Kalatas, February 2023 Kalagayan ng magsasaka ng palay sa Mindoro

Kilala ang isla ng Mindoro bilang pinakaproduktibong prodyuser ng bigas sa Timog Katagalugan. Noong 2018, bago ang pandemya, lumikha ito ng higit 809,000 metriko toneladang (MT) bigas. Higit limang beses ito ng kinakailangang dami para pakainin ang mamamayang Mindoreño. Kahit sa antas ng mas mahinang produksyon habang at matapos ang pandemya, sobra-sobra pa rin ang bigas na pinoprodyus sa isla.

Balintunang ang kasaganaang ito ay hindi ramdam ng mga magsasakang Mindoreño. Pahirap nang pahirap ang kanilang kalagayan. Hanggang ngayon, nagkakasya sa kapiranggot na lupa ang kalakhan ng mga magsasaka ng palay habang ang mga walang lupa at nakikisaka lamang ay pumapailalim sa mga mapagsamantalang sistema kung saan pumaparte ng malaki ang panginoong maylupa sa ani o kita kahit na hindi ito nagpagod.

Dumagan sa pagdurusang hatid ng pyudal na kaayusan ang higit sa dobleng presyo ng farm inputs, tumataas na upa sa mga makinarya at kawalan ng suporta mula sa estado. Ang ibang pananim na kahalili ng palay gaya ng sibuyas at munggo ay bagsak din ang presyo sa farmgate kaya’t hindi maasahan bilang pansagip sa kanilang kabuhayan.

Dahil sa hungkag at inutil na repormang agraryo ng reaksyunaryong gubyerno, 70% ng lupang agrikultural sa isla ang nasa kamay ng mga panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador at mga dayuhang kumpanya. Ang natitirang 30% ang pinaghahati-hatian at nililinang ng mga maralita at mababang panggitnang magsasaka. Kataasan na ang dalawang ektaryang sariling lupa para sa maliliit na magsasaka.

Pasakit dulot ng pyudal na sistema

Ang mga nakikisaka o mga kasamá ay sinisingil ng napakamahal na upa sa anyo ng sistemang buwisan, katulong o kamkam (1). Sa buwisan, pasan ng kasamá ang lahat ng gastos sa produksyon at kukunin na lamang ng PML ang absolutong upa na 12 kaban kada ektarya. Katumbas ito ng 70% parte para sa PML.

Kapag sistemang katulong, ang PML ang sasagot sa gastos sa produksyon habang 10-15% ng ani ang ibibigay sa kasamá. May isang kabang bigas kada ektarya na pangkonsumo para sa kasamá. Sa ilang kaso, imbes na porsyentuhan ay binibigyan na lang ang kasamá ng 12-15 kaban ng inaning palay kada ektarya mula sa inani niyang 90 kaban na karaniwan na sa isang ektaryang palayan. Mas malaki nang bahagya ang kita ng magsasaka sa kaayusang porsyentuhan.

Sa sistemang kamkam, tumatanggap ang magsasaka ng ikalimang parte (20%) sa kabuuang ani kapalit ng kanyang lakas paggawa sa pagtatanim at pag-aani ng palay. Karaniwang grupo ng magsasaka ang pumapasok sa kaayusang kamkam.

Makikita ang abang kalagayan ng mga magsasaka sa aktwal na kasong aralin. Sa pag-aaral ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Mindoro, ang abereyds na gastos sa isang ektaryang palayan ay P45,566 sa kundisyong walang patubig, umuupa ng traktora o rotor at harvester, at gumagamit ng abono at pestisidyo. Pinakamalaking bahagi nito ang farm inputs: ang binhi ay 7.3% habang ang mga kemikal ay 28.9%.

Batay sa ganitong kwentada, P3,733 lang ang kinita ng isang tenanteng nagbubuwis sa isang cropping, o P31 lamang kada araw. Ang PML na sinulitan ay may P8,700 o P72.50 sa arawan kahit na wala siyang trinabaho.

Samantala, ang isang katulong na nakatanggap ng pinakamataas na 15% ng ani at may bigas na pangkonsumo mula sa PML ay kumita ng P16,350 sa isang siklo o katumbas ng P136.25/araw. Ito na ang pinakamainam na kalagayan, pero para sa mas nakararami, nasa 12% lamang ang parte, umaabot lamang ng P87 kada araw ang kita.

Dahil sa marami ang walang lupa at ang may kakarampot na lupa nama’y hirap sa gastusin sa produksyon, dumarami ang nagpapaupa o nagiging manggagawang bukid. Mababa ang sahod na naglalaro sa P200-P300/araw, ngunit umaabot nang hanggang P400 para sa mga nag-oopereyt ng harvester o traktora. Ang problema, kaunti lamang ang nagbebenepisyo sa relatibong mataas na sahod dahil iilan lamang ang kailangang opereytor o driver. Nabawasan ang pangangailangan para sa mga manggagawang bukid mula nang lumaganap ang mga harvester at traktora. Pati ang dami ng sinasagraw, o yaong sinisimot na tira-tirang palay matapos ang paggagapas ay nabawasan. Pandagdag sana sa pagkain ng pamilya ang naiuuwing sagraw mula sa bukid.

Dagok ng neoliberalismo

Nakalubog na sa kumunoy ng kahirapan ay lalo pang inilulubog ang mga magsasaka ng pagpapailalim ng Pilipinas sa pandaigdigang imperyalistang kasunduan sa “malayang kalakalan.” Buhat nang maging batas ang Rice Liberalization Law noong Pebrero 14, 2019, tuluy-tuloy na bumagsak ang presyo ng palay sa farmgate. Nalugi ang mga magsasaka dahil sa pagbaha ng murang imported na bigas.

Sa Occidental Mindoro, pinakamababa ang presyong P12/kilo sa Rizal at pinakamataas P19/kilo(tuyo) sa Calintaan. Lumalabas na sa Occidental Mindoro, pinaka-karaniwan ang presyong P14/kilo na labas harvester (galing sa harvester)—sa ganitong kalakaran nakakatipid sa bayad sa pagkakarga dahil kinukolekta na ito ng mga trader sa mga magsasaka. Sa kabilang probinsya ng Oriental Mindoro, bahagyang mas mataas ang bili sa magsasaka sa presyong P17/kilo ngunit mababa pa rin sa dati nang kahilingang itaas ang presyo hanggang P21.

Panibagong dagok sa mga magsasaka ang pagsirit ng presyo ng langis at mga farm input, at resulta nitong pagmahal ng renta sa mga makinarya. Nasa P80-90/litro ang krudo at gasolina, kaya’t itinaas ng mga may-ari ng harvester at traktora ang upa. Tumaas ang dating hunos (2) sa harvester na 8-10 kaban kada ektarya tungong 12-14 kaban nitong 2022. Pumapalo naman ang upa sa rotor ng P3,000-P4,000 kada ektarya, P500-P1,000 na mas mahal kaysa dati.

Higit doble ang presyo ng urea na P2,800/sako mula sa dating P950/sako. Para makatipid, may mga naghahalo sa abono ng ammonium nitrate na P1,800 lamang kada sako. Gamit ang ammonium nitrate sa pagpapabulaklak ng mangga.

Sa panahon ng kalamidad, tulad ng nangyari nitong bagyong Paeng, walang signipikanteng ayuda para sa magsasaka. Hindi rin saklaw ng serbisyong patubig ang lahat ng mga palayan. Noong 2020, nasa 136,562 ektarya o 76% ng lupang agrikultural sa Mindoro ang may irigasyon.

Sa mga lugar na may irigasyon sa Occidental Mindoro, nagbabayad ng P500/ektarya (tag-ulan) at P1,000/ektarya (tag-araw) para sa patubig. Hindi pantay ang distribusyon ng serbisyo dahil madalas itong nakokopo ng mga panginoong maylupa’t mayamang magsasaka at kanilang mga kadikit.

Baon sa utang

Para mabuhay, nangungutang ang karamihan sa mga magsasaka. Madalas nilang takbuhan ang mga microfinance na nagsisilbing modernong usurero dahil sa napakataas na interes na umaabot ng 15%. Sa tindi ng kagipitan, dalawang card ang inuutangan ng mga magsasaka. Ilan sa mga microfinance sa Mindoro ang Card Bank, ASA Card at RC (Reliable Credit Microcredit). Ang ASA ay nakatatanggap ng utang mula sa CitiGroup, isang malaking Amerikanong kumpanya sa pinansya.

Kaunti lang ang nakakautang sa Landbank na may 2% interes dahil mahigpit ang proseso bago makapangutang. Kaya, babalik pa rin ang mga magsasaka sa mga PML at trader, dahilan para maobliga silang magbenta sa inuutangang trader kahit barat ang presyo. Sa PML at trader, tinutumbasan ang P1,000 na utang ng tatlong kaban ng palay.

Sa hirap ng kalagayan, kahit ang nagsasakang-maylupa ay kapos ang kita. Ayon sa isang mababang panggitnang magsasaka, gumastos siya ng P51,800 sa isang cropping ng kanyang 1.5 ektaryang tubigan. Umani siya ng 90 kabang palay dahil kaunti ang nagamit niyang abono. Sa P14/kilo ng palay, may kabuuan siyang benta na P63,000. Lalabas na kumita lamang siya ng P11,200 para sa apat na buwang trabaho o P93 kada araw. Uutang siya sa card para makapag-second cropping.

Ano ang dapat gawin?

Hindi makakaalpas ang magsasakang Mindoreño sa busabos nilang kalagayan hangga’t nananatili ang kontrol sa lupa ng iilan at ang imperyalistang dominasyon sa ekonomya ng Pilipinas. Kailangang bunutin ang ugat ng pyudalismo, burukrata kapitalismo at imperyalismo upang lubusang matamasa ng magsasaka ang bunga ng kanilang pagpapagal sa lupa.

Ang pagpapalaya ng mga magsasaka mula sa pyudalismo ang ubod ng programa ng demokratikong rebolusyong bayan na isinusulong ng PKP-BHB-NDFP. Kailangang umanib ang masang magsasaka sa Pambansang Katipunan ng Magbubukid, ang rebolusyonaryong organisasyon ng mga magsasaka, at magsulong ng DRB upang makamit ang kanilang karapatan sa lupa at paunlarin ang kanilang kabuhayan. Sa buong bansa, isinusulong ng rebolusyonaryong kilusan ang rebolusyong agraryo na may maksimum na programang libreng pamamahagi ng lupa sa mga wala at kulang sa lupang sinasaka. Sa minimum ng programa ng RA, itinataas ang antas ng kabuhayan ng masa sa kanayunan sa pamamagitan ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagtataas sa sahod ng manggagawang bukid, pagkontrol sa usura, pagpapataas sa presyo ng produktong bukid at pagtataas sa lokal na produksyon.

Sa gabay ng Partido at tuwang ng BHB, muling sisigla at lalago ang pakikibakang magsasaka sa Mindoro. Tatanganan nila ang mayamang kasaysayan ng pagsusulong ng rebolusyong agraryo sa isla na nagkaloob sa libu-libong pamilya ng lupang bubungkalin. Ang laban para sa lupa ang pundasyon ng lakas ng rebolusyonaryong paglaban ng mga Mindoreño.###

___
1 Sistema sa palayan kung saan ang isang magsasaka ang sumasalo sa gastusin ng pagtatanim at pag-aani ng palay kapalit ng kabahaging makukuha niya sa ani. May dalawang tipo: talok-ani at sabog-ani. Sa sabog-ani, ang nagkamkam ang gumagawa ng kanal sa tubigan. Sa kasalukuyan, ang nagkamkam ay may ikalimang parte sa kabuuang (gross) ani.

2 Upa o renta

Kalagayan ng magsasaka ng palay sa Mindoro