Ibalik sa trabaho ang Wyeth-Nestlé 145!

,

Sunud-sunod na pagkilos at aktibidad ang isinagawa ng mga manggagawa ng Wyeth-Nestlé at kanilang mga tagasuporta para igiit ang pagbabalik ng 140 manggagawa na iligal na tinanggal ng kumpanya noong Mayo 18 at limang iba pang manggagawang nauna nang tinanggal.

Nagprotesta noong Mayo 30 ang mga myembro ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU) sa harap ng Nestlé Cabuyao Factory bago tumungo sa Halang, Calamba, Laguna para sa pagdinig ng National Conciliation and Mediation Board ng Calabarzon. Itinaon ang pagkilos sa pangatlong pagdinig sa “notice of strike” na inihain ng unyon. Kasama nila sa pagkilos ang mga grupo ng kabataan, taong simbahan, ibang unyon at manggagawa, pederasyon, sentrong unyon, migrante at artista. Kasama sa kanilang panawagan ang pagbabalik sa trabaho ng mga manggagawang una nang sinisante noong Abril.

Samantala, inihain ng Makabayan Bloc ang House Resolution 1067 noong Mayo 31 sa kongreso. Layunin nitong imbestigahan ang di makatarungang “cost cutting at restructuring strategy” na ginagamit ng Nestlé para bigyang katwiran ang malawakang tanggalan.

Umani ang unyon sa Wyeth ng suporta at pakikiisa mula sa mga katulad nitong unyon ng Nestlé sa Cagayan de Oro City at Lipa City, Batangas. Noong Mayo 26, sumulat ang mga unyong ito sa Nestlé para igiit ang pagbabalik sa kapwa nilang manggagawa sa trabaho. Iginiit nila sa maneydsment sa Canlubang na isakatuparan ang ipinagmamalaki ng kumpanya na patakaran ng bukas na ugnayan at dayalogo para pangalagaan ang mga karapatan ng nagtatrabaho rito.

Ibalik sa trabaho ang Wyeth-Nestlé 145!