Kalatas, January 2023 Tugon ni Patnubay de Guia: Bakit dapat tutulan at labanan ang Maharlika Investment Fund?
Kasuklam-suklam ang naghaharing kleptokrasya sa pamumuno ni Ferdinand Marcos, Jr. na nagpapakanang ibayong dambungin ang pondo ng bayan sa pamamagitan ng Maharlika Investment Fund (MIF). Ang MIF ay isang sovereign wealth fund (SWF) na inaasahang makakalikom ng inisyal na ₱275 bilyong kapital. Dagdag pasakit ito sa mamamayang Pilipino dahil nanakawin ng reaksyunaryong gubyerno ang kanilang pera, kaban ng bayan at patrimonial assets na dapat sana’y pakinabangan ng mamamayan lalo ngayong panahon ng matinding krisis. Ang MIF ay libong beses na mas malala sa lahat ng mga iskema ng diktador na Marcos — samakatwid, ito ay itsura ng burukrata kapitalismo sa pinakarurok ng kasamaan.
Ipinanukala ang MIF sa pamamagitan ng House Bill No. 6608. Ito na ang niretokeng bersyon ng naunang panukalang batas na Maharlika Wealth Fund na inihain sa Kamara noong Nobyembre 28, 2022. Pangunahing nagsulong nito sina Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos; pinsan niyang si Speaker at Leyte First District Rep. Ferdinand Martin Romualdez at ang asawa nitong si Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez. Kasabwat din nila ang iba pang kapamilya: ang asawa ng isa pang pinsan at ang dating piloto ng ama niyang diktador — sina Majority Floor Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose Dalipe, Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.
Minadaling ipasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Disyembre 15 ang MIF. Kasalukuyan itong nirerepaso sa Senado at ipinararatsada ni Marcos Jr. para maisabatas ngayong taon. Sa sobrang kasakiman ng kleptokrasyang Marcos II, kaagad itong inilako sa malalaking burgesya at mga gubyernong dumalo sa World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland nitong Enero 16-20. Ang WEF ay ang pulong pang-ekonomya ng mga pinakamakapangyarihang monopolyong burgesya at oligarkiya sa pinansya sa buong mundo.
Binatikos ng malawak na mamamayan ang MIF kung kaya’t inalis sa maaaring pagkunan ng pondo ang pambansang badyet at mga pinaghirapang ipon ng mga manggagawa sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS). Hindi lamang mga progresibo ang tumutuligsa sa MIF kundi maging mga burgis na ekonomista dahil hindi paborableng isugal ang pera ng estado sa gitna ng luging katayuan nito at lumalalang krisis sa pinansya ng monopolyo kapitalismo sa buong daigdig. Higit pa, nababahala silang makokopo ng mga Marcos ang pondong ito. Masisilip sa mga probisyon ng MIF ang maitim na balak ng mga Marcos at kanilang mga kroni.
MIF: Marcos Investment Fund
Bilang isang SWF, kukunin ang MIF sa pondo ng bayan. Pero sa pinakahuling bersyon, itinakdang isa sa mga pagkukunan ng pondo nito ay ang initial public offering (IPO) na sa esensya ay pagbubukas dito sa pribadong pamumuhunan. Ipapailalim ang pondo sa kontrol ng iilang manager ng mga Marcos sa bubuuing Maharlika Investment Corp. (MIC). Patatakbuhin ang MIC tulad ng isang pribadong korporasyon.
Ipupuhunan ng MIC sa loob at labas ng bansa ang pondong malilikom nito mula sa Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs), mga pampublikong institusyon sa pinansya tulad ng Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Philippine Amusement Gaming Corp. at mga pribado at dayuhang mamumuhunan na makukuha mula sa IPO. Para madagdagan pa ang pondo rito, napabalitang ibebenta ng rehimen ang walong pampublikong ari-arian at kokopohin ang kita ng mga casino, haywey at paliparan. Inilutang din ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang ideyang ipaloob sa MIF ang lahat ng mga royalties ng mga natural gas projects sa hinaharap kabilang ang nasa West Philippine Sea.
Hindi katanggap-tanggap na kayang irisgo ng mga manager ang MIF saanman nila naisin dahil hindi ito saklaw ng umiiral na mga batas na may kinalaman sa pampublikong interes. Maaaring ilihim sa publiko kung saan nila ito ilalagak. Hindi rin sasaklawin ang mga manager na ito ng mga batas sa pamantayang sahod at serbisyong sibil, at sila ang masusunod sa halaga ng kompensasyong makukuha nila mula sa MIF sa anyo ng sahod, honoraria, allowance, arawang gastusin at mga bonus. Malinaw na gagamitin ng mga Marcos at kanilang kroni ang MIF upang payamanin ang kanilang mga sarili.
Balik-tanaw sa pagnanakaw ng mga Marcos
Kilala na sa buong mundo ang pangalang Marcos bilang magnanakaw. Sa katunayan, pumapangalawa si Ferdinand Marcos, Sr. sa listahan ng may pinakamalaking ninakaw na yaman sa buong mundo (nangunguna ang dating presidente ng Indonesia na si Suharto: $15-35 bilyon) at hawak ng mga Marcos ang Guinness World Records bilang pinakamalaking pagnanakaw ng isang gobyerno na nagkakahalaga ng $10 bilyon.
Nagawa na dati ng mga Marcos na lumikha ng pondong magiging daluyan ng kanilang pandarambong. Ito ang coco levy fund (CLF) na sinimulang kolektahin sa humigit-kumulang 3.5 milyong magniniyog mula 1971 hanggang 1983. Ipinatupad ito sa tabing ng planong paunlarin ang lokal na industriya ng niyog sa bansa. Umabot ng P9.7 bilyon ang nakolektang coco levy na ginamit lamang ng dating presidenteng matandang Marcos, mga kroni niyang sina Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., Roberto Benedicto, Juan Ponce Enrile, Maria Clara Lobregat, Antonio Floirendo Sr., Roberto Ongpin at iba pa para gawing puhunan sa kani-kanilang mga negosyo. Tampok dito ang pagbili ng P33.1 milyong sapi ng San Miguel gamit ang pondo ng mga magniniyog at ang pagtatayo ng United Coconut Planters Bank na kontrolado ni Eduardo Cojuangco, Jr.
Mahigit 50 taon na mula nang ipataw sa mga magsasaka sa niyugan ang coco levy, pero hanggang ngayon ay hindi pa nila ito napakikinabangan. Ipinagkakait ito sa pamamagitan ng iba’t ibang maniobra tulad ng paglalagay ng CLF sa isang trust fund, paggagawa ng mga rekisito na mga papeles para makakuha ng mga benepisyo sa CLF at iba pa. Resulta nito, pulos panginoong maylupa at mayayamang magsasaka ang nakakakuha ng mga benepisyo nito. Sa kabila ito ng mga desisyong inilabas ng Korte Suprema na 24% ng sapi ng SMC (o nagkakahalaga ng P74 bilyon) ay pagmamay-ari dapat ng publiko partikular ng mga magniniyog. Ang estado mismo ang gumagawa ng paraan upang hindi mapasakamay ng mga magniniyog ang CLF.
Inaasahan magiging tulad ng CLF ang kahihinatnan ng MIF. Hindi ito mag-aambag sa ekonomya ng bansa, bagkus papalalain nito ang krisis dahil makokonsentra sa kamay ng iilan ang kabang yaman ng bayan na paunti na ng paunti dulot ng krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Ang tunay na magpapaunlad sa ekonomya ay ang pamumuhunan sa kagalingan ng mamamayan. Iprayoritisa ang pondo para sa serbisyong panlipunan tulad ng kalusugan, edukasyon at iba pa. Dapat laanan ng ayuda at bigyan ng subsidyo ang mamamayang apektado ng mga kalamidad, pandemya at iba pang sakuna. Paunlarin ang agrikultura at industriya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Maisasakatuparan ito sa landas ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.
Nasa katwiran ang mariing pagtutol at paglaban ng mamamayan sa MIF. Dapat na magkaisa ang buong rebolusyonaryong kilusan, malawak na demokratikong sektor, mga organisasyon at mga indibidwal para pigilan ang pagsasabatas ng MIF at ibagsak ang kleptokrasyang Marcos.
_________
Alam n’yo ba?
Ang sovereign wealth fund (SWF) ay isang pondong para sa pamumuhunan ng estado na gumagamit ng pampublikong pondo ng gobyerno na kadalasang nagmumula sa reserbang sarplas ng isang bansa. Layunin diumano nito na magbenepisyo ang ekonomya ng bansa at ang mamamayan nito sa SWF. Iba’t iba ang maaaring pagmulan ng pondo ng isang SWF. Pinakatampok dito ang sarplas na reserba mula sa mga kinita nito sa paggamit ng likas na yaman (state-owned natural resource revenues), sarplas sa kalakalan, mga reserba sa bangko na maaaring mag-akumula mula sa mga labis sa badyet (budgeting excesses), dayuhang operasyon sa salapi (foreign currency operations), pera mula sa mga pribatisasyon at mga paglilipat ng mga bayad ng gobyerno (governmental transfer payments).
Gayunman, luging lugi at wala namang sobrang pondo ang bansang Pilipinas. Lumaki nang 54% ang depisito sa kalakalan tungong $49.98 bilyon sa unang sampung buwan ng taon. Gahigante na rin ang utang ng bansa kung saan noong Oktubre 2022, nasa ₱13.6 trilyon na ang utang pampubliko at nasa ₱1.1 trilyon ang depisito sa badyet ng gubyerno. Hanggang 30.9% (o ₱1.630 trilyon) ng ₱5.268 trilyon ng badyet sa 2023 ay nakalaan sa pagbabayad-utang.
Sa Malaysia, ang SWF na 1MDB ay ginamit sa pangungurakot ng bilyun-bilyong dolyar ni dating Punong Ministro Najib Razak. Nailantad na nagnakaw si Razak ng $700 milyon at dineposito ito sa kanyang personal na bank account. Kasabwat ni Razak ang opisyal ng bangkong Goldman Sachs na si Roger Ng.