Serye ng tigil pasada at mga protesta laban sa jeepney phaseout sa Timog Katagalugan, inilunsad
Pinangunahan ng STARTER-PISTON, isang grupo sa transportasyon sa Timog Katagalugan, ang serye ng mga tigil pasada at protesta ng mga pampasaherong jeep at van para tutulan ang nalalapit na deadline ng mandatory franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa Disyembre 31.
Ani Miguel Portea, pangkalahatang kalihim ng STARTER-PISTON, “Malungkot at mapait ang pasko at bagong taon ng mga tsuper dahil walang katiyakan ang hanapbuhay sa PUV Phaseout na ‘yan.”
Naganap ang tigil pasada sa CALABARZON noong Disyembre 14-15 at Disyembre 21-23. Malaki ang naging partisipasyon ng mga tsuper at opereytor kung saan tinatayang nasa 80-100% paralisado ang mga mayor na ruta sa CALABARZON.
Nagkaroon din ng pagkilos kontra jeepney phaseout sa MIMAROPA. Sa Occidental Mindoro, nanawagan ang mga tsuper na lumahok ang kapwa Mindoreño sa inilunsad na caravan protest sa probinsya. Naganap ang kanilang dayalogo sa lokal na gubyerno ng Calintaan noong Disyembre 29 at hiniling nilang palawigin o buwagin ang deadline ng mandatory franchise consolidation. Tutol din ang mga tsuper sa Palawan sa PUVMP. Anila, sa kita sa pasada sa Puerto Princesa pa lamang ay hindi na kakayaning bilhin ang nasa P2.4-2.8 milyon na modern jeep.
Ang franchise consolidation ay pagsuko ng mga jeepney at van drivers & operators ng kanilang mga prangkisa upang sapilitang maipaloob sa iisang kooperatiba o korporasyon ng transportasyon. Pakana ito ng reaksyunaryong gubyerno upang mapabilis ang pagpapatupad ng PUVMP. Magsisilbi lamang ito sa interes ng mga korporasyon sa transportasyon, imprastruktura, vehicle manufacturing, automotive sales, real estate, at mga bangko.
Ayon sa STARTER-PISTON, pahihintulutan ng iskemang PUVMP ang monopolyo ng mga kooperatiba at korporasyon sa dayuhang transportasyon. Malulugi rin dito ang higit 80% ng mga opereytor at tsuper ng mga pampublikong sasakyan dahil sa napakamahal na sasakyan at barat na kita.
Lumundo ang kampanya ng mga tsuper at opereytor sa isang pambansang protesta noong Disyembre 29 sa National Capital Region kung saan kinalampag nila ang opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para ibasura ang franchise consolidation. Umabot sa 4,000 ang lumahok sa protesta na tumungo sa Mendiola, kabilang dito ang delegasyon mula sa STARTER-PISTON at Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon (Manibela)-ST.
Dahil sa mga protesta at pagtutol ng malawak na mamamayan, napwersa ang LTFRB na palawigin ang deadline ng franchise consolidation.