Ni Adel Serafin Bagong taon, bagong panata
Sasalubungin ko ang bagong taon
Nang may kirot sa dibdib,
May di mawaring tinik na naghahatid ng sakit,
Para sa mga nawala, naulila, nabuwal sa gitna ng digma…
Sasalubungin ko ang bagong taon,
Na naghahanap, patuloy na naghahanap.
Umaasang makita ang mga nawawala,
At makauwi silang muli sa naghihintay nilang pamilya.
Nasaan ka, Kasamang Baby Jane Orbe?
Ano’ng kahayukan ang nagtulak upang patuloy kang itago ng pasistang kawatan?
Sugatan, tinangay nila ang iyong katawan
Upang gawing tropeyo ng kanilang kabagsikan.
Mariano Jolongbayan, organisador ng mangingisda,
Saang laot ipinalaot ng mga berdugo ang iyong presensya,
Upang sikilin ang naghuhulagpos mong diwa
Na lagi at lagi’y laan sa uring inaapi’t nakikibaka?
Sasalubungin ko ang bagong taon,
Na nagnanais kumawala at makalaya,
Sa rehas na piitan na palaruan ng mga hangal,
Kung saan nila itinatangkal ang sa kanila’y nangahas na sumuway.
Kailan palalayain ang mga bilanggong pulitikal?
Habang bumubula ang bibig ng payaso sa Malakanyang,
Ng mga pangakong demokrasya’t kapayapaan,
Ikinakarsel nila ang sinumang umuusal ng paglaban.
Ernesto Lorenzo. Ernesto Baez Jr. Karla Mae Monge.
Sa inyong pagtatanggol sa masang inaapi,
Kulungan ang sukli ng gubyernong bingi,
Upang walang sagabal sa ganid nilang paghahari.
Sasalubungin ko ang bagong taon
Na nagpupugay sa mga bayani ng taong iiwanan.
Isagani Isita. Joy Mercado. Maria Jethruth Jolongbayan. Allysa Lemoncito. Precious Alysa Anacta. Leonardo Manahan.
Magigiting na anak ng bayan, mandirigma ng uring pinagsasamantalahan.
Ang nakaraang taon ay nag-iwan ng napakarami pang tulad nila.
Pinaslang, pinahirapan, ikinulong, pinaglahong parang bula.
Libu-libong sibilyan na sapilitang pinasuko’t nilitratuhan,
At pinalabas na mga teroristang kalaban.
Batbat ng sakripisyo, hagupit at hamon ang alaala ng labindalawang buwan –
Tatlong daan, animnapu’t limang araw na lumipas
Na punong-puno ng pakikihamok at paglaban,
Para sa pinaka-aasam na katarungan at kalayaan.
Ngayon, sasalubungin ko ang bagong taon
Nang nagpupuyos ang dibdib,
nang may buong-buong paghihimagsik
Nang may humihiwang hiyaw at makauring galit,
Sa kanilang sukdulan sa pagkaganid, bagsik at lupit.
Sasalubungin ko ang bagong taon,
Na walang fengshui o dose pares ng bilog-bilog,
Walang baguang magliligtas sa mga walang awa
Na lumilikha ng bulok at mapagsamantalang sistema!
Sasalubungin ko ang bagong taon
Na humuhugot ng rumaragasang lakas at pag-asa
Sa mga dugo at luhang idinilig sa lupa
Upang pagtibayin ang mga tagumpay na ating tinatamasa.
‘Pagkat ang iiwang taon ay buong panahong pagpupunyagi,
Upang ang lupa’t kabuhayan ay di maagaw ng naghahari.
Sa libu-libong ektarya, masang nagbubungkal ay nakakapanatili,
Mula sa lakas at lawak ng naipundar na pulang mga binhi.
Kaya’t salubungin natin ang bagong taon
Na puhunan ang mga tagumpay ng paglaban,
Ng pagbawi mula sa pighati, paglakas at paglawak mula sa pag-atras
At pagsulong sa kabila ng tangkang pagwasak.
Salubungin natin ang bagong taon
Sa piling ng mga kasama at laksang masa,
Na muling nanunumpa nang buong kapasyahan at giting,
Sa panibagong taon na darating,
mas marami pang tagumpay ang ating lilikhain!