Paggunita sa anibersaryo ng Partido, inilunsad sa Rizal
Nagtipon ang mga rebolusyonaryong pwersa ng Rizal upang sama-samang gunitain ang ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Enero 12. Kasabay nito, nagbigay-pugay ang PKP-Rizal kay Prof. Jose Maria “Ka Joma” Sison at sa mga rebolusyonaryong martir ng Rizal at NAAC-BHB Rizal.
Nag-alay ng mensahe ng pakikiisa at mga kultural na pagtatanghal ang mga kinatawan ng mga rebolusyonaryong organisasyong Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM)-Rizal, Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA)-Rizal, Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (KASAMA)-Rizal at Kabataang Makabayan (KM)-Rizal bilang pagdiriwang ng anibersaryo ng Partido. Inilahad ng bawat isa ang pagtanggap sa hamon na magwasto at magpanibagong lakas para sa ibayong pagsusulong ng rebolusyon.
Ibinahagi ng NDFP-Rizal ang mahabang kasaysayan ng pakikiisa ng malawak na bilang ng mamamayan sa pagtataguyod ng demokratikong rebolusyong bayan. “Hinding-hindi magagapi ang rebolusyonaryong kilusan dahil patuloy na umiigting ang krisis panlipunan na syang nagtutulak sa mamamayan na maghimagsik,” ani Armando “Ka Arms” Guerrero, tagapagsalita ng NDFP-Rizal.
Ayon sa KM-Rizal, “Pinatunayan ng kasaysayan mula pa noong rebolusyong 1896 hanggang sa bagong tipo ng pambansa demokratikong rebolusyon ngayon na ang kilusang kabataan ay hindi masasaid na balon ng salinlahi ng rebolusyon. Puspusang isulong ang kilusang pagwawasto ng mga kabataan upang ganap na iwaksi ang empirisismo, konserbatismo, indibidwalismo at iba pang mga kahinaan at kakulangan nito.”
Sa huling bahagi ng programa, sama-samang nanumpa muli ang mga kasapi ng Partido bilang bahagi na pananariwa sa mga rebolusyonaryong tungkulin. Ito ay isang panata na mahigpit na tanganan ang mga prinsipyo ng Partido buhay man ay ialay upang maampat ang mga pinsala sa organisasyon at maikambyo pasulong ang mga rebolusyonaryong gawain sa diwa ng kilusang pagwawasto.
Oplan Sabit sa Antipolo City, inilunsad
Matagumpay na naglunsad ng oplan sabit ang Partido Komunista ng Pilipinas – Rizal upang pagpugayan ang ika-55 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido at unang anibersaryo ng pagkamatay ng dakilang guro na si Jose Maria Sison sa lungsod ng Antipolo noong Enero 9, 2024.
Sa pangunguna ng rebolusyonaryong kabataan, magsasaka, at maralita, masigasig na inaral ng mga lumahok sa oplan ang manera at paggalaw ng mga rumorondang pulis at kaaway sa paligid upang ligtas nilang maisabit ang balatengga at ipagdiwang ang anibersaryo ng dakilang Partido.
Matagumpay na naipuslit at mabilisang naisabit ang balatengga sa isang footbridge sa Lumang Palengke, Antipolo City sa tabi ng Robinsons. Ito ay daanan ng maraming sasakyan at kitang-kita ang tingkad ng guhit ng mukha ni Ka Jose Maria Sison at mensaheng parangal sa Partido Komunista na makasining na nilikha ng mga rebolusyonaryo ng Rizal.###