Mamamayan ng TK, lumahok sa kilos-protesta sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao
Noong Disyembre 10, sa ika-75 taong paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, nagprotesta sa Kamaynilaan ang mga grupong nagtatanggol sa karapatang pantao kasama ng ibang sektor sa Timog Katagalugan bitbit ang kanilang panawagan na naaayon sa temang “Isulong ang Makatarungang Kapayapaan! Panagutin ang Rehimeng US-Marcos-Duterte sa mga krimen nito sa Digma! Ibasura ang Anti-Terror Law!”
Sa pangunguna ng Karapatan Southern Tagalog, naglunsad ng kilos protesta sa Plaza Lacson ang delegasyon ng Timog Katagalugan bago tumungo sa Liwasang Bonifacio kung saan nagtipon ang mga organisasyon mula sa iba’t ibang sektor at dako ng bansa. Ibinahagi sa programa ang kalagayan ng karapatang tao sa Timog Katagalugan.
“Sa aming rehiyon, kaliwa’t kanan ang pamamasista at pagpapalaganap ng teror ng mga batalyon at brigada ng pasistang Armed Forces of the Philippines. Nagpapatuloy ang serye ng pambobomba, pang-iistraping at panganganyon,” pahayag ni John Peter Garcia ng Youth Advocates for Peace with Justice (YAPJUST)-UPLB.
Tampok sa protesta ang effigy ng TK na tinaguriang Hand of Terror. Kolektibo itong ginawa ng mga progresibong artista sa rehiyon. Sinisimbolo nito ang papel ng imperyalismong US sa marahas na kontra-insurhensyang programa ng rehimeng US-Marcos-Duterte sa pagpapatupad ng Executive Order 70 at pagpapatuloy nito sa bagong inilabas na National Security Policy sa pamamagitan ng “whole-of-nation approach” at pagamit ng anti-terror law kung saan kabi-kabilang pamamaslang, pagsampa ng gawa-gawang kaso, iligal na pang-aaresto, pekeng pagpapasuko, pambobomba at strafing ang idinulot nito sa hanay ng mamamayan.
Ayon sa Karapatan Southern Tagalog, humigit 80 ang bilang ng mga bilanggong politikal sa rehiyon kung saan 34 dito ay inaresto sa ilalim ng rehimeng US-Marcos-Duterte. Higit 28,000 sibilyan ang apektado ng patuloy na pambobomba ng mga militar sa lalawigan ng Mindoro para proteksyunan ang kanilang quarrying operations. Samantala, umabot na sa lagpas 2,000 na mga magsasaka sa probinsya ng Quezon ang sapilitang pinasuko at ipinipresinta ng NTF-ELCAC bilang mga “terorista”.
Pagkatapos ng programa sa Liwasang Bonifacio, nagmartsa ang delegasyon papuntang Mendiola Peace Arch.
Ayon kay Charm Maranan, tagapagsalita ng Defend Southern Tagalog, “Patuloy pa ring naghahari ang pasistang rehimeng Marcos-Duterte sa rehiyon ng Timog Katagalugan ang isa sa pinakanakararanas ng dahas ng estado. Mula sa pagdukot, pagpataw ng gawa-gawang kaso sa mga human rights defenders hanggang sa tahasang pagpaslang, patuloy na lalaban at maniningil ang mamamayan.”