Mga komunidad sa Kalinga at Bukidnon, kinanyon at binomba ng AFP

,

Magkakasunod na kaso ng panganganyon, aerial bombing at istraping ang isinagawa ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga prubinsya ng Kalinga sa Northern Luzo at Bukidnon sa North Central Mindanao sa nagdaang mga linggo. Labis na takot at troma ang idinulot nito sa mga residente ng kalapit na mga komunidad. Apektado rin ang kabuhayan ng mga residente.

Sa Kalinga, walang-patumanggang binomba ng mga jet fighter ng AFP ang mabundok na bahagi ng Barangay Gawa-an sa Balbalan bandang alas-2 ng madaling araw noong Marso 5. Ayon sa mga residente, dinig hanggang sa mga bayan ng Upper Tabuk at Limos ang ingay ng mga fighter jet. Naghatid din ng takot sa lugar ang pag-iikot-ikot ng drone na pangsarbeylans. Kinaumagahan, dalawang helikopter naman ang umikot sa Balbalan.

Liban pa rito, iligal na dinakip ng mga sundalo ang siyam na residente ng Sityo Uta at Codcodwe ng Barangay Gawa-an at idinetine nang pitong oras. Ayon sa mga grupo sa karapatang-tao, patuloy ang pagbubuhos ng tropa ng militar sa Balbalan. Gayundin, mayroong inilagay na howitzer sa Sityo Guesang, Poblacion na nakaharap sa Barangay Gawa-an.

Muling iniulat ng mga grupo sa karapatang-tao ang pambobomba at pag-istraping ng AFP sa mga komunidad ng Balbalan noong Marso 9.

Sa Bukidnon, naitala ang maraming kaso ng panganganyon, pambobomba at istraping sa Malaybalay City mula Marso 13 hanggang Marso 16. Kinanyon ng AFP ang Barangay Culaman noong Marso 13 ng madaling araw. Inatake rin ang Barangay Kaburakanan noong Marso 15 ng hapon at gabi. Tinatayang 16 na rocket ang inihulog ng dalawang helikopter at naitala ang limang serye ng istraping at dalawang serye ng panganganyon. Muling inatake ng mga helikopter ng AFP ang Barangay Kaburakanan noong Marso 16, alas-12 ng hatinggabi.

Pagpatay. Pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng 37th IB ang apat na sibilyan, kabilang ang dalawang menor-de-edad, sa Sityo 27, Barangay Sangay, Kalamansig, Sultan Kudarat noong Pebrero 27. Para pagtakpan ang kanilang krimen, pinalabas ng AFP sa masmidya na mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang kanilang inatake.

Kinilala ang mga biktima na sina Nasyon Gantangan, 30 taong gulang at may tatlong anak; Epin Dasol, at dalawang menor-de-edad na sina Waldo Lunon (16) at Verano Matilak (15). Napatay sa pamamaril si Gantangan habang nasugatan si Dasol.

Nakasigaw pa si Gantangan ng “Sibilyan ni!” (Sibilyan kami!) bago siya mapatay. Sa kabila nito, nagpatuloy sa pagpapaputok ang tropang militar hanggang umaga. Ayon sa pamilya ni Gantangan, sobrang daming bala ang tumama sa kanyang katawan na halos mahati ito.

Pagdukot. Dinukot ng mga ahente ng 94th IB ang organisador ng magsasaka na si Leonardo Sermona Jr noong Marso 16. Siya ay huling namataan sa Barangay Bi-Ao, Binalbagan, Negros Occidental. Nakapagpadala pa ng mensahe si Sermona na nagsasabing “hinahabol ako” bandang alas-4:59 ng hapon ng Marso 16. Hindi pa natutunton ang kinaroroonan niya hanggang sa kasalukuyan.

Pag-aresto. Inaresto ng mga pulis at armadong pwersa ng estado noong Marso 7 ang organisador ng Anakpawis-Rizal na si Arnel Bueza bandang alas-12:30 ng madaling araw sa kanyang bahay sa Sityo Tibagan, Barangay Dolores, Taytay, Rizal. Walang ipinakitang mandamyento de aresto ang mga dumakip. Dinala siya sa CIDG Padilla, Antipolo.

Inaresto ng 62nd IB ang magsasakang si Ricky Elod noong Marso 17 sa Sityo Caliban, Barangay Makilignit, Isabela, Negros Occidental. Hindi pa natutukoy ng mga kaanak ni Elod kung saan siya dinala ng mga sundalo.

Panggigipit. Niransak ng mga sundalo ng 62nd IB ang bahay ni JR Apao sa Sityo Binil-iwan, Barangay Calupaan, Guihulngan City noong Marso 17. Tinakot at pinilit ng mga sundalo si Apao na magsilbing giya sa kanilang operasyong militar.

Sa Negros Occidental, pinasok ng mga tropa ng 62nd IB ang bahay ng mag-asawang magsasaka na sina Danila at Libeth Gerunda sa Sityo Lower Caliban, Barangay Banog-Banog, Isabela noong Marso 19. Wala ang mag-asawa sa naturang bahay pero nakita ng mga sundalo ang anak ng mga ito. Tinakot at pilit na nilitratuhan ang mga menor-de-edad sa naturang bahay.

Noong Marso 17, pinasok ng nag-ooperasyong tropa ng 62nd IB ang bahay ni Renante Villacapa sa Sityo Caliban sa parehong barangay. Ininteroga naman si Eyok Diala, residente ng parehong sityo.

Tinutukan ng armas ang babaeng si Evelyn Bitonga sa Sityo Lower Caliban sa parehong barangay noong Marso 20.

Sa Rizal, sapilitang pinatipon at “pinasuko” ng 80th IB at mga ahente ng National Task Force-Elcac noong Marso 12 ang mga residente ng 1K2 Kasiglahan Village, Montalban. Tinipon ng mga sundalo ang 400-500 residente.

Samantala, patuloy na ginigipit ng mga pwersa ng estado ang organisador ng maralita na si Roberto Marquez simula pa Marso 2. Noong Marso 6, pinasok ng mga pulis ang kanyang bahay sa Sityo Sumilang, Barangay San Jose, Antipolo para pagbantaan siya at ang kanyang pamilya.

Mga komunidad sa Kalinga at Bukidnon, kinanyon at binomba ng AFP