Kultura Bakit may katutubong NPA?

,

Ang tanong nila, bakit may NPA?
Ang tanong ko, bakit ninyo kami pinapalayas sa sarili naming LUPAIN?

Noon, kaming mga katutubo ay malayang namumuhay dito sa kabundukan. Ito ang lupang ipinagkaloob sa amin.
Mainam dito. Magtanim ka lamang, may makakain ka!
At sapat-sapat sa araw-araw. Maaari mo pang ibenta.
Kapag ika’y nagkasakit may mga halamang gamot na makukuha.
Malinis ang tubig.
May namumuno sa aming pangkat, ang aming CHIEFTAIN na syang nagpapanatili ng aming kostumbre at kultura.

Samakatwid malaya kaming mga katutubo!

Minsan, noong naghahanap kami ni ama ng dahong gamot para sa hika, nakarating kami ni ama sa kabilang bundok.
Napadaan kami sa isang grupo ng mga armadong tao. NEW PEOPLE’S ARMY, yan ang tawag nila sa kanilang grupo. Pinakain nila kami.
Napansin namin ni ama kung gaano sila ka-organisado at kung gaano kaunlad ang masa sa nasasakupan nila. Doon kami nanatili, magdamag nagkwentuhan at nagtalakayan.

Kinabukasan ay kasama ni ama si chieftain. Sila ay nagtayo ng palikuran sa gilid ng aming bahay para daw mas malinis ang aming tahanan. ABA! Nang mga sumunod na araw nagsimula na ring gumaya ang iba pa naming mga katribo.

Naging madalas ang pakikipag-ugnay namin sa mga NPA. Bukod sa pagiging organisado nagbibigay din sila ng libreng tsek ap at libreng pag-aaral. Sa katunayan, naging mahusay bumasa si ina. Natuturuan na nga niya ang aking mga kapatid! Lahat kami ay umuunlad.
Salamat! Salamat sa NPA!

Tumaas ang antas ng aming pagkakaisa. Ang pinakamaganda ay nagkaroon kami ng kooperatiba—laging may layunin at sama-sama. Mas tumatag ang aming pangkat dahil sa organisasyon. Yung mga problema kaya na naming solusyunan dahil pinag-uusapan at pinagtutulungan naming mga kapwa katutubo. Maunlad, halos lahat sa aming tribo ay kasapi at aktibo.

Hanggang isang araw dumating ang batalyon ng militar. Inutusan nila kaming lumipat, dahil mayroon daw nagmamay-ari ng aming lupa.
Magtatayo ng dam at eco-tourism park. Para raw sa ikauunlad ng ating bansa.
May ipinakita silang papel.
Nakipagtunggali si chieftain at ang aking ama sa mga sundalo.
Sinong may ari? Hindi ba’t kami? Mula noong unang panahon pa ay nandito na kami.
Dam? Eco tourism park? Sino ang makikinabang diyan?
Kami ba? Nasaan kami sa kanilang sinasabing pag-unlad ng bansa?
Inalok kami ng pera ngunit hindi kami pumayag!
Sinira nila ang aming mga pananim, ninakaw ang mga alagang hayop.
Ginawa nila ito para kami ay maghirap at tanggapin ang perang kanilang iniaalok.

Ngunit hindi kami susuko! Kahit kami ay natatakot, hindi kami aatras!

Lumipas ang mga araw. Nadagdagan ang mga militar.
Humingi kami ng tulong sa mga kaibigang NPA! Pinalakas nila ang aming loob at nag-aral kami ng aming mga karapatan.

LUPANG NINUNO,DEPENSAHAN, DEPENSAHAN, IPAGLABAN!
‘yan ang sigaw ng karamihan.
Ngunit hindi tumigil ang militar sa panghaharas!

Isang gabi, dalawang katribo ang hindi nakabalik sa amin matapos ang pulong. Sa sumunod na buwan, nagpalitan ng putok ang NPA at militar. At isang malagim na Disyembre, kitang-kita ko kung paano binaril nang malapitan ang lider ng aming pangkat.

Ama, si chieftain!

ANO BA ANG AMING KASALANAN?
SAAN NINYO KAMI GUSTONG IPATAPON?
Sa buwan?
Sa dagat?
O sa bunganga ng bulkan para hindi n’yo na kami makita kahit kailan?

Patuloy ang pagpapalayas nila sa amin.
Mas lumawak ang kinamkam dahil mas maraming imprastrakturang itatayo.
Maraming pangako, pero nasaan ang para sa aming mga katutubo?
MAUNLAD NA PROBINSYA? Para sa mas maraming TURISTA?
Pero, nasaan ang para sa PAMBANSANG MINORYA?

Hindi kami tumigil sa pakikipaglaban! At ako, bilang isang katutubo ay nagdesisyong humawak ng sandata para sa mas malawak na pag-oorganisa para sa pakikibaka.

KAYA ANG SAGOT KO SA TANONG NILA,
BAKIT MAY NPA?
DAHIL MAY NAGSASAMANTALA!

_______
(Ang orihinal na pyesa ay isang bahagi ng monologue script na unang itinanghal noong ika-50 anibersaryo ng New People’s Army sa isang larangang gerilya sa Timog Katagalugan)

Bakit may katutubong NPA?