Kalatas, February 2023 Tugon ni Patnubay de Guia: Paano kinasangkapan at patuloy na ginagamit ng pamilyang Marcos at imperyalismong US ang sining at kultura para ipataw ang kanilang imbing paghahari? Paano ito lalabanan?

Ipinakita sa loob ng higit dalawang dekadang paghahari ni Ferdinand Marcos Sr. ang lubusang pagmanipula sa sining at kultura bilang kasangkapan ng naghaharing uri, laluna ng kanyang pamilya’t kroni at among imperyalistang US para makapaghari at manatili sa poder. Pilit isinubo ng diktador ang reaksyunaryong sining at kultura sa mamamayan sa panahong iyon upang ipinta ang isang kathang-isip na gintong kapanahunan sa ilalim ng rehimeng US- Marcos I — isang imaheng kabaliktaran ng tunay na nagaganap sa lipunan. Sa islogang “ bagong lipunan” tinabingan ng magagarbong proyektong imprastraktura, pang-aliw na mga palabas sa telebisyon, teatro’t pelikula, ang malalagim na krimen ng diktadura at kalunus-lunos na kalagayan ng mamamayan.

Pinangunahan ito ni Imelda Marcos, na hambog na nagbansag sa kanyang sarili bilang modernong katauhan ni “Maganda” mula sa alamat na Malakas at Maganda na kwento ng pinagmulan ng lahing Pilipino. Gamit ang ninakaw na pera ng taumbayan, pumosturang patron ng sining si Imelda Marcos. Winaldas ang pondo ng mamamayan sa mga proyekto sa musika, sayaw, sining biswal at arkitektura na hindi naman pinakinabangan ng mayorya ng sambayanan. Hindi iilang mga tanyag na pangalan sa sining at kultura ang tumatanaw ng utang-na-loob sa pabor ni Imelda. Pati ang kanyang kasuotan, alahas at mga luho ay binigyan ng panlipunan at pangkulturang halaga matapos niyang tawagin ang sarili na “Ina ng Bayan”.

Kinailangan itong gawin ni Imelda para tabunan ng “makikinang na bagay” (shiny objects) ang marurumi at karumal-dumal na mga krimen ng diktadurang US-Marcos Sr. laban sa bayan. Tuso rin itong pakana upang hatiin ang hanay ng intelihensya at panggitnang pwersa. May ilang nabulag, lumunok at naging bayaran upang ipalaganap ang pananaw ni Imelda na silang mga naghaharing uri ang siyang may tungkulin na payabungin ang sining at kultura upang ipataw at ipatanggap ito sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino. Isang malinaw na misrepresentasyon ng tunay na kalagayan at aspirasyon ng sambayanang Pilipino.

Ngunit sa likod ng pekeng kariktan, naghuhumiyaw ang karahasan ng rehimeng US-Marcos Sr. Buong pagmamalaking sinabi ni Imelda na ang kanyang pamantayan sa sining at kultura ay ang “the true, the good and the beautiful” (ang tunay, ang mabuti at ang maganda), subalit sa katunayan, ang ipinalalaganap nilang sining noong Martial Law ay yaong napakikinabangan ni Imelda sa kanyang tusong pakana na palawigin at patatagin ang kapit ng kanilang pamilya sa kapangyarihan at ng amo nitong imperyalismong US. Sa kabilang panig, ang mahuhusay na akdang pampanitikan at likhang sining na naglalantad sa kabulukan ng reaksyunaryong gubyerno at kumakatawan sa pananaw ng masang anakpawis ay sine-censor at pinupulaan.

Nagamit pa sa korapsyon ng mga Marcos ang pagtatayo ng mga institusyong pangkultura at pagpopondo sa mga proyektong sining. Binili ni Imelda at inangkin ang pinakamamahaling mga obra ng sikat na mga pintor sa buong mundo tulad nina Claude Monet at Pablo Picasso. Ayon sa PCGG, mayroong koleksyon ng likhang sining ang mga Marcos na umaabot sa $24.32 milyon. Hanggang sa kasalukuyan, pilit niyang itinatago ang pag-angkin niya sa mga ito. Pero dahil sa nakahihilong kayabangang taglay, nahuli siya sa isang naka-telebisyong panayam, na nasa likod niya ang mamahaling mga obra na siya mismong hinahabol na makuha ng PCGG at pilit niyang itinatanggi na nasa kanya.

Pinondohan ng gubyernong Marcos Sr. ang mga ambisyosong proyekto sa arkitektura tulad ng Cultural Center of the Philippines, Coconut Palace at San Juanico Bridge. Kalakhan sa mga pondong inutang sa imperyalista ay ibinulsa ng pamilya Marcos at mga kroni nito. Nagresulta ito sa lalong pagkakabaon sa utang ng bansa na hanggang ngayon ay pinapasan pa rin ng bayan.

Matapos patalsikin sa Malacanang noong 1986, muling ipinagsiksikan ng mga Marcos ang kanilang pamilya sa kamalayan ng lipunang Pilipino sa patuloy na paggamit sa edukasyon at mga institusyong pangkultura, partikular ang tri-media at social media gamit ang mga bayarang trolls. Mula 1992, desperadong nagpalaganap sila ng rebisyunismo sa kasaysayan. Sa pamamagitan ng kanilang nakaw na yaman, umupa sila ng mga bayarang personalidad sa midya. Panlilinlang ang pagbabansag ng mga ito sa panahon ng paghahari ng mga Marcos mula 1965 hanggang 1986 bilang ‘Ginintuang Panahon’ ng Pilipinas. Inilabas ito sa mga panayam ng mga pulitikong panig sa mga Marcos, mga bayarang brodkaster sa telebisyon at radyo, mga kolumnista sa dyaryo, at mga sikat na artistang maka-Marcos.

Panibagong insulto sa sambayanang Pilipino ang dalawang pelikulang pinondohan ng mga Marcos para rebisahin ang kasaysayan: ang Maid in Malacañang at Martyr or Murderer ng alipures nilang si Darryl Yap. Prinoyekto ang mga ito para patibayin ang hinabing kwento ng mga Marcos kaya’t pinuno ng maraming misrepresentasyon at kasinungalingan.
Ang pagmamanipula ng mga Marcos sa sining at kultura na pabor sa kanilang paghahari ay tanda ng labis na pagkabulok ng kultura sa malakolonyal at malapyudal na lipunan. Ito ay kulturang nagtataguyod sa reaksyunaryong interes ng imperyalismong US, burgesyang kumprador at panginoong maylupa kabilang ang Simbahang Katoliko, kasama ng ahenteng burukrata kapitalista, para ipataw sa mamamayan ang kulturang kolonyal, hindi siyentipiko at elitista. Layon nitong lasunin ang isip ng mamamayang Pilipino at ilayo sila sa landas ng pagrerebolusyon. Ang pagturing sa mga naghaharing uri, tiraniko, mamamatay-tao at iba pang kabudhi ng diktador na si Marcos bilang mga bayani at “tagapagligtas” ng sambayanan ang pinakamasahol na manipestasyon nito.

Mariing sinasalungat at nilalabanan ng rebolusyonaryong hanay ang reaksyunaryong kulturang pinapalaganap ng mga Marcos at ng amo nitong imperyalismong US sa pamamagitan ng pagtataguyod sa pambansa, siyentipiko at maka-masang kultura sa balangkas pagsusulong ng pambansa at demokratikong rebolusyon. Kaakibat ng pagpapalaya sa mamamayan mula sa pang-aapi at pagsasamantala ang pagpapalaya sa kanila mula sa kamangmangan, atrasadong kaisipan, pamahiin, at sa kolonyal, burges-dekadenteng kultura.

Itinataguyod ng rebolusyonaryong kilusan bilang alternatiba ang pambansang kultura bilang kapalit sa kolonyal na kultura. Lalabanan ng pambansang kultura ang bulag na paghanga sa anumang nanggagaling sa US tulad ng paghanga sa mga lider ng imperyalismo, sundalo, komersyal na produkto, musika at kultura, Hollywood, at iba pa. Iwawaksi nito ang kaisipang nag-eengganyo sa dayuhang pandarambong at pangyuyurak sa pambansang soberanya at integridad ng sambayanang Pilipino.

Upang abutin ang pinakasulong na pananaw, payayabungin ang siyentipikong kultura. Kailangan ito para iwaksi ang kaisipang nakaasa sa haka-haka, swerte at superstisyon. Iwinawaksi ng siyentipikong pananaw ang malapyudal na kaayusan, ang pag-iral ng lokal na naghaharing uring kumprador burges at panginoong maylupa na walang kapagod-pagod na kumakamkam ng pinakamalaking bahagi sa pinagpaguran ng mga manggagawa at magsasaka. Itinataguyod nito ang syensyang panlipunan at ekonomyang pampulitika na nagsisilbi sa masang anakpawis at sambayanan para sa wastong pagsusuri sa lahat ng bagay, pangyayari, kaisipan at kasaysayan.

Ibabandila rin ang makamasang kultura na maglilingkod sa interes ng mamamayan, laluna ng manggagawa at magsasaka. Nasa puso nito ang prinsipyo ng linyang masa na naninindigang, ang masa at masa lamang ang tagapaglikha ng kasaysayan. Kilusang masa ang ating pamamaraan sa pagsasagawa ng mga kampanya at programa sa kultura.

Para maitaas ang kamulatan at kakayahan ng masang Pilipino, ipalalaganap ang kampanyang literasiya-numerasiya sa buong bansa at itataguyod ang libreng edukasyon sa lahat ng antas. Titiyakin ang rebolusyonaryong oryentasyon ng edukasyon at kultura na maglilingkod sa interes ng sambayanan. Gagamitin ang lahat ng posibleng daluyan, tradisyunal at makabago, para sa programa sa edukasyon. Gagamitin ang siyentipiko at teknikal na mga kaalaman para paunlarin ang produksyon.

Ang pagpapataas ng antas ng sining ay magtataguyod at maglalarawan ng pakikibaka at tagumpay ng uring anakpawis at mandirigma ng bayan at maglalantad sa pagsasamantala at pang-aapi ng imperyalismo at mga lokal na naghaharing uri laban sa sambayanan. Lahat ng mga propesyunal at may mataas na kasanayan sa sining ay dapat magtaglay ng ganitong rebolusyonaryong diwa. Eengganyuhin silang makipamuhay at lumubog sa hanay ng masang pinaglilingkuran.

Hinihikayat ng NDFP ang mga manggagawang pangkultura at alagad ng sining na lumikha ng matalas at makauring sining na tatarak sa dibdib ng mga mapang-api’t mapagsamantala pangunahin ng rehimeng US-Marcos II. Higitan ang inilunsad na rebolusyong pangkultura na dumulo sa pagbagsak sa rehimeng US-Marcos I ng may ibayong talas sa pagdadala ng linyang anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalistang linya. Gamiting inspirasyon ang naglalagablab na pakikibakang bayan para ibagsak ang tuta, magnanakaw at delusyonal na pamilya at rehimeng US-Marcos II.###

Tugon ni Patnubay de Guia: Paano kinasangkapan at patuloy na ginagamit ng pamilyang Marcos at imperyalismong US ang sining at kultura para ipataw ang kanilang imbing paghahari? Paano ito lalabanan?