Kalatas, January 2023 Malalaking protestang masa at welgang bayan sa UK, nagpapatuloy
Sumasambulat ang malalaking kilos-protesta sa United Kingdom, isang panlipunang ligalig na yumayanig sa noo’y pinakamakapangyarihang imperyo sa daigdig. Ang daluyong ng protestang nagsimula pa noong 2019 hanggang sa kasalukuyan ang pinakamalaki sa UK mula nang pumutok ang Pandaigdigang Krisis sa Pinansya noong 2008. Lumalahok sa mga pagkilos ang mga manggagawa, propesyunal, mga kabataan, bitbit ang panawagang lutasin ang labis na pagtaas ng halagang kinakailangan para mabuhay nang disente (cost of living crisis).
Mula Hunyo ng nakaraang taon, sunud-sunod ang pagkilos ng libu-libong mamamayang Briton dulot ng tumataas na gastos sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mamamayan. Nagtapos sa 10.5% ang implasyon sa UK noong Disyembre 2022. Ngayong Enero 2023 naman, naitala ang 16.7% implasyon sa mga pagkaing pangkonsumo (grocery). Kinukundena rin nila ang patuloy na pagbubuhos ng bahagi ng pondo ng bayan sa pagsuporta ng UK sa gera sa Ukraine. Noong 2022, aabot ng €2.3 bilyon ang ipinadala nitong tulong militar sa Ukraine at nangako pang isustine ang ilalaang ayudang militar.
Kasunod na bugso ng mga protesta ang serye ng pagkilos nitong Oktubre 2022 na nagsimula sa pagsirit nang 82% singil sa kuryente at krisis sa klima. Inilunsad ang mga pagkilos sa mga syudad ng London, Glasgow at Belfast kasabay ng mga welga ng mga manggagawa sa Royal Mail at King’s Cross (riles ng tren). Kasabay nito ang pagkilos ng mga kasapi ng Revolutionary Communist Group, Just Stop Oil at Extinction Rebellion sa labas ng istasyon ng tren sa Euston at nagmartsa patungong Westminster. Nanawagan naman ang mga grupong maka-kalikasan at kolektor ng basura ng pagpapabagsak sa kapitalismo na itinuturo nilang kalaban ng inang kalikasan.
Sa buwan ding ito inilunsad nila ang koordinadong kampanyang protestang Enough is Enough sa pinakamalalaking syudad ng London, Edinburgh, Swansea at Liverpool. Binuo ang kampanya para labanan ang cost of living crisis at pagpapasasa ng mayayamang konserbatibong pulitiko sa panahon ng matinding crisis.
Ang konserbatibong partido (Tory) ang kasalukuyang naghaharing partido sa pulitika sa UK. Tampok ang mabilis na pagpapalit ng mga Prime Minister mula sa Tory. Si Boris Johnson ay bumaba sa pwesto noong Setyembre 6, 2022. Pumalit sa kanya si Liz Truss na tumagal lamang ng 49 araw at nagbitiw noong Oktubre 25, 2022. Nagtamo siya ng matinding disgusto sa publiko dahil sa mga palyadong solusyon sa krisis sa UK. Si Rishi Sunak na ang bagong Prime Minister.
Nitong Oktubre 1-8 naglunsad ng koordinadong welgang bayan ang National Union of Rail, Maritime and Transport Workers (RMT) na nagparalisa sa operasyon ng tren sa bansa. Iniresulta ito ng kawalan ng pag-usad sa negosasyon sa pagitan ng unyon at kumpanya ng riles at kabiguan ng kumpanyang tugunan ang hinaing ng mga manggagawa sa tumataas na arawang gastusin. Naglunsad din ng welga at lumabas sa trabaho ang mga nars at iba pang manggagawang pangkalusugan sa pagkundena sa tuluy-tuloy na pagkaltas ng pondo sa National Health Service sa gitna ng pananalasa ng pandemyang COVID-19.
Pagdating ng Nobyembre, humugos ang libu-libong kasapi ng isang koalisyon ng mga unyon sa paggawa at iba pang organisasyon ng mamamayan sa tinagurian nilang protestang “Britain is Broken”. Nagpatuloy pa ang pagkilos pagpasok ng taong 2023. Sa ikalawang linggo ng Enero nagpahayag ng pakikiisa ang 45,000 mga doktor sa welgang bayan kasama ang mga nars at iba pang propesyunal, drayber ng ambulansya, at manggagawa sa transportasyon.
Krisis ng kapitalistang estado ng UK
Nahirapan nang makabawi ang UK mula nang manalasa ang pandaigdigang resesyon ng 2008 tulad ng iba pang imperyalistang bansang France, Spain at Japan. Magmula noon, nagpatupad ng hakbanging pagtitipid (austerity measures) ang estadong UK sa kapinsalaan ng batayang serbisyo at paggawa. Pinakamalaking kinaltasan ng pondo ang sektor ng kalusugan, kabataan at edukasyon. Ang di maampat na krisis na ito na nagsilbing mitsa ng pagkalas ng UK sa European Union ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan na lalong pinalala ng pagsuporta nito sa gera ng US at NATO sa Ukraine laban sa Russia mula nakaraang taon. Ayon sa mga burgis na ekonomista, nasa istagplasyon ngayon ang UK—pumapaimbulog ang implasyon habang negatibo ang paglago at bumubulusok ang produksyon at pamumuhunan.
Ngunit sa halip na tugunan ang hinaing ng mamamayan, inilunsad ng gubyerno ng UK ang pinakamatinding atake sa kilusang paggawa at karapatang magprotesta. Pagpasok ng 2023, ipinanukala sa parlyamento ang Minimum Service Levels Bill, na oobligahing magtrabaho sa minimum na itatakdang oras o tagal, ang mga manggagawa sa iba’t ibang sektor kahit sa panahong sila ay naka-welga. Kapag hindi ito sinunod ay maaaring makasuhan o mawalan ng trabaho ang mga manggagawa. Inianunsyo rin ng rehimeng Sunak ang pag-amyenda sa kontrobersyal na Public Order Bill, isang panukalang batas na naglalayong bigyan ng higit na kapangyarihan ang mga pulis na buwagin at pigilan ang malalaking protesta sa tabing ng “pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan”. Hindi pa man naipapasa, sinasalubong na ito ng kritisismo ng mga grupong nagtatanggol sa karapatang pantao at itinuring ang panukalang batas na pagsagka sa batayang karapatan ng sinumang mamamayang magprotesta. Marami rin ang nangangambang tratuhing akto ng terorismo at krimen ang lahat ng mapayapang pagkilos at paggigiit ng hinaing ng taumbayan.
Hindi mapipigilan ang determinasyon ng mamamayang Briton na mag-alsa para sa kanilang buhay at karapatan. Kaya naman nakaamba pang magpatuloy ang mga welgang bayan sa UK. Sa darating na Pebrero, nakatakadang magwelga ang 500,000 guro, manggagawa sa riles at manggagawa ng gubyerno matapos na magbingi-bingihan ang gubyernong Sunak at mga kapitalista sa hinaing ng mga manggagawa at mamamayan. Samantala, inianunsyo ng University and College Union action ang pagsasara ng 150 unibersidad sa buong bansa sa loob ng 18 araw sa pagitan ng Pebrero at Marso ngayong taon.###