Agresyon ng US at China sa WPS, kinundena ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayan

Kinundena ng mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa sa Mindoro at Palawan ang tuluy-tuloy na agresibong pagpopostura ng US at China sa West Philippine Sea (WPS), pinakatampok ang tuluy-tuloy na mga ehersisyong militar sa saklaw ng mga karagatan sa Mindoro at Palawan sa bungad ng taon.

Noong Enero 4-5, inilunsad ng US at AFP ang maritime cooperative activity o pinaikling Balikatan Exercises sa Cabra Island, Occidental Mindoro. Habang isinasagawa ito, nakaabang ang dalawang barkong pandigma ng China. Ang pinagsanib na ehersisyong militar ng US at AFP ay pambukas sa 2024 at una sa higit 500 war games at operasyong militar na ilulunsad ng US sa Pilipinas.

Ayon kay Ma. Patricia Andal, tagapagsalita ng NDFP-Mindoro, “Sa panahong umiinit ang tunggalian ng dalawang imperyalistang kapangyarihan, inilalagay sa malaking panganib na makaladkad ang ating bansa sa nakaambang pagsiklab ng digmaan sa pagitan nila. Kung tutuusin, ang akto ng dalawang kapangyarihan na ito ay halos kapantay na sa girian nila sa Taiwan Strait, na mainit din nilang pinagtutunggalian.”

Tila pagdadagdag ng gasolina sa apoy ang mga kasunod na hakbang ng AFP at US, kung saan, inianunsyo ni AFP chief-of-staff Gen. Romeo Brawner ang pagdadagdag ng mga base militar ng Pilipinas sa WPS ayon sa plano ng Department of National Defense na Comprehensive Archipelagic Defense Concept. Nakabatay ito sa layuning “pigilan ang agresyon ng China” at pagpapagana sa mga base ng US sa itinuring na “first-island chain” na mga bansang itinakdang lunsaran ng digma sa Asia Pacific.

Panawagan ni Andal, “Higit na kailangan na magkaisa ang mamamayan. Ang pagtatanggol ng ating soberanya ay pagtatanggol na rin ng ating buhay, kabuhayan at karapatan sa pagpapasya sa sarili.”###

Agresyon ng US at China sa WPS, kinundena ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayan