Labanan ang lumalalang pasismo laban sa mamamayang Pilipino
Mistulang mga asong ulol ang mga armadong pwersa ng estado sa walang-habas na paninibasib sa mamamayang Pilipino sa ilalim ng lalong brutal na terorismo ng rehimeng US-Marcos. Higit na nagiging malupit ang gerang ito sa desperasyong patahimikin at lumpuhin ang iba’t ibang anyo ng paglaban ng sambayanan upang bigyang daan ang higit na malalalang anyo ng pang-aapi, pagsasamantala at pandarambong.
Sa kanayunan man o kalunsuran, patuloy ang pasistang pananalasa ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP). Hindi man deklarado, umiiral ngayon ang batas militar sa Pilipinas. Naghahari-harian ang AFP at PNP at namamayagpag ang terorismo ng estado sa buong bansa.
Mahigit isandaang batalyon ng mga sundalo ang nakakalat sa kanayunan, laluna sa mga barangay na nakikibaka ang masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Kabilang sa mga operasyong ito ang paghamlet sa mga barangay, pagkontrol sa labas-masok ng mga tao, pagblokeyo sa pagkain at iba pa.
Kinokonsentrahan ng AFP ang mga lugar na may nakatayo o balak palawaking mga minahan, plantasyon o proyektong pang-imprastruktura na pag-aari ng mga dayuhang kapitalista o pinopondohan ng dayuhang pautang. Ginagamit ngayong padron ang huwad na “Peace Economy” programa ni Sara Duterte sa Paquibato district, Davao City kung saan dinumog ng bata-batalyong armadong pasista ang mga pamayanan upang supilin ang paglaban ng masa, ihele sila ng mga pakitang-taong mga programang “pangkabuhayan” habang inaagawan sila ng lupa ng mga plantasyon ng saging, kape, oil palm at iba pa.
Target ng panunupil ng mga operasyong militar ng AFP ang mga lider at aktibistang magsasaka. Kahit walang pruweba, pinararatangan silang sumusuporta sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) upang bigyang matwid ang paggamit ng armadong pagsupil laban sa mga sibilyan. Hindi bababa sa 96 na, kabilang ang apat na bata, ang biktima ng pamamaslang mula nang maupo si Marcos, kabilang ang walong magsasaka pinaslang sa Negros nito lamang Mayo 21-27.
Dagdag sa kabi-kabilang kaso ng pamamaslang ang panggigipit, pagdukot at pagtortyur sa mga magsasaka, pagkidnap sa mga bata at sanggol (tulad ni Baby Rhea at Baby Marx), pagsikil sa pamilya ng mga pinagsususpetsahang rebolusyonaryo, at iba pang maruruming taktika sa ilalim ng kampanya ng AFP ng “pagpapasurender” sa mga sibilyan, na tahasang paglapastangan sa mga karapatang-tao at maging sa mga prosesong ligal na itinatakda ng reaksyunaryong batas.
Sa kalunsuran, tuluy-tuloy ang panggigipit sa mga progresibo at demokratikong unyon, samahan ng mga mala-proletaryado at maralita, mga organisasyong ng kabataan, guro, kababaihan, manggagawang pangkalusugan at iba pa. Tulad sa kanayunan, ang mga ito’y walang ebidensyang pinararatangan ng AFP na sumusuporta sa armadong rebolusyon. Ang mga pabrika, komunidad, kampus, maging mga tanggapan ay pinuputakte ng mga sundalo at pulis sa layuning tiktikan at sindakin ang mamamayan.
Sa kanayunan man o kalunsuran, binubura ng AFP ang pagkakaiba ng mga kombatant sa mga sibilyan upang bigyang matwid ang armadong panggigipit sa mga aktibista at paggamit ng armadong dahas sa pagsupil sa mga demokratikong karapatan. Ang mga lider at aktibong kasapi ng mga organisasyon, pati na ang kanilang mga pamilya, ay minamanmanan, ginigipit at pilit “pinasusurender” kahit pa wala naman silang kinakaharap na kaso.
Dumarami ngayon ang mga kaso ng desaparesido—karamihan mga aktibista, organisador o lider ng masa na iligal na dinudukot ng mga armadong ahente ng estado. Sikreto silang ibinibimbin at isinasailalim sa matinding tortyur—kapwa pisikal at mental—upang isuko nila ang kanilang prinsipyo ng paglilingkod sa bayan at baliin ang kanilang kapasyahang lumaban para sa demokrasya at kalayaan. Ang mga nabali ay pinalalabas na “sumuko.” Samantala, ang mga nananatiling matibay ay tuluyang pinapatay—gaya ng pagdukot at pagpatay kamakailan sa mga konsultant ng NDFP sa Negros at Bohol—o tuluyan na lang na iwinawala.
Ang kamay-na-bakal na paghahari ni Marcos ay nakapadron sa paghaharing militar ng ama niyang diktador noong 1972-1986. Todo-todo ang pagsuporta at pag-udyok ng imperyalismong US sa pasistang paghahari ni Marcos sa anyo ng pagbuhos ng mga sandata at ayudang militar, alinsunod na rin sa pang-ekonomya at pampulitikang interes ng US sa bansa at sa rehiyong Asia-Pacific.
Ang paninibasib ng mga pasistang sundalo at pulis sa utos ni Marcos ay nagsisilbi sa pagpapanatili sa mapang-api at mapagsamantalang sistemang panlipunan, pagpapalawak ng pang-ekonomyang interes ng mga panginoong maylupa, malaking burgesyang komprador at kasosyong dayuhang kapitalista, at pagtatanggol sa bulok at talamak-sa-korapsyon na paghahari ng pamilyang Marcos. Habang nabubundat sa pagpapayaman sa poder si Marcos, mga alipures na malaking burukratang kapitalista at pinapaburang negosyante, walang katapusan naman ang pagdurusa ng masang manggagawa, magsasaka at ibang anakpawis, gayundin ang mga petiburges na maliliit na kawani, estudyante at iba pang naghihirap na sektor.
Dapat maigting na magtanggol ang sambayanang Pilipino at puspusang labanan ang walang-habas na paninibasib ng mga asong-ulol na armadong tauhan ng pasistang rehimeng US-Marcos. Kailangan ibayong palakasin ang kanilang organisadong hanay at patibayin ang kanilang determinasyong ipaglaban ang kanilang mga demokratikong karapatan laban sa paghaharing militar at paghahasik ng terorismo ng estado. Dapat walang-pagod na isadokumento at ilantad ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas at ang mga kasinungalingan ng AFP para pagtakpan ang kanilang mga krimen. Palakasin ang sigaw na Katarungan! para sa lahat ng biktima ng pasistang pamamaslang at pang-aabuso ng mga sundalo at pulis ni Marcos. Itayo at ibayong palakasin sa loob at labas ng bansa ang mga sentro para sa pagtatanggol sa karapatang-tao.
Ang walang patlang na teroristang paninibasib ng mga armadong tauhan ng estado ay lalong gumagatong sa galit ng sambayanang Pilipino sa papet, pasista at pahirap na rehimeng Marcos. Sa kanayunan at kalunsuran, tuluy-tuloy na natutulak ang masa na sumapi sa hukbong bayan bilang tanging paraan nila sa pagtatanggol sa kanilang sarili.
Dapat ibayong palawakin at palakasin ang BHB at ibayong palakasin ang armadong pakikibaka upang ipagtanggol ang buhay at kabuhayan ng masa. Ilunsad ang mga taktikal na opensiba para parusahan ang kriminal na mga sundalo at pulis na nasa likod ng mga pagpaslang at iba pang pananalasa sa masa. Dapat agawin ang mga sandata ng mga pasista upang armasan ang paparaming mamamayang nais lumaban, ibayong palakasin ang hukbong bayan, at isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan para sa panlipunang paglaya at tunay na pambansang kalayaan.