Tugon ni Patnubay de Guia: Bakit dapat pangangalagaan ang karapatan ng mga sibilyan sa gitna ng digmaang sibil?
Noong madaling araw ng Disyembre 17, nilusob ng magkakasanib na pwersa ng 59th IB, Philippine Navy at Philippine Airforce ang isang yunit ng Eduardo Dagli Command – Bagong Hukbong Bayan (BHB) Batangas sa Brgy. Malalay, Balayan, Batangas. Namatay sa labanan ang limang Pulang mandirigma at dalawang sibilyang sina Pretty Sheine Anacta, 19, at Rose Jane Agda, 30. Ang dalawang babaeng sibilyan ay dumalaw na kapamilya ni Precious Alyssa Anacta o Ka Komi, isa sa mga namartir na Pulang mandirigma ng BHB Batangas. Sa kabila ng kumpirmasyon ng kanilang pagkatao bilang mga sibilyan, iprinesinta sila ng AFP bilang mga kasapi ng BHB at tinamnan pa ng mga baril para palabasin silang mga Pulang mandirigma.
Kabilang ang mga labi nila na iniwang mabilad sa araw. Sa punerarya, hinayaang lumobo, maagnas at uurin ang kanilang labi. Lumabas din sa imbestigasyon na ginahasa si Rose Jane na natagpuang nakababa ang pantalon.
Sina Pretty Sheine at Rose Jane ang mga pinakahuling kaso ng pagpaslang sa sibilyan ng reaksyunaryong armadong pwersa sa Timog Katagalugan. Bago ito, tampok ang pagpatay sa 9-taong batang si Kyllene Casao at sa magsasakang may kapansanan sa isip na si Maximino Digno, parehong nangyari sa Batangas noong Hulyo 2022. Notoryus sa krimeng ito ang 59th IBPA na sangkot sa tatlong kaso. Pinatay rin ng tropa ng AFP ang lider-katutubo na si Dante Yumanaw sa Occidental Mindoro, samantalang ang magkasanib na operasyon ng mga pulis at sundalo ang pumaslang sa isang menor-de-edad na katutubo sa Oriental Mindoro. Kumon sa mga kasong ito ang pandadawit ng AFP-PNP sa mga sibilyan sa NPA at pagpatay sa kanila sa di umano’y mga labanan na naganap sa kurso ng mga operasyong militar.
Ang pang-aatake at pagpatay ng reaksyunaryong armadong pwersa sa mga sibilyan tulad ng ginagawa ng AFP ay krimen sa digma at hindi kailanman mabibigyang katwiran na bahagi ng panunugis sa alinmang “kalaban” ng estado. Malaon nang pinagkaisahan ng iba’t ibang bansa sa pamamagitan ng mga tratado at pangunahin ng Geneva Conventions na dapat pangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga sibilyan na naiipit sa mga internasyunal na sigalot at o gera sibil sa loob ng isang bansa. Sa madaling sabi, anuman ang kalagayan, dapat igalang at protektahan ang buhay ng sibilyan.
Ngunit sa mga kaso nina Pretty Sheine, Rose Jane, Kyllene at Maximino, malinaw na nilalabag ng AFP ang mga idinagdag na probisyon (Protocol II) sa Geneva Conventions noong Hunyo 1977. Ang sumusunod ang protocol sa pangangalaga sa mga sibilyang naiipit sa mga panloob na sigalot:
1. Ang sibilyang populasyon, pati mga indibidwal na sibilyan, ay hindi maaaring maging layon (object) ng pag-atake. Anumang akto o pagbabanta ng karahasan na may layuning maghasik ng teror sa populasyon ay ipinagbabawal.
2. Ipinagbabawal ang pag-atake, pagsira, at pagpapawalang-saysay sa mga bagay o istruktura na kinakailangan para mabuhay ang sibilyang populasyon tulad ng pagkain, mga eryang agrikultural para sa produksyon ng pagkain, tanim, hayop at mga instalasyon para sa inuming tubig at irigasyon.
3. Hindi maaaring atakehin ang mga istruktura o instalasyong nagtataglay ng mga mapanganib na pwersa at maaaring magdulot ng malaking pinsala sa mga sibilyang populasyon kung masira. Kabilang dito ang mga dam, dike, mga generator ng nukleyar na enerhiya at kuryente.
4. Hindi maaaring magsagawa ng anumang akto ng pagsira o karahasan sa mga lugar ng pagsamba, likhang sining at makasaysayang monumento na sumasalamin sa kultural o espiritwal na pamana ng mamamayan.
5. Hindi maaaring pilitin ang sibilyang populasyon na lisanin ang kanilang sariling teritoryo dahil sa armadong sigalot. Kung kinakailangang umalis para sa dahilang panseguridad, dapat tiyakin ang maayos na kundisyon ng tirahan, kalinisan, kalusugan, kaligtasan at nutrisyon.
Iniluwal ng pakikibaka ng mamamayan ng daigdig ang pagkakaroon ng internasyunal na mekanismo tulad ng Geneva Conventions na nagtatanggol sa mga sibilyang populasyon. Tugon ito sa malakas na panawagang wakasan na ang mga kalabisan at paglabag sa karapatan na naganap sa mga nakaraang digmaang pandaigdig at mga gyerang sibil. Isa sa hinalawan ng aral ang walang patumanggang pambobomba at masaker sa mga komunidad na ginawa ng US laban sa mamamayang Vietnamese.
Gayunman, patuloy itong nilalabag ng mga makapangyarihang bansa sa kanilang digmang agresyon. Pinangungunahan ng mga imperyalistang bansa tulad ng US ang paglabag sa mga internasyunal na kumbensyon at makataong batas. Sa mga inilunsad ng US na gerang agresyon sa Middle East, libu-libong sibilyan ang namatay dahil sa pambobomba at drone attacks. Pangita ito sa kasalukuyang nagaganap ng gyerang okupasyon at henosidyo ng Israel na suportado ng US sa mga mamamayang Palestino. Suportado rin ng US ang mga brutal na kontra-rebolusyonaryong gera na ipinatutupad ng mga papet na estado gaya ng sa Pilipinas.
Sa disenyo ng imperyalismong US, nagsilbi ang AFP-PNP sa ibayong panunupil sa nakikibakang Pilipino para sa kanilang pampulitika at pang-ekonomyang interes. Sa US Counter-Insurgency Guide hinalaw ang maruruming taktika ng AFP na nandadamay sa mga sibilyan sa imbing layuning pagkaitan ng suporta ng mamamayan ang mga gerilyang pwersa na ayon sa kanila ay “banta sa pambansang seguridad”. Nakaugat sa mersenaryong tradisyon ng AFP-PNP ang paggamit dito ng estado para sa pagpapataw ng militaristang paghahari at pang-aabuso sa kapangyarihan. Walang pakundangan itong nang-aabuso, lumalabag sa karapatang tao at pumapaslang ng mga di-armadong entidad, kabilang ang mga bata, kababaihan, matatanda, maysakit at yaong itinuturing na walang kapasidad lumaban. Kilala ring bayarang goons ng mga panginoong maylupa, malaking burgesya kumprador at pati mga dayuhang kapitalista ang tropa ng AFP-PNP. Sangkot sila sa pagpatay sa mga lider-magsasaka, lider-manggagawa at pandarahas sa sinumang nakikibaka para sa kanilang karapatan. Napakaraming pamilyang Pilipino ang namumuhi sa AFP-PNP dahil ang mga berdugong ito ang pumatay sa kanilang mga mahal sa buhay sa balangkas ng pekeng gera kontra-droga at kontra-rebolusyonaryong digma sa tabing ng gyera kontra-terorismo.
Salungat sa katangiang mersenaryo at berdugo ng AFP-PNP at ng imperyalismong US ang prinsipyo at disiplinang tangan ng mga rebolusyonaryong pwersa. Ang BHB, sa absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, ay tunay na gumagalang sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas kung saan mahigpit itong nagpapahalaga sa buhay ng mga sibilyan at mga di kalahok sa armadong tunggalian. Isinasabuhay nito ang Tres-Otso, o ang Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan. Inaaral at mahigpit na ipinatutupad ng BHB ang internasyunal na makataong batas at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law na nilagdaan kapwa ng GRP at NDFP. Bukod dito ang mga dagdag na tagubilin sa pag-iingat sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba at pagpapauna sa kaligtasan ng mga sibilyan.
Napakataas ng pagpapahalaga ng BHB sa buhay ng mga sibilyan na kagyat nitong iniaatras ang mga taktikal na opensiba o anumang aksyong militar oras na makumpirma ang presensya ng sibilyan na maaaring madamay sa labanan. Kung may pinsala mang nagawa sa mga sibilyan, matapos ang imbestigasyon ng kaukulang yunit ng BHB ay agad itong inaamin ang pagkakamali, nagpupuna, nagbabayad-pinsala at naglulunsad ng sariling proseso ng pagpapanagot sa mga pwersa nitong responsable sa pangyayari.
Handa ang BHB na mag-alay ng buhay para sa masa, ngunit mulat din ito na kailangan ang sama-samang paglaban upang itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng mga sibilyan. Mahalagang aspeto ng rebolusyonaryong gawaing pagmumulat at pag-oorganisa sa masang Pilipino ang pagpapaunawa sa kanila hinggil sa kanilang karapatan, mga batas at alituntunin ng digma. Kasama rin sa programa para sa mga organisadong komunidad at rebolusyonaryong organisasyong masa ang pagbubuo ng grupo at pagtatalaga ng mga komite para tiyaking naipagtatanggol ang karapatang tao. Tungkulin ng mga ito na bigyang edukasyon ang mamamayan, bumuo ng mga hakbang at pakilusin ang pinakamarami sa pagtatanggol ng kanilang baryo.
Sa ganitong paraan, magiging mulat sa kanilang karapatan ang mamamayan at kikilos sila para ipagtanggol ang kanilang karapatang tao at lalakas ang pwersa na naglalantad sa mga atrosidad ng AFP-PNP. Lubusang mahihiwalay sa masa ang pasistang estado at ang gulugod nitong AFP-PNP. Kailangan ang salimbayang armado at di-armadong paglaban ng buong bayan upang ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan at kamtin ang pangmatagalang kapayapaan sa pagwawakas ng digmaang-sibil. Gawin ito sa balangkas ng pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon, ang tanging solusyon sa pundamental na problema ng sambayanang Pilipino at pinakamabisang paraan para tiyakin ang kaligtasan ng mga sibilyan at iba pang di kalahok sa armadong tunggalian.###