ang BHB-Quezon upang magsiyasat sa kalagayan ng mga magsasaka at mga krimen na isinagawa ng militar laban sa kanila.
Matapos ang labanan sa Brgy. Pansoy, naglunsad ng pursuit operations ang AFP na sumaklaw sa pinangyarihan hanggang sa mga kanugnog na barangay sa katabing bayan ng San Francisco. Muling nagka-engkwentro ang AFP at BHB sa Brgy. Mabunga, San Francisco noong Enero 29.
Tatlong Pulang mandirigma ang nagbuwis ng buhay sa huling labanan—sina Joseph “Ka Ken” delos Santos, Dayna Benna “Ka Karen” Glorioso Lagrama at Ricanio “Ka Jeni” Bulalacao. Nagdadalamhati ang mamamayan sa pagkamartir ng tatlo na pawang mabubuting anak ng Quezon. Si Ka Ken ay anak ni Nanay Fe delos Santos na karumaldumal na pinaslang ng 85th IB noong 2018.
Patung-patong na paglabag sa karapatang tao ang ginawa ng 85th IB sa tabing ng paghahanap nito sa nakasagupang BHB. Isang sibilyan ang idinamay ng mga militar sa Brgy. Mabunga habang 20 residente mula sa Brgy. Pansoy at Mabunga ang napilitang lumikas upang umiwas sa panunugis ng mga sundalo. Pinahihirapan din ang mga kapamilya ng mga nasawing kasapi ng BHB na iuwi ang labi ng kanilang mahal sa buhay.
“Dapat igalang ng 85th IBPA ang labi ng mga martir at maayos na ibalik ito sa mga kaanak. Ang mga Pulang mandirigma ay mga pwersang belligerent at may mga karapatang taong dapat igalang ng sinuman, kahit ng kanilang kaaway o katunggali alinsunod sa nakasaad sa International Humanitarian Law, Rules of War at sa pinirmahang kasunduan ng GRP at NDFP na Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law,” pahayag ng NDFP-ST.
Samantala, nakuha at naging bihag ng digma o POW (prisoner of war) ng 85th IB si Jose “Ka RC” dela Cruz matapos masugatan sa labanan noong Enero 29. Nanawagan ang rebolusyonaryong kilusan sa Quezon sa mga lingkod-bayan at lahat ng tagapagtanggol ng kapayapaan at karapatang tao na gumawa ng hakbangin para tiyaking ligtas si dela Cruz.
Kinundena rin ng NDFP-ST ang AFP sa pagpapakalat ng mga pekeng balita hinggil sa mga labanan at pagkakait ng tulong sa mga apektadong pamayanan. Pinagbawalan ng militar na pumasok ang alinmang grupo ng midya at mga mapagkawanggawang organisasyon na nais mag-alam sa kalagayan ng lugar.
Malaon nang kinamumuhian ng mga magsasaka ang 85th IBPA at mga yunit sa ilalim ng 201st Brigade dahil sa kanilang pagsisilbi sa mga despotikong panginoong maylupa sa Quezon. Matatagpuan sa Timog Quezon-Bondoc Peninsula ang malalawak na asyenda ng mga Murray, Tan, Uy, Matias at Reyes.###