Cha-cha ni Marcos Jr, kopya sa kanyang amang diktador
Sa kasaysayan ng Pilipinas, huling nagkaroon ng Constitutional Convention (Con-con) para baguhin ang reaksyunaryong konstitusyon (charter change o cha-cha) noong 1971 sa ilalim ni Ferdinand Marcos Sr. Tulad ng ginawa noon ng kanyang amang diktador, muling isinasalaksak ni Ferdinand Marcos Jr sa lalamunan ng bayan ang pakanang Con-con.
Nitong Marso, walang kakurap-kurap na iniratsada ng Kongresong pugad ng luma at dating alipures ng mga Marcos ang dalawang panukala para sa Con-con. Ipinasa noong Marso 6 ang Resolution of Both Houses No. 6 na nagtatakda ng pagbubuo ng Con-con. Noong Marso 14, inaprubahan nito ang Constitutional Convention Act (House Bill 7352) na nagtakda ng mga pamamaraan para isagawa ang kumbensyon.
Sa ilalim nito, ihahalal ang mga delegado ng Con-con kasabay ng eleksyong pambarangay sa Oktubre 30. Magkakaroon ng kinatawan ang bawat distrito na manunungkulan mula Disyembre 1, 2023 hanggang Hunyo 30, 2024. Babayaran sila ng ₱10,000 kada araw ng kanilang pagdalo sa sesyon ng komite o kapulungan. Isasalang sa isang plebisito ang mga pagbabagong imumungkahi ng kapulungan. Tinatayang aabot sa ₱15 bilyon ang gagastusin para sa buong iskema.
Cha-cha para sa dayuhan at dinastiya sa pulitika
Isang neiliberal at awtoritaryang konstitusyon ang itutulak ng pangkating Marcos, kasama ng mga alyado nitong pangkating Duterte, Arroyo at Estrada. Lakip dito ang pagpapalawig sa termino ng nakaupong presidente at higit rito, pagligalisa sa mga istruktura ng pasismo. Hindi malayong maulit ang ginawa noon ng diktador na Marcos Sr at asawang niyang si Imelda na panunuhol sa mga delegado sa 1971 Constitutional Convention sa nabantog na Quintero payola. Makaraang ipataw ang batas militar, inilusot ang Konstitusyong 1973 sa pamamagitan ng maanomalyang pambansang plebisito na idinaan lamang sa pagtataas ng mga kamay sa mga asembleya ng barangay.
Panloloko ang sinasabing ililimita sa mga probisyon sa ekonomya ang pagbabago sa konstitusyon. Inamin mismo ng mga naglalako ng Con-con na walang makakalimita sa kapangyarihan nito (o kahit ng alternatibong constituent assembly) na baguhin ang buong konstitusyon. Lalong malaking panlilinlang na uunlad ang bansa kung aalisin ang mga restriksyon sa pagmamay-ari at kontrol ng dayuhan sa mga lupa at ilang pinoprotektahang bahagi ng ekonomya. Ibubunga nito ang lalong pandarambong sa bansa ng mga imperyalista at ilang kasabwat nilang malalaking burgesyang kumprador, panginoong maylupa at burukrata-kapitalista.
Reaksyunaryo ang Konstitusyong 1987 dahil pinanatili at pinagtibay nito ang sistema ng pagsasamantala at pang-aapi ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Ngunit napilitan ang naghaharing uri na magbigay ng ilang konsesyon dulot ng malakas na makabayan at demokratikong kilusan matapos ang Pag-aalsang Edsa noong 1986. Kabilang sa konsesyon ang limitasyon sa mga termino ng mga halal na upisyal, limitasyon sa pagpataw ng batas militar, listahan ng batayang mga karapatang-tao, representasyon ng aping mga sektor sa sistemang party list, proteksyon sa ilang bahagi ng pambansang ekonomya, pagbabawal sa mga dayuhang base militar, armas nukleyar at patakarang gera.
Pakanang taliwas sa interes ng sambayanan
Ang pakanang cha-cha ni Marcos Jr kontra-mamamayan, kontra-mahirap, kontra-makabayan at kontra-demokratiko. Labis na masama at mapaminsala sa mamamayan at bansa ang pakay nito.
Mayroon itong apat na litaw na layunin. Una, alisin ang umiiral na limitasyon para makapagpalawig sa poder ang pangkating Marcos at mga dinastiyang pulitikal. Pangalawa, pagtibayin at sementuhin ang mga patakarang neoliberal at tanggalin ang restriksyon para ganap na mapag-ari at lalong madambong ng mga imperyalista at dayuhan ang lupain at ekonomya ng bansa na magpapalala sa pang-aagaw sa kabuhayan ng mamamayan. Pangatlo, pahinain ang proteksyon sa mga karapatang-tao at restriksyon laban sa batas militar at panunumbalik ng pasistang diktadura. Pang-apat, pawiin ang mga pagbabawal sa dayuhang mga base militar, armas nukleyar at patakarang gera pabor sa imperyalistang US.
Matagal nang itinutulak ng American Chamber of Commerce of the Philippines, ng gubyerno ng US at mga imperyalistang institusyong pampinansya ang pagbabago sa konstitusyon. Gayunpaman, may ilang grupo ng malalaking negosyo na nagpahayag ng pagkabahala sa totoong pampulitikang pakay ng pakana. Batid nilang hindi kagyat na kailangan ang amyenda sa mga probisyon sa ekonomya dahil naipasa na ang mga batas na lalong nagbubukas dito. Nababahala sila sa idudulot na instabilidad at kaguluhang sa naghaharing sistemang pampulitika dala ng pagbabago sa mga limitasyon sa termino.
Batid na ng malawak na mamamayan ang masamang balak ng Marcos cha-cha. Tinutuligsa nila ang pagwawaldas ng panahon at pondo ng bayan sa pakana imbes na harapin at tugunan ang masidhing krisis pangkabuhayan ng mamamayan. Ang pagkakaisa at sama-samang pagkilos at paglaban nila ang makadidiskaril, makahahadlang at makapagpapaatras sa Marcos cha-cha.