G7 sa Hiroshima, pang-uudyok ng gera sa Asia-Pacific

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Sinalubong ng protesta sa pangunguna ng International People’s Front, International League of Peoples’ Struggle at iba pang alyado nitong mga grupo ang naganap na pagpupulong ng mga lider ng mga bansa sa ilalim ng Group of 7 (G7) noong Mayo 19 hanggang Mayo 20 sa Hiroshima, Japan.

Isang porum ang inilunsad ng mga anti-imperyalistang organisasyon sa Kyoto, Japan noong Mayo 18. Doo’y inilantad ang pagmamaniobra ng US at iba pang malalaking bansa para paigtingin ang gerang proxy laban sa Russia at tutulan ang pinabibilis na militarisasyon ng Asia-Pacific para udyukan ang China.

Panawagan ng mga grupo na paigtingin ang pagtakwil sa G7 bilang isa sa instrumentong may malaking papel sa estratehiya ng imperyalistang US na mag-udyok ng gera sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Isinasagawa ito ng US sa pamamagitan ng pagtatayo at pagpapalawak ng mga base militar, pagpaparami ng armas nukleyar, at pagpapatibay ng mga di pantay na mga kasunduan sa seguridad.

Ang G7 ay pinangungunahan ng US at binubuo ng malalaking kapitalistang bansa gaya ng United Kingdom, Canada, France, Germany, Italy at Japan. Isinasagawa ang taunang pulong nito para konsolidahin ang maka-US na bloke ng mga imperyalistang bansa at buuin ang mga patakaran para pahigpitin ang kontrol sa pulitika, ekonomya at militar sa kani-kanilang mga malakolonya.

Militaristang adyenda

Pangunahin sa adyenda ng ginanap na pulong ng G7 ang proxy ng US laban sa Russia sa Ukraine at pang-uudyok ng gera sa China.

Sa Ukraine, krusyal ang ayudang militar at pinansyal ng G7 para patagalin ang gera sa kapinsalaan hindi lamang ng mamamayang Ukrainian kundi ng mamamayan ng kani-kanilang mga bansa. Sa kabila ng sumisirit na pandaigdigang implasyon at mga hiyaw para sa subsidyo at dagdag-sahod ng kanilang mga manggagawa, nagawa pa ng mga presidente ng G7 na maglaan ng $115 bilyong ayuda para sa Ukraine upang ipagpatuloy ang gera.

Isinagawa ang pagpupulong ng G7 sa balangkas ng tuluy-tuloy na paghahanda ng US ng teatro ng digma sa Asia kontra China. Bahagi nito ang aktibong pagpupusisyon ng US ng mga tropa at armas at inilalatag ang sistema ng mga misayl sa tinagurian nitong “First Island Chain.”

Ang pagdaraos ng pulong ng G7 sa Hiroshima ay pagsuhay sa papel ng Japan sa tumitinding militarismo sa rehiyon. Tulad ng US, ginagamit nito ang “banta” ng China at North Korea para palakasin ang sariling kapangyarihang militar. Kamakailan, dinoble nito ang badyet sa depensa para magparami ng armas at palakasin ang armadong hukbo, taliwas sa pagbabawal ng konstitusyon nito. Nagtutulak ito ng mga kasunduang militar sa iba’t ibang bansa sa Asia para sa pagdeploy ng tropa at armas. Kabilang dito ang pagtutulak ng sariling Visiting Forces Agreement para sa paglabas-masok ng mga tropa nito sa Pilipinas.

Para idiin ang China, iginiit ng G7 na “walang batayang ligal” ang malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea at itinulak ang pagkilala sa UNCLOS at desisyon ng Arbitral Tribunal noong Hulyo 12, 2016 na pabor sa Pilipinas. Tinutulan nito ang militarisasyon ng China sa rehiyon, pero walang binanggit kaugnay sa papalaking presensyang militar ng US sa anyo ng paglalayag ng mga barko de gera, at paglulunsad ng mga war game kasama ang mga alyado nitong bansa.

G7 sa Hiroshima, pang-uudyok ng gera sa Asia-Pacific