Editoryal Magpunyagi at ipagwagi ang di-magagaping rebolusyong Pilipino
Nagbubunyi ang rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ng Timog Katagalugan sa inabot na lakas at antas ng rebolusyong Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoismo). Sa nakaraang higit limang dekada, matatag na nakapamuno ang Partido sa rebolusyonaryong kilusan at nakaugat na sa malawak na inaapi at pinagsasamantalahang mamamayang Pilipino. Sa gabay nito, sumulong nang walang kaparis ang demokratikong rebolusyong bayan (DRB) at binigo ang mga kontra-rebolusyonaryong kampanya ng mga nagdaang rehimen.
Hindi matatawaran ang pag-aalay ng buhay, sakripisyo at pakikibaka na ipinuhunan ng sambayanang Pilipino at mga rebolusyonaryong martir at bayani para abutin ang kasalukuyang antas ng digmang bayan. Sa ganitong diwa natatanging pagdakila ang ibinibigay kay Jose Maria Sison (Ka Joma), ang dakilang Tagapangulong Tagapagtatag at ideolohikal na lider ng Partido. Dinadakila rin ang rebolusyonaryong buhay nina Benito Tiamzon (Ka Laan), tagapangulo ng komiteng tagapagpaganap ng Komite Sentral; Wilma Tiamzon (Ka Bagong-tao), pangkalahatang kalihim ng Komite Sentral; at iba pang mga kasamang nabuwal sa gitna ng rumaragasang agos ng rebolusyon. Nagpupugay ang buong bayan sa kanilang rebolusyonaryong simulain na nag-iwan ng baul ng mga ginintuang aral at karanasang tumatanglaw sa pambansa demokratikong pakikibaka ng bayan. Sa kanilang inspirasyon, nananatiling buo at matatag ang kapasyahan ng mga rebolusyonaryong pwersa, laluna ang bagong henerasyon, na ihatid ang rebolusyong Pilipino hanggang tagumpay.
Kumukulo ang rebolusyonaryong sitwasyon sa daigdig dahil sa krisis ng pandaigdaigang sistema ng monopolyo kapitalismo. Sa desperasyon ng US na isalba ang sarili sa ganap na pagbulusok, inuupatan nito ang pagsiklab ng mga inter-imperyalistang sigalot na kalakhan ay mga gerang proxy dahil sa kanilang agawan ng mga baseng pagkukunan ng hilaw na materyales at dagdag sa merkado. Pinagkakakitaan ng US ang mga gera bilang nangunguna sa may pag-aaring military industrial complex sa daigdig. Lalong pinagdurusa nito ang mamamayan sa mga kolonya at malakolonya. Itinutulak nito ang mga pambansang pag-aalsa ng mamamayan kagaya ng Palestine, habang pumuputok ang mga welga at strike sa iba’t ibang panig ng mundo dahil sa pambabarat sa sahod at panunupil sa karapatan sa paggawa. Partikular sa Pilipinas, sinisingil ng mamamayan ang estado sa pag-abandona nito sa mga batayang serbisyong panlipunan at di maampat na pagsirit ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Tampok sa may rebolusyonaryong pakikibaka sa daigdig ang Pilipinas, India at Turkey.
Pinasasahol ng krisis ng imperyalismo ang pagkaagnas ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Lalong nagiging gahaman ang imperyalismong US sa pagdambong ng likas na yaman ng bansa at magkamal ng supertubo. Kasabwat nito ang mga lokal na naghaharing uring burgesyang kumprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista. Upang panatilihin ang bulok nanaghaharing sistema at igupo ang rebolusyonaryong paglaban ng bayan, inilunsad ng reaksyunaryong gubyerno mula diktaduryang Marcos I ang mga kontra-insurhensyang kampanya sa kumpas ng imperyalismong US. Ngunit sa kasaysayan, pawang nangabigo ang mga nagdaang oplan at patuloy na sumulong ang rebolusyonaryong paglaban ng mamayan.
Paulit-ulit na mabibigo ang reaksyunaryong estado at imperyalistang US na gapiin ang rebolusyong Pilipino. Ang pagsusulong ng DRB ay makatarungan kaya hindi ito magagapi. Kinakailangang tahakin ang landas ng armadong pakikibaka at isulong ang digmang bayan upang wakasan ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo at kamtin ang tunay na kalayaan, demokrasya at sosyalismo. Ito ay pagpapatuloy ng lumang-tipo ng pambansa demokratikong rebolusyon na isinulong ng Katipunan noong 1896 laban sa kolonyalismong Spain. Bagong tipo ang kasalukuyang rebolusyon dahil pinamumunuan ito ng proletaryado.
Nagpagpapatuloy ang rebolusyon dahil lumalala ang krisis ng naghaharing sistema sa lipunang Pilipino. Labis nang inilugmok sa kahirapan ang sambayanan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Tampok sa rehiyon ang kinakaharap ng mga magsasaka na malawakang pagpapalit-gamit ng lupa para sa mga negosyo ng burgesya komprador at dayuhan. Binabarat din ang presyo ng mga produktong bukid pangunahin ang palay at kopra. Samantala, malaking dagok sa kabuhayan ng mga magtutubó at maliit na plantadores ang pagsasara ng Central Azucarera de Don Pedro Inc. Wala pa sa kalahati ng family living wage ng CALABARZON at MIMAROPA ang sahod ng mga manggagawa. Dumaraming komunidad ng maralita ang nakatakdang palayasin para sa mga proyektong reklamasyon at iba pang kontra-mahihirap na programa at proyekto. Apektado rin ang pamilya ng mga jeepney driver at malilit na opereytor sa pag-phase out ng mga jeep at van na hindi pumasok sa franchise consolidation ng PUVMP.
Nanganganib din ang mamamayang Pilipino na madamay at maipit sa inter-imperyalistang bangayan ng US at China. Lantarang nagpapagamit si Marcos Jr. sa mga pakana ng US na paigtingin ang tensyon sa Asia Pacific. Sinuhayan nito ang mga hindi pantay na kasunduang militar sa US sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga panibagong EDCA sites at pinahintulutan ang serye ng pinagsanib na ehersisyong militar sa rehiyon.
Ang malawakang pagtutol at paglaban ng bayan ay tinutugon ng kamay-na-bakal ng estado. Gamit ang AFP-PNP at NTF-Elcac, naghahasik ang rehimen ng takot at teror sa kalunsuran at kanayunan. Iwinawasiwas ang Anti-terrorism Law upang supilin ang demokratikong pakikibaka ng mamamayan.
Labis nang nahihiwalay ang rehimeng US-Marcos II sa bayan dahil sa hatid nitong pagdurusa at labis na kapabayaan sa kapakanan at karaingan ng mamamayan. Higit na kinamumuhian ang paksyong Marcos at Duterte sa pagkalantad ng mga ebidensya ng sistematikong pagnanakaw nila ng mga boto sa Eleksyong 2022. Pinakamarami nito ay naganap sa mga probinsya ng TK. Hindi pa rin napapawi sa kolektibong alaala ng bayan ang malalim na sugat at lagim ng Martial Law ng diktadurang Marcos I at ang di pa nababawing dambuhalang nakaw nito sa kaban ng bayan.
Ang mga kalagayang ito ay matabang lupa para sa higit na pagsusulong ng rebolusyon. Kailangang mahusay na gampanan ng mga rebolusyonaryo ang kanilang mga mahahalaga at susing tungkulin, pangibabawan ang mga kahirapan at lagpasan ang mga balakid upang umigpaw pasulong sa mas mataas na antas ng digmang bayan.
Tumpak na pamunuan ng Partido ang militanteng paglaban ng mamamayan para ipagtanggol at igiit ang mga karapatan laban sa mapaniil na estado. Palakasin at palawakin ang mga pang-ekonomyang pakikibaka lalo sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang aping sektor. Turuan silang sumalig sa kanilang lakas upang makamit ang mga pang-ekonomyang ganansya. Iputok ang welga sa mga pagawaan. Isulong ang rebolusyong agraryo sa kanayunan at kabayanan. Labanan ang mga neoliberal na patakaran ng estado na nagsisilbi sa imperyalistang globalisasyon. Itanghal ang kawastuhan ng pagsusulong ng DRB bilang solusyon sa abang kalagayang ng sambayanan.
Ilantad ang pagpapakatuta ng estado sa imperyalismong US. Ipanawagan ang pagpapalayas sa mga base at pwersang militar ng US sa Pilipinas. Itulak ang pagbabasura sa mga di pantay na kasunduang militar at ang pagpapatigil sa mga ehersisyong militar na nagsasapanganib sa buhay ng mamamayan. Malawakang kundenahin ang pagbebenta ng US ng mga armas pandigma sa Pilipinas na ginagamit lamang ng AFP-PNP sa mamamayan. Kasabay nito, dapat tutulan at labanan ang militarisasyon at pang-aagaw ng imperyalistang China sa exclusive economic zone ng bansa sa WPS.
Tuluy-tuloy na labanan ang pasismo at terorismo ng estado. Singilin at papanagutin ang rehimen sa mga paglabag sa karapatang tao. Edukahin ang mamamayan hinggil sa kanilang mga karapatan at mga pamamaraan upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili at kanilang komunidad. Ipanawagan ang pagbubuwag sa NTF-ELCAC at ang paglilipat ng pondong militar tungong serbisyong panlipunan. Dapat tanggalin na ang confidential and intelligence funds, gayundin ang unapproriated funds na pilit na isiniksik sa inaprubahang pambansang badyet. Ginagamit lamang ang mga ito para patabain ang bulsa ng mga pasista at maghasik ng teror sa mamamayan. Palakasin ang internasyunal na kampanya para ilantad ang mga paglabag sa karapatang tao ng rehimeng US-Marcos II at ng nagdaang rehimeng US-Duterte.
Samantalahin ang hidwaan sa pagitan ng mga Marcos at Duterte para pakitirin ang kapangyarihan ng naghaharing pangkatin. Palawakin ang nagkakaisang prente laban sa mga Marcos at Duterte. Patuloy na igiit ang pagpapanagot kay Rodrigo Duterte sa International Criminal Court sa kanyang mga krimen sa sangkatauhan. Ilantad ang mga krimen at korapsyon ng kanya-kanyang paksyon. Patambulin ang pagiging ilehitimo ng kasalukuyang rehimen. Ilantad at labanan ang panibagong pakanang cha-cha ng paksyong Marcos na magsisilbi sa pagpapalawig ng kaniyang termino at higit na pagbubukas sa mga dayuhan na mandambong sa lupa at likas na yaman ng bansa.
Suportahan ang peace talks sa pagitan ng GRP at NDFP at ipalaganap ang programa ng pambansa demokratikong rebolusyon. Ilunsad ang kampanyang edukasyon sa mga nakamit ng nagdaang negosasyon kagaya ng The Hague Joint Declaration at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law. Kasabay nito ang pagtatambol sa Comprehensive Agreement on Socio-economic Reforms bilang puso ng negosasyon na tumuturol sa ugat ng armadong tunggalian sa bansa.
Puspusang ilunsad ang kilusang pagwawasto sa mga natukoy na kahinaan sa ideolohiya, pulitika at organisasyon (IPO). Gamitin ang pagkakataong ito upang palakasin ang Partido sa IPO. Ilunsad ang isang malaganap na kampanyang pag-aaral sa MLM at mga sulatin ng dakilang JMS sa loob ng Partido hanggang sa masa. Ibayong konsolidahin ang pwersa at palalimin ang baseng masa. Pasiglahin ang rekrutment ng mga kasapi ng Partido habang tinitiyak na hindi makakapasok ang kahit isang masamang elemento. Paramihin ang rekrutment sa BHB at palakasin sila sa pamamagitan ng pakikidigma. Kasabay nito, ilarga ang malawakang ekspansyon ng mga base at magsikhay sa gawaing reaktibasyon at rekoberi.
Ilunsad ang masiglang kampanya sa panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri. Ang mga nalikom na datos ay gamitin sa pagpapalakas ng gawaing pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan. Kailangang muling likhain ang isang kilusang masa para padagundungin ang pambansa-demokratikong propaganda.
Dapat higit na magpalakas ang rebolusyonaryong pwersa sa gitna ng pakikipaggitgitan sa kaaway. Mapagpasyang pangibabawan ang lahat ng mga kahinaan at balakid sa pagtupad ng mga tungkulin. Sa pagsalig sa lakas ng mamamayan at wastong pamumuno ng Partido sa rebolusyon, nakatitiyak na maihahatid ito sa tagumpay.###