Kalatas, January 2023 Manggagawa ng Timog Katagalugan, lumahok sa ILO-HLTM
Lumahok sa International Labour Organization High Level Tripartite Mission (ILO HLTM) noong Enero 23-27 ang mga unyon at samahan ng manggagawa sa Timog Katagalugan sa ilalim ng Pinagkaisang Lakas ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik) at Organized Labor Association in Line Industry and Agriculture (OLALIA) upang ipaabot ang kalagayan ng paggawa sa rehiyon. Inilantad din ng mga manggagawa ang pandarahas at pag-atake ng estado sa kanilang karapatang mag-unyon.
Habang isinasagawa ang pulong, hinaras ang mga manggagawa ng mga elemento ng NTF-ELCAC noong Enero 24. Iniharap ng NTF-ELCAC ang dalawang “witness” para-i-red-tag ang Kilusang Mayo Uno at iba pang kaugnay na organisasyon nito. Nabigo ang NTF-ELCAC na guluhin ang ILO HLTM dahil hindi sila pinaniwalaan ng mga myembro ng mission team.
Nagtapos ang aktibidad sa paghamon ng ILO sa gubyernong Marcos-Duterte na pangunahan ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga salarin ng extra-judicial killings, sapilitang pagkawala at iba pang paglabag sa karapatang tao ng mga manggagawa. Inatasan din nitong magsumite ang gubyernong Marcos-Duterte ng ulat sa ika-111 International Labor Conference na gaganapin sa Hunyo 5.
Nanawagan ang NDFP-ST sa mga manggagawa na pasiglahin ang kilusang unyon at paggawa lalong ngayong tumitindi ang krisis ng pandaigdigang monopolyo kapitalismo at ng lipunang mala-kolonyal at malapyudal sa Pilipinas. Ayon kay Patnubay de Guia, tagapagsalita ng NDFP-ST, “Higit pang titibay ang mga unyong ito sa pag-anib ng mga manggagawa sa Revolutionary Council of Trade Unions. Ang ganap na paglaya ng mga manggagawa sa tanikala ng pagsasamantala ay maisasakatuparan lamang sa landas ng bagong tipong pambansa demokratikong rebolusyon.”###