Pakikibaka para sa karapatan at kabuhayan sa mata ng isang mangingisda
Kabilang ang maliliit na mangingisda sa pinaka-naghihirap sa buong bansa. Katulad ng taeb at hibas ng karagatan ang kanilang hanapbuhay—sa salita ng mga lumalaot, minsan suwerte, minsan wala. Bunga ito ng matagalang pagpapabaya sa kanila ng reaksyunaryong gubyerno at dominasyon ng mga dayuhan at malalaking komersyal na mangingisda sa sariling dagat ng Pilipinas.
Ang kabalintunaan ng pagiging mahirap sa isang bansang sagana sa likas na yaman ang pang-araw-araw na kontradiksyon sa buhay ng mamalakayang Mindoreño. Hitik na hitik sa isda at yamang-dagat ang katubigan sa palibot ng Mindoro. Katabi ng isla ang Verde Island Passage kung saan matatagpuan ang 36,000 ektaryang coral reef, 10,000 ektaryang bakawan, 6,000 ektaryang seagrass at 2,983 nilalang ng marine biodiversity. Paborable rin sa pamamalakaya ang mahabang baybay dagat ng isla.
Bukod sa likas na yaman, mayroon aquaculture sa Mindoro. Sa mga panabihan ng dagat ay matatagpuan ang mga palaisdaan, bukod pa sa mga fish pen at iba pang paramihan ng isda at lamang-dagat sa laot. Noong 2020, may kabuuang 23,225.96 metriko tonelada (MT) ang bolyum ng produksyon ng isda sa buong isla. Mas malaki ang ambag ng Occidental Mindoro (13,385). Sa dalawang probinsya, mas malaki ang produksyon ng aquaculture sa Oriental Mindoro, nasa 1,445 MT na halos 15% produksyon dito.
Kwento ng matatandang mamalakaya sa Mindoro, sumasapat ang pangingisda para sa kanilang pamilya noon. Napapakain at napag-aaral nila ang kanilang mga anak. Sa pagdaan ng panahon, lumiit ang huli at kanilang kita dahil sa pagdami ng mga lumalaot na malalaking komersyal na mangingisda.
Nalagay sa peligro ang mayamang kalikasan ng Mindoro at hanapbuhay ng mga mamalakayang umaasa rito nang lumubog ang barkong MT Princess Empress noong Pebrero 2023 sa bandang Naujan, Oriental Mindoro. Tumagas mula sa barko ang kargang higit 800,000 litrong industriyal na langis na pagmamay-ari ng San Miguel Corporation. Aabot sa 76 barangay sa 9 bayan sa Oriental Mindoro ang ipinailalim sa state of calamity.
Bukod sa Mindoro, umabot ang langis hanggang sa mga dalampasigan ng Isla ng Semirara, Hilagang Palawan, Caluya at Antique. Mabilis na kumalat ang langis dahil nangyari ang trahedya sa panahon ng amihan. Tinaya ng mga eksperto na 20,000 ektaryang coral reef, 9,900 ektaryang bakawan at 6,000 ektaryang seagrass ang napinsala bunsod nito. Pawang mahahalaga ang mga halamang ito sa panganganak at pagpaparami ng mga isda.
Nagresulta ang gawang-taong sakuna ng delubyo sa buhay at kabuhayan ng mangingisda. Sumahol ang kalagayan ng halos 18,000 libong mangingisda at kanilang pamilya dahil sa pagkawala ng kanilang hanapbuhay at pagkasira ng karagatan. Kagyat na ipinagbawal ang panghuhuli ng isda sa Oriental Mindoro. Apektado rin ang mga pook pang-turismo sa tabing dagat.
Hindi nanahimik ang mga mamalakayang Mindoreño sa gitna ng kadusta-dustang kalagayan. Nagkaisa sila’t lumaban para sa kanilang karapatan at kabuhayan. Noong Agosto 2023, tagumpay na iginiit ng mga mangingisda sa reaksyunaryong gubyerno ang agarang aksyon para sa kanilang kahilingang ayuda at paniningil sa mga may pananagutan sa trahedya. Ipinaglaban din nila ang karampatang danyos-perwisyo para sa mga mangingisda at mga residenteng apektado ng pagtagas ng langis, pati ang pagkakaloob ng mga bago’t matitibay na bangkang pangisda.
Ibinahagi ni Tatay Mariano (TM), isang mangingisda mula sa Oriental Mindoro, ang kanyang karanasan at dahilan kung bakit patuloy siyang nakikibaka kasama ng laksang mamalakaya.
Kalatas (K): Gaano katagal na kayong nangingisda?
TM: Wala akong ibang hanapbuhay kundi pangingisda. Mula 16 anyos, mangingisda na ako. Pangingisda ang aking pinagpaaral sa dalawa kong anak. Pangingisda pa rin ang aking ikinabubuhay hanggang ngayon.
K: Ano ang mga bentahe at disbentahe ng inyong hanapbuhay? Sapat ba ito sa pamilya?
TM: Ang pangingisda ay walang katiyakan kung may huli o wala. Kung swerte ngayon, hindi kami nakakasigurong swerte pa rin bukas dahil hindi naman namin kita ang aming huhulihin.
Sa ‘kin, okay lang dahil nagsasarili na ako. Wala na akong anak na pinag-aaral. Pareho na silang may pamilya at may trabaho. Pero sa ibang pamilyang may tatlo o apat na anak na napasok, napakahirap. Lalo pa’t walang ibang pinagkakakitaan. ‘Yung ibang kasama ko umuutang sa microfinance. ‘Yung mga may tatlo o apat na anak, kapag lumaot na walang huli, kahit pambili ng pang-gasolina ay wala. Kaya ang pambili nila ng gasolina para sa susunod na laot ay inuutang na.
K: Nakatatanggap ba kayo ng ayuda o tulong mula sa gubyerno? Kung mayroon, magkano?
TM: Maraming beses nang nasira ang mga bangka namin. Storm surge, bagyo, pero hindi kami nakakahingi ng tulong sa gubyerno. Kahit isang pirasong pako hindi kami nabibigyan ng munisipyo namin para magparepair ng bangka. Kung kaya kaming mga mangingisda, lubog talaga sa utang. Wala kaming ibang kinakapitan kundi mga microfinance.
Nakatanggap lang kami ng ayuda mula noong may nangyaring oil spill, pero ‘yong pangkaraniwang ayuda na walang nangyayaring sama ng panahon o bagyo, wala. Ni minsan, wala. Nitong nagdaang oil spill, cash for work – P6,000. Meron ding dumating na mga senador na nagbigay ng P2,000.
K: Paano tumugon ang reaksyunaryong gubyerno sa inyong mga hinaing kaugnay ng oil spill?
TM: Nagpapasalamat pa rin naman kami dahil kahit papaano ay napansin kami, nabigyan ng ayuda, pero hindi talaga sapat. Tapos nakakarinig pa kami ng mga hindi magagandang salita galing sa ibang departamento ng gubyerno. Tulad ng hindi raw ba kami nananawa sa bigay ng NFA na bigay ng munisipyo. Sabi ko, “Bakit po kaya hindi ninyo subukan na kayo ang kumain ng bigas ng NFA tapos walang ulam? At saka niyo kami tanungin kung hindi kami nananawa.”
K: Naniniwala ba kayong kayang gawing abot-kaya ng kasalukuyang gubyerno ni Marcos II ang pagkain, lalo ang bigas?
TM: Ay, malabo nang mangyari ‘yan. Tingnan mo ang Oriental Mindoro. Tingnan mo ang lapad ng kabukiran, ‘di naman dapat nagugutom ang mga Mindoreño. Tingin ko, ang nagiging problema ay sa mayayamang negosyante, lalung-lalo na ‘yong mga nagra-rice hoarding. Namimili sila ng bigas, iimbak nang iimbak tapos naghihintay lang sila ng mataas na presyo. Sinong nahihirapan? Edi kaming maliliit na mamamayan – ‘yong mahihirap ang pamumuhay na ultimo bigas pa nga ay hirap na hirap na mabili.
K: Bakit kayo pursigidong lumaban para sa inyong kabuhayan at karapatan?
TM: Hindi na ko nag-iisip ng negatibo sa kinabukasan ng dalawa kong anak dahil istable na sila. Kaya ngayon, hinihiniling ko lang ay mahabang buhay, kalusugan. Hindi na ako nangangarap ng para sa sarili ko kundi para na sa kapakanan ng nakararami—ang makatulong sa maliliit na mangingisda. Hindi lahat ng kaligayahan ng isang tao ay kayang tumbasan ng pera.