Alam n’yo ba?
Unang inilabas ang pagsusuring MKMP ang lipunang Pilipino sa librong Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero (Jose Maria Sison) noong 1969. Nagsilbing gabay naman sa paglulunsad ng digmang bayan sa isang MKMP na lipunan ang akda niyang Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan noong 1974. Samantala, katuwang ang asawa niyang si Ka Julie de Lima, isinulat nila ang Hinggil sa Moda ng Produksyon at Walang Kalitatibong Pagbabago sa Lipunang Pilipino noong 1983 upang pasubalian ang mga kumakalat ng rebisyunistang pagsusuring “kapitalista na ang Pilipinas” at pawiin ang lahat ng mga kalituhang ibinunga nito.
Hinalaw ni Ka Joma ang kanyang pagsusuri mula sa pag-aaral sa kongkretong kalagayan ng lipunang Pilipino. Mataman siyang nagsiyasat sa kalagayan ng lipunan at mamamayang Pilipino, inaral niya ang kasaysayan at inilapat ang teorya ng MLM upang mabuo ang makauring pagsusuri na MKMP ang lipunang Pilipino. Dahil sa katumpakan ng pagsusuring ito, niyayakap, inaangkin at patuloy sinusuportahan ng malawak na masang Pilipino ang DRB na siyang dahilan kung bakit sumulong at lumakas ng ng walang kaparis at nakapanaig ang PKP sa lahat ng pagtatangka ng imperyalismong US at lokal na naghaharing reaksyon na durugin ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan nito.###