Pakanang chacha ng rehimeng US-Marcos II, pahirap at pasakit sa bayan

Sa gitna ng tumitinding bangayan ng paksyong Marcos at Duterte, iniraratsada ng rehimeng US-Marcos II ang charter change (chacha) na makikita sa garapalang paglalako nito sa publiko sa anyo ng huwad na people’s initiative o mga maniobra sa Kongreso, partikular sa Kamara. Nagkukumahog ang ilehitimong rehimen na ipatupad ang chacha para sa interes ng imperyalismong US at pangarap nitong manatili sa poder lampas pa sa kanyang termino.

Bakit isinusulong ni Marcos Jr. ang chacha?

Sing-aga ng Marso 2023, iniutos ni Marcos Jr. sa kanyang mga kapural sa Kamara na iratsada ang pagpapasa ng panukalang resolusyon para sa paghahalal ng isang Constitutional Convention (con-con). Bago pa man matapos ang 2023, ginagapang na ng mga kasabwat nitong pulitiko sa lokal na gubyerno ang pangangalap ng mga pirma para sa people’s initiative. Ngayong taon naman, inihain ang RBH6 sa pangunguna ng Senado para amyendahan ang mga pang-ekonomikong probisyon ng Konstitusyong 1987 nang hindi dumadaan sa con-con o Constituent Assembly.

Ipinangangalandakan ng rehimen ang kasinungalingang hindi angkop ang Konstitusyong 1987 sa “globalisadong mundo” at sinisisi ito sa pagka-atrasado at pagkabangkarote ng ekonomya ng bansa. Sa likod nito, nais lamang ng rehimen na ilusot ang mas madulas na pagpapatupad ng mga neoliberal na patakaran sang-ayon sa dikta ng imperyalismong US. Sa gayon, mas madaling makakapasok ang mga dayuhang negosyo at ibuyangyang sa mga ito ang lupa, likas na yaman at pampublikong serbisyo at utilidad sa Pilipinas.

Wala pa mang chacha, ipinasa na ang mga batas na Mining Act of 1995; Financial or Technical Assistance Agreements; bungkos ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law; Public Service Act; Foreign Investment Act; Retail Trade Liberalization Act; Renewable Energy Development at pagsapi ng Pilipinas sa Regional Comprehensive Economic Partnership. Kalakhan ng mga ito’y nagpapahintulot sa 100% pagmamay-ari ng mga dayuhan sa piling mga negosyo sa mina, paliparan, riles, expressway, shipping, telekomunikasyon at proyektong pang-enerhiya.

Hindi rin umunlad ang bansa kahit na bumaha ang dayuhang pamumuhunan. Mula pa noong diktadura ng matandang Marcos, bumuhos na ang dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas ngunit nananatiling bangkarote ang ekonomya na makikita sa pagiging atrasado, agraryo, pre-industriyal at malapyudal ng bansa. Hindi nagresulta ang neoliberal na patakaran sa pag-iindustriyalisa, bagkus ay itinulak nito ang bansa sa lalong pagsandig sa dayuhang pamumuhunan at pautang habang pinapatay ang mga lokal na agrikultura at manupaktura. Artipisyal at hindi rin sustenable ang nililikha nitong kabuhayan at empleyo. Masahol pa, ibayo nitong ginawang atrasado at lubog sa utang ang ekonomya ng bansa.

Dagdag pa, nais ni Marcos Jr. na magbalangkas ng isang awtoritaryang Kontitusyong magpapalawig sa kanyang paghahari. Paniyak niya ito laban kay Duterte sa gitna ng pagguho ng kanilang “alyansang” UniTeam. Pakitang-tao naman ang tindig na pagkontra ni Duterte sa chacha gayong isinulong niya ito sa panahon ng kanyang administrasyon.

Bakit anti-mamamayan ang chacha?

Ang pakanang cha-cha ay anti-mamamayan, anti-mahihirap, anti-nasyunal at anti-demokrasya sa kaibuturan. Ang imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uring kroni ni Marcos Jr. ang pangunahing makikinabang kapag natuloy ang pag-amyenda nito.

Hinahangad ng imperyalismong US ang chacha upang na higit pang dambungin ang likas na yaman ng bansa, makinabang sa murang hilaw na materyales, magsamantala sa murang lakas- paggawa at sa ultimo’y magkamal ng supertubo. Paraan din ng ito para baklasin sa Saligang Batas ang mga pagbabawal sa base militar, armas nukleyar at patakarang gera na magsisilbi sa niluluto nitong gera laban sa China sa Asia Pacific. Sa pang-ekonomyang mga probisyon na isinusulong ni Marcos Jr., papayagan nito ang 100% dayuhang pagmamay-ari sa lupa , rekurso, yaman at pasilidad na mayroon ang Pilipinas. Pahihintulutan ang panghihimasok ng dayuhan sa negosyo sa kuryente, langis, tubig, daungan, pampublikong transportasyon, edukasyon at media and advertising — mga natitirang sektor na may “proteksyon” ang Saligang Batas ng 1987.

Sa chacha, palalawigin ang kapit ng dinastiyang Marcos sa poder. Tatak na ng mga Marcos ang pagiging ganid sa kapangyarihan, dambuhalang pagnanakaw, pasismo at terorismo at inutil na pamamahala. Hindi kataka-taka ngayon kung bakit binuhusan ng rehimen ng malaking pondo ang kampanyang chacha kagaya ng maanomalyang P55 milyong gastos mula sa pondo ng bayan para sa patalastas sa telebisyon ng gamit ang huwad na grupong People’s Initiative for Reform Modernization and Action (PIRMA) at mga suhol na P100 o ayuda para makalikom ng pirma sa mga probinsya at distrito sa pamamagitan ng kanyang alipures sa pulitika.

Paano lalabanan ang pakanang chacha?

Sa punto de bista ng pambansa-demokratikong rebolusyonaryong kilusan, burgis-reaksyunaryo ang kaibuturan ng Konstitusyong 1987. Sa kabila ng mga burges-demokratikong palamuti nito, namamayagpag ang pagsasamantala ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Bigo rin itong ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan dahil sa mga butas at nilabusaw na mga probisyon sa Saligang Batas.

Gayunman kinikilala nating ang Konstitusyong 1987 ay iniluwal ng anti-diktadura, makabayan, demokratikong kilusang masa na nagpatalsik sa diktadurang Marcos. Dahil sa pakikibaka ng mamamayan, napilitan ang imperyalismong US at lokal na mga naghaharing uri na maglagay ng mga progresibong probisyon hinggil sa karapatang sibil at pampulitika, mga restriksyon sa dayuhang pagmamay-ari at term limit ng mga pulitiko at limitasyon sa pagdedeklara ng batas militar.

Sa yugtong ito ng pambansa demokratikong pakikibaka, dapat puspusang labanan ng buong bayan ang pakanang chacha ng rehimeng US-Marcos II. Wala itong ipinag-iba sa mga dating pagtatangka ng rehimeng US-Ramos, US-Macapagal-Arroyo, US-Aquino II at US-Duterte. Ang paglaban sa cha-cha ay bahagi ng pakikibaka ng mamamayan para sa kanilang demokratikong mga karapatan, lupa, kabuhayan, pambansang patrimonya, kasarinlan at kalayaan ng bansa.

Dapat panghawakan ang mga aral sa mga naunang laban sa chacha upang pigilan ang mga imbing pakana ng rehimeng US-Marcos II. Dapat malinaw na maipatambol sa buong bayan kung bakit sumasalungat sa interes ng sambayanang Pilipino ang chacha. Ilunsad ang malaganap na propaganda at ahitasyon sa malawak na mamamayan upang magkaisa silang labanan ang chacha. Suportahan ang mga kampanya na bawiin ang mga pirma ng bogus na people’s initiative na nakuha mula sa panlilinlang sa mamamayan .

Ilantad ang kapalaluan ng naghaharing pangkating Marcos at ihiwalay sila sa mamamayan. Ilantad ang pagkaipokrito ng mga Duterte at huwag hayaang makapanghimasok sila sa oposisyon kontra-chacha para sa sariling makitid na pampulitikang interes. Palakasin ang nagkakaisang prente at pakilusin ang bayan laban sa chacha. Patuloy na singilin at papanagutin ang mga Marcos at Duterte sa kanilang mga krimen sa bayan. Ipanawagan din ang pagpapabalik sa mga ninakaw sa kabang-yaman ng bayan.###

Pakanang chacha ng rehimeng US-Marcos II, pahirap at pasakit sa bayan