MKMP ang makauring pagsusuri ng Partido sa lipunang Pilipino

Sa gitna ng mga pabalita ng reaksyunaryong estadong “nagtatagumpay” ang kontra-rebolusyonaryong gera nito laban sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), naglipana ang mga nagdudunung-dunungang indibidwal at grupong sirang plakang lumalabusaw sa makauring pagsusui ng PKP na malakolonyal at malapyudal (MKMP) ang lipunang Pilipino. Hangal nilang ipinagpipilitang umunlad na ang Pilipinas sa kapitalismo! Ahente sila ng imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uring malalaking burgesya komprador (MBK) at panginoong maylupa (PML) na nais iligaw at ilayo ang Partido at ang mamamayan sa demokratikong rebolusyong Bayan (DRB) sa pamamamagitan ng pagsusulong ng matagalang digmang bayan.

Baluktutin man nila ang mga datos sa ekonomya at lipunan, hindi maipagkakaila ang kongkretong kalagayan ng bayan. Saklot ng imperyalismong US ang Pilipinas, pinanatili nito ang pyudalismo bilang baseng sosyal at pinaiiral ang burukrata kapitalismo para tiyaking sunud-sunuran ang pasistang estado sa kumpas nito. Ang pagsasabwatan ng tatlong salot na ito ang nagbunga sa MKMP na lipunang Pilipino.

Ang Pilipinas bilang malakolonya ng US

Itinakda ng US ang pagiging malakolonyal ng Pilipinas nang igawad ng una ang huwad na kalayaan ng huli noong Hulyo 4, 1946 sa itinatag na papet na republika. Kontrolado ng US ang ekonomya, pulitika, kultura, militar at ugnayang panlabas ng bansa. Ang paghahari ng US ang pinakamapagpasyang kapangyarihan sa buhay panlipunanng bansa. Tusong maniobra ito upang linlangin ang sambayanang Pilipino at isuko kung hindi man ay bitiwan ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Tinitiyak ng US na hawak nito sa leeg ang papet na reaksyunaryong estado. Nag-alaga at nagsanay ito ng mga “brown Americans” bilang mga burukrata-kapitalista. Palaging suportado at may basbas ang bawat mahahalal sa mga susing pusisyon sa gubyerno, laluna ang pagkapangulo para maging madulas ang pagsasabatas at pagpapatupad ng mga tagibang na kasunduan at patakaran. Mayroon din itong ahente sa iba’t ibang ahensya ng gubyerno.

Tiniyak ng US ang mahigpit na kontrol sa papet na AFP mula indoktrinasyon, pagsasanay at mga estratehikong planong pang-operasyon hanggang suplay ng mga armas at kagamitang militar. Itinayo at pinagana ang Joint US Military Assistance Group (JUSMAG) upang maging daluyan ng kontrol sa AFP sa tabing ng mga pagpapayong militar. Bilang base militar sa Asia, labas-masok sa Pilipinas ang mga tropang militar at kagamitang pandigma ng US. Malinaw ang pagpapakatuta ng kasalukuyang ilehitimong rehimeng Marcos II sa mulat na pagpapakasangkapan sa nilulutong gera ng US sa Asia Pacific laban sa katunggaling imperyalistang China.

Dahil kontrolado ang gubyerno at sandatahang pwersa ng Pilipinas, malayang dinadambong ng US ang yaman ng bansa at nilalapastangan ang pambansang kalayaan at soberanya. Ipinataw nito ang neoliberal na patakaran sa Pilipinas at sapilitang ipinasok sa mga kasunduan at asosasyon sa “malayang kalakalan” kagaya ng World Trade Organization, Association of Southeast Asian Nations, Asia-Pacific Economic Cooperation at iba pa.

Kinakailangang itali ng US ang ekonomya ng Pilipinas para isalba ang naghihingalo nitong ekonomya. Hinuhuthutan nito ang bansa ng mga murang hilaw na materyales at lakas paggawa at ginawang bagsakan ng mga yaring produkto sa napakataas na presyo. Tuwiran ding namumuhunan ang US at nagpapautang sa mataas na interes at may kaakibat na mga kondisyon at tagibang na mga kasunduan.

Pinanatili ng US ang pyudalismo sa Pilipinas para manatili itong nakasandig at nakaasa sa kanya at bilang pabor sa kanyang mga tutang MBK at PML. Ipinagkait sa mamamayan ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon na kinakailangan upang ito’y umunlad at makatayo sa sarili. Ibinunga ng paglukob ng imperyalismo sa katutubong pyudalismo ang malapyudalismo sa Pilipinas.

Moda ng produksyon sa sistemang MKMP

Ang moda ng produksyon sa Pilipinas ay nananatiling atrasado, agraryo at pre-industriyal. Namamayani sa malawak na kanayunan ang monopolyo sa lupa ng mga panginoong maylupa-burgesya kumprador at mga dayuhang negosyo. Ang malawak na masang magsasaka na kalakha’y wala o kulang sa lupa ay maliitan, atrasado at hiwa-hiwalay ang produksyon. Wala rin itong sariling matibay na gulugod sa industriya kagaya ng mabibigat at batayang industriya. Mayroong mga industriya at pagawaan subalit gumagawa lamang ng kaunting pagpoproseso o pag-aasembol ng mga pira-pirasong produktong ipinapasok sa bansa. Gayundin, ang mayor at kalakhan ng mga kagamitan sa produksyon, makinarya at kahit sangkap ay inaangkat pa sa mga kapitalistang bansa.

Ang pinakaimportanteng katangian ng malapyudal na ekonomya ay nasa mga relasyon sa produksyon: ang MBK ang pangunahing ahente ng US upang isakatuparan ang kolonyal na kalakalan. Bagamat naghahari ang PML sa kanayunan, ang mga MBK pa rin ang may hawak sa pinakakonsentradong komersyante at usurang kapital at nagtatakda sa daloy ng pang-ekonomyang produksyon at distribusyon sa buong bayan.

Dahil malapyudal, kolonyal na kalakalan ang nangingibabaw sa Pilipinas. Ibig sabihin, pangunahing kalakal ng bansa ang murang hilaw na materyales kagaya ng mga produktong pang-agrikultura, yamang mineral at semi-manupaktura, pati ang murang lakas-paggawa, para sa industriya ng mga kapitalistang bansa. Sa kabilang banda, bentahan ng yaring produkto mula sa US at iba pang imperyalistang bansa ang Pilipinas. Kumakamal ng supertubo ang imperyalismong US mula sa mga ito samantalang napakamahal ng ibinabagsak nitong yaring produkto sa bansa. Dahil tagibang ang palitan at palagiang may depisito sa kalakalan, naoobliga ang Pilipinas na mangutang na pinapatawan ng sobrang laking interes ng International Monetary Fund-World Bank, Asian Development Bank at mga katulad.

Kalokohan ang sabihing “industriyalisado” na ang Pilipinas dahil lamang sa nagsusulputang mga pagawaang ipinasok ng dayuhang pamumuhunan at mga naglalakihang gusaling pangkomersyo. Talagang dumarami ang mga pagawaan sa Pilipinas pero ito’y hindi nagsisilbi sa pagpapaunlad ng pambansang industriya’t ekonomya, kundi bahagi lamang ng pandaigdigang network ng imperyalistang produksyon na nakakubli sa “global value chain”. Kabaliktaran, de-industriyalisasyon ang tunay na dulot ng imperyalistang globalisasyon. Hanggang ngayon, walang nakatayong saligang industriya ang Pilipinas. Katunayan, ni bisikleta ay di kakayaning likhain sa bansa. Sa mismong datos ng reaksyunaryong gubyerno, kitang-kita na hindi naghahatid ng totoong pag-unlad ang labis na pagsandig sa dayuhang pamumuhunan. Noong 1970-1974, nasa $42.9 milyon pa lamang ang pumasok na dayuhang pamumuhunan habang nasa 5.4% ang tunay na tantos ng paglago ng gross domestic product (GDP). Pagsapit ng 2020-2022, lumobo tungong $8.7 bilyon (higit 200 beses na mas malaki mula 1974) ang pumasok na dayuhang pamumuhunan subalit nasa 1.3% lang ang inabot na tunay na tantos ng paglago.

Dahil sadyang inilihis sa tunay na pag-iindustriyalisa ng bansa, hindi nagresulta sa pagdami ng trabaho ang dayuhang pamumuhunan. Ang ipinagmamalaking “pagdami ng mga manggagawa”, sa aktwal ay pagdami ng mga manggagawa sa sektor ng serbisyo at agrikultura at hindi para sa mga saligang industriya. Iba pang salik ang tiyak na manipulasyon ng reaksyunaryong gubyerno sa datos sa paggawa. Manipestasyon ito ng kawalan ng tunay na industriya ng Pilipinas.

DRB ang solusyon sa krisis ng lipunang MKMP

Usapin ng buhay at kamatayan para sa sambayanang Pilipino na isulong at ipagtagumpay ang bagong tipong demokratikong rebolusyong bayan (DRB) bilang tanging solusyon upang ibagsak ang MKMP na lipunang pinaghaharian ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Sa pamamagitan lamang nito, makakamit ng sambayanang Pilipino ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya at makakasulong ng malayo upang itatag ang sosyalismo.

Pangunahing isinusulong ang armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan na may estratehikong linyang kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan upang ibagsak ang papet na naghaharing estado at agawin ang kapangyarihang pampulitika. Isinasagawa ang parlamentaryong pakikibaka bilang segundaryo ngunit esensyal na komponente ng DRB para pakilusin ang malawak na hanay ng mamamayang Pilipino. Sabayang inilulunsad sa digmang bayan ang armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng baseng masa sa kanayunan upang makapag-ipon ng lakas at maghanda sa pagkubkob sa kalunsuran.

Sa pagbagsak ng bulok na estado, itatayo ang Demokratikong Gubyernong Bayan na magsisilbi sa kagalingan at pambansa demokratikong mithiin ng mamamayan. Isusulong ng DGB ang ekonomyang umaasa-sa-sarili sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Kasabay nito, ipapatupad ang mga programa para sa kagalingan at serbisyong panlipunan at pangangalaga sa kalikasan.###

Una sa serye. Ang Kongkretong Pagsusuri sa Kongkretong Kalagayan (KPKK) ay serye na nagtatalakay sa tunay na kalagayan ng Pilipinas upang muling maglinaw sa pagsusuri ng Partido Komunista ng Pilipinas na malakolonyal at malapyudal ang Pilipinas. Patutunayan nito ang di-mapapasubaliang pangangailangang isulong ang DRB bilang tanging solusyon upang lutasin ang pundamental na problema ng sambayanan at kamtin ang tunay na pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalistang hinaharap. Ilalabas ang KPKK sa Kalatas kada dalawang buwan.

MKMP ang makauring pagsusuri ng Partido sa lipunang Pilipino