Kalatas, January 2023 Matabang ang kape ng magtutubo sa Batangas
Tumataas ang presyo ng asukal sa palengke subalit ang presyo ng tubo kada tonelada ay hindi nagbabago. Ito ang inirereklamo ni Tatay Torres, isang maggagapak sa Tuy, Batangas. Bahagi siya ng masang anakpawis na pinipiga ng mga panginoong maylupa’t malalaking burgesya kumprador na kumokontrol at nagpapasasa sa kita ng industriya ng asukal.
Monopolyado ng mga PML-MBK ang industriya ng asukal. Sa Batangas, humigit-kumulang 60,000 ektarya ng lupang agrikultural ay tubuhan, pero mahigit sa 26,000 ektarya nito ay konsentrado sa 16 pamilya ng mga panginoong maylupa, habang nasa 1-3 ektarya lang ang karaniwang pagmamay-ari o binubungkal ng maliliit na magsasaka at mga nag-aaryendo.
Mula sa mano-manong paghahanda ng lupa para pagtamnan ng tubo hanggang sa makarating sa central ang asukal ay laganap ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Umiiral ang sistemang kasama kung saan kadalasang 50-50 ang hatian pati sa gastos sa produksyon sa pagitan ng magsasaka at PML, o di kaya’y sistemang buwisan kung saan sa magsasaka o plantador ang lahat ng gastos sa produksyon. Karaniwan ding ipinagbabawal sa mga tubuhan ang pagtatanim ng ibang halaman na makakain.
Talamak ang pandaraya ng mga PML-MBK para magkamal ng mas malaking tubo sa kapinsalaan ng mga manggagawang-bukid tulad ni Tatay Torres. Binabago nila ang kwentahan matapos magpa-ilo ng tubo, dinadaya ang timbang ng tubo pagdating sa central o asukarera, at minamanipula ang presyuhan ng asukal. Tinataasan din ang trucking fee, milling fee pati ang interes sa pautang. Sa sobrang kasakiman ay ipinagkakait nila pati ang pulot na tradisyon nang ibinibigay sa mga pamilya ng magsasaka at manggagawa sa tubuhan.
Ang mga maggagapak tulad ni Tatay Torres ay inuupahan ng mga PML o mga plantador tuwing anihan ng tubo na isang beses lamang nangyayari sa isang taon. Saklaw ng paggagapak ang paghahalabas o pagputol ng tubo, pagkakarga, at pagkakamada ng tubo sa trak. Kadalasan sila’y 12-15 tao sa isang grupo at kayang tapusin ang paggagapak sa isang ektaryang lupa sa loob ng isang linggo. Mataas na ang 30 tonelada ng naaning tubo habang 15 tonelada ang mahina kada ektarya.
Kontrolado ng mga central na pinagdadalhan ng mga ginapak na tubó ang pagtatakda ng halaga ng ginapak na tubo. Ang Batangas ay may dalawang central: isa ang Central Azucarera de Don Pedro (CADP), sa Brgy. Lumbangan, Nasugbu; at ang Batangas Sugar Central, Inc. (BSCI), sa Brgy. Caloocan, Balayan. Pag-aari ng malalaking burgesya-kumprador na Roxas ang CADP at Dolor ang BSCI. Monopolisado na nila ang industriya magmula pa noong 1920.
Matapos matimbang ang tubo sa central, saka lamang maisusuma-total ang halaga ng bayad kina Tatay Torres. Ang bili ng central sa tubo sa kasalukuyan ay P250 kada tonelada. Sa maksimum na ani ng 30 tonelada sa isang ektarya, aabot ng P7,500 ang bayad sa isang grupo ng maggagapak. Kung may 12 sa isang grupo, kikita ang bawat isa ng P625 lamang. Subalit babawasan pa ito ng P20 kada tao o higit pa para idagdag na bayad sa kabu o pinuno ng mga maghuhurnal. Karaniwang kasama ang mga kabu sa paggagapak. Kaya kikita ang mga maggagapak ng P605 habang P845 sa kabu sa kada isang ektarya.
Sa liit ng kita, kailangan nilang maggapak sa mas malawak at maraming tubuhan para lumaki ang maiuwi sa kanilang pamilya. Ikakaltas pa ang mga utang at bale na naipauna na ng mga maggagapak para itustos sa sarili at kanilang pamilya. Kaya kadalasan ay P300 o mas mababa pa bawat ektarya ang naiuuwing linis na kita ng mga maggagapak. Sa pagsidhi ng liberalisasyon sa agrikultura, bumagsak ang presyo ng asukal bunsod ng pagbaha ng imported na pampatamis sa bansa kaya’t lalong binarat ang sahod ng mga manggagawa sa industriya.
Upang punuan ang lubhang kapos na kita mula sa pagagapak, pumapasok sa iba pang trabaho upang magpaupa si Tatay Torres at iba pa niyang kapamilya. Tulad ngayon, ang anak niya’y papaluwas para makipagsapalaran sa pagko-construction.
Kadalasa’y halos wala nang natitira kay Tatay Torres at pagkakasyahin niya nang pilit ang kita para may pambili ng mga batayang pangangailangan. Hindi na abot-kaya ang presyo ng asukal na P84 kada kilo nitong Oktubre.
“Hindi ko na nauubos ang kape ko, e. Mapait na,” kwento ni Tatay Torres. Aniya, hindi kasya ang kanyang kita para sa karaniwang konsumo ng kanyang pamilya na 1.5 kilo ng asukal kada araw.
Dama agad nila ang pagmahal ng asukal, at naibulalas pa ng Tatay Torres na “lahat ng matatamis ngayon, pamamahalin kasama ang mga tinapay, ang mga pandesal na ‘yan.”
Panawagan ni Tatay Torres, nararapat lamang na itaas ng mga central ang bayad kada tonelada. Tindig niya, “Alam ng tao na mataas ang asukal, e! Tataas ang asukal, ang tonelada’y hindi nataas.”
Tiwala rin naman si Tatay Torres na mula sa pagkakaisa ng mga maggagapak na katulad niya, kasama ng mga may-ari ng maliliit na tubuhan at nag-aaryendo, kaya nilang ipaglaban ang makatwirang presyo ng tubo. Aniya, “kung walang magdadala ng tubó sa central, walang tutubuin ang mga iyan!”###