Kalatas, January 2023 Indignation rally laban sa pag-abswelto ng DOJ sa mga kriminal na pulis, inilunsad

Naglunsad ng indignation rally ang mamamayan ng Timog Katagalugan sa Department of Justice (DOJ) noong Enero 18 upang kundenahin ang pag-dismiss ng kagawaran sa kaso ng 17 pulis na sangkot sa pagpaslang sa lider-manggagawang si Emmanuel “Ka Manny” Asuncion. Si Ka Manny, coordinator ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa Cavite, ay kabilang sa siyam na biktimang pinaslang sa Bloody Sunday Massacre noong Marso 7, 2021.

Ibinasura ang kaso laban sa mga pulis dahil ayon sa DOJ, walang sapat na ebidensya para idiin ang mga pulis sa Bloody Sunday Massacre. Hindi kinilala ng DOJ ang testimonya ng saksi na si Liezel, asawa ni Ka Manny. Naroon si Liezel sa mismong oras at pinangyarihan ng pagpaslang ng mga pulis kay Ka Manny. Nakita at nakausap niya ang mga pulis na pumasok sa opisina ng Workers Assistance Center, nang-aresto at pumatay kay Ka Manny.

Ayon sa Defend-ST, “Nakakabahala ang husga ng DOJ sa kaso ng mga pulis na pumatay kay Ka Manny dahil nagbibigay ito ng precedent para sa iba pang kaso laban sa mga salarin ng Bloody Sunday.”

Sa kabila nito, nanindigan ang pamilya ni Ka Manny, mga grupong tagapagtanggol ng karapatang tao at mamamayan ng TK para sa katarungan sa mga biktima ng Bloody Sunday. Naghain si Liezel ng motion for reconsideration sa DOJ noong Enero 26. Nagsampa rin siya ng hiwalay na motion for inhibition laban kay Senior Assistant State Prosecutor Rodan Parrocha na namumuno sa DOJ panel na may hawak sa kaso ng 17 pulis. Hiniling niyang alisin si Prosecutor Parrocha sa kaso dahil siya ang namamahala sa Counter-Terrorism Task Force ng National Prosecution Service na nang-uusig sa lahat ng mga pinaghihinalaang communist-terrorist groups. Matatandaang bago paslangin si Ka Manny, nired-tag siya at ang BAYAN-CAVITE ng NTF-ELCAC.###

Indignation rally laban sa pag-abswelto ng DOJ sa mga kriminal na pulis, inilunsad