Kalatas, January 2023 Matagal pa bago makauwi si Karen
Bagong tapak ng elementarya ang bunsong anak ni Karen noong umalis siya para magtrabaho sa isang pabrika ng microchips sa Taiwan. Ngayon, maghahayskul na ang kanyang bunso at patapos na ng senior high school ang panganay.
Sa orihinal na plano ng pamilya ay uuwi na si Karen, subalit nagbago ang kanyang pasya nang tumindi ang krisis. Hindi kaya ng pamilya kung titigil si Karen sa pagtatrabaho sa Taiwan, kaya’t pumirma siya ng extension sa kanyang kontrata. Nagalit pa ang kanyang bunso dahil hindi na naman daw makakadalo ang kanyang nanay sa graduation.
Ang kita ni Karen bilang OFW sa Taiwan ang mayor na inaasahan ng kanyang dalawang anak at mga magulang na kapisan nila sa bahay. Hiwalay siya sa asawa at hindi na rin umaasa sa kanilang maliit na lupain. Tumigil na ang kanilang pamilya sa pagsasaka dahil lugi at hindi sulit ang ani sa trabaho ng kanyang ama na umeedad na at mayroong karamdaman.
Papaliit na kita
Pinagkakasya ng pamilya ni Karen ang kanyang buwanang padala na sa pinakamataas ay umaabot ng P27,000 bago ang pandemya. Malaki ang nabawas dito sa huling dalawang taon, kasabay ng paglala ng krisis sa buong daigdig at epekto nito sa produksyon ng mga microchip sa Taiwan.
Noong 2022, nasa abereyds na lamang na P18,000 ang perang naipapadala ni Karen kada buwan. Lumiit ang kanyang naiuuwing sahod mula sa pabrika dahil hindi na sila nag-oovertime. “Kumonti raw ang demand kaya di na kailangang mag-overtime. Malaki sana ang nauuwi kong OT pay,” kwento niya.
Malaki ang kanyang panghihinayang sa OT lalo’t nangyari ito sa panahong labis na tumaas ang presyo ng mga bilihin gaya ng bigas, asukal at karne. Bukod sa pagkain, malaking bahagi ng gastusin ng pamilya ni Karen ang edukasyon. Isa sa kanyang mga anak ang nag-aaral sa pribadong eskwelahan. Nagbabayad pa sila ng serbis para sa paghahatid-sundo sa mga estudyante. Nabili rin sila ng maintenance na gamot para sa mga magulang ni Karen.
“Buti’t walang upa dahil lupa namin ang kinatitirikan ng bahay,” ani Karen.
Para makapagpadala pa rin ng malaki-laking halaga, tinitipid ni Karen ang kanyang sahod. Nagsa-sideline rin siya pandagdag sa kanyang kita at pang-araw-araw na panggastos sa Taiwan. Isa na rito ang pagluluto at pagdedeliber ng pagkain na pinagtutulungan nila ng mga kasama niyang Pilipino doon. Ayon sa reaksyunaryong gubyerno, mayroong humigit-kumulang 150,000 manggagawang Pilipino sa Taiwan. Kalakhan sa kanila’y nagtatrabaho sa sektor ng electronics o agrikultura.
Pasanin ng OFW
Ang pagpunta sa ibang bansa para magtrabaho ay karaniwan na sa isang bayan sa CALABARZON na pinanggalingan ni Karen. Sa kanyang baryo mismo, higit isang dosena silang manggagawa na sabay-sabay na nirekrut ng isang manpower agency para tumungong Taiwan. Kasama rin ang mismong LGU sa antas munisipyo sa mga nang-aakit sa mga manggagawa na mangibang-bayan.
Nagsimula ang patakaran ng estado na maramihang pagpapadala ng lakas-paggawang Pilipino sa ibang bansa sa ilalim ni Marcos Sr. Noong 1974, ipinatupad nito ang Labor Export Policy para isalba ang bumubulusok na ekonomya. Bukod sa hindi kayang lumikha ng trabaho sa loob ng bansa, ginagamit ng reaksyunaryong gubyerno ang mga OFW at kanilang kita para isalba ang naghihingalong agraryan at pre-industriyal na ekonomya ng Pilipinas.
Bagamat sangkot ang gubyerno, hindi libre o madali ang proseso ng pagiging OFW. Sa karanasan ni Karen, kinailangan niyang mamuhunan ng P100,000 para sa kanyang papeles at kung anu-anong bayarin. Inutang niya ang kalakhan dito at nabayaran lamang noong nagtatrabaho na siya sa Taiwan. Labas pa rito, hinihingan din siya ng agency ng fee kada buwan bilang bayad umano sa “serbisyo” at “tulong” na makahanap siya ng trabaho. Kung hindi niya binabayaran ang mga ito, kakayanin sana niyang magpadala ng higit P30,000 kada buwan bago ang pandemya.
Ang masama, hindi malinaw kay Karen kung kailan matatapos ang mga bayarin niya sa agency. Bago siya nag-renew ng kontrata ay nagbabayad pa rin siya ng buwanang fee, kahit na lampas limang taon na siyang nagbabayad nito. Tuluy-tuloy rin ang pangongolekta ng fee noong pandemya.
Sa kalagayang ito, hindi nakapagtatakang halos walang naipon si Karen. “Ang konswelo ko lamang”, kwento ni Karen, “ay hindi tumigil sa pag-aaral ang mga bata”.
Nangangarap si Karen na gagradweyt at magiging propesyunal ang kanyang panganay na anak balang araw. Kapag dalawa na silang naghahanapbuhay, mapagtutulungan nila ang pagpapaaral sa bunso at mga gastusin sa bahay kahit na dito na lamang siya sa Pilipinas maghanapbuhay. Subalit, sa ngayon, kailangan muna niyang ipatanggap sa kanyang anak na matatagalan pa bago mabuo ang kanilang pamilya.
Isa lamang ang kwento ni Karen sa suliraning kinakaharap ng mga OFW sa ibayong dagat na nagtitiis at nagsasakripisyong mapalayo sa pamilya at dumanas ng pagsasamantala iba pang tipo ng dayuhang pang-aalipin. Kaya naman nagbibigkis ang kanilang hanay at itinatayo ang iba’t ibang organisasyon para isulong ang kanilang interes at pakikibaka saanmang bansa sila nagtatrabaho. Kalaunan, nasasapol nilang ang kanilang pakikibaka ay hindi hiwalay at mahigpit na kaugnay ng pakikibaka ng masang anakpawis sa Pilipinas laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Ang tatlong salot na ito sa lipunang ito ang ugat ng pangingibang-bansa ng maraming Pilipino para maghanapbuhay. At tanging sa pagbabagsak lamang nito, at pagtatayo ng Demokratikong Gubyerno ng Bayan (DGB) mapapawi ang batayan sa pangingibang bayan ng mga manggagawa at propesyunal na Pilipino. Titiyakin ng DGB ang paglikha ng sapat at nakabubuhay na trabaho para sa lahat.###