Pagtutuloy ng CBA, iginiit ng mga panadero sa PhilFoods
Naglunsad ng kilos-protesta ang Unyon ng mga Panadero sa PhilFoods Fresh Baked Product Inc. sa harap ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB) Region IV-A noong Enero 4 para igiit ang agarang aksyon sa naantalang negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA) ng unyon at kapitalista. Kabilang din sa ipinaglaban ng mga manggagawa ang karapatan sa paggawa.
Tagumpay na naigiit ng unyon sa NCMB ang negosasyon sa kapitalista batay sa mga napagkasunduang bargaining ground rules at sinimulan ang CBA noong Enero 9. Bago ito, apat na negosasyon na ang naganap ngunit tumanggi ang kumpanya na pagkasunduan ang mga panuntunan sa gagamiting batayan sa negosasyon.
Noong Setyembre 2023, nanalo ang UPPFBPI-OLALIA-KMU sa eleksyon sa sertipikasyon para katawanin ang mga manggagawa ng pagawaan. Nakakuha ng 295 boto ang unyon sa kabuuang 341 bumoto sa eleksyon, habang 25 boto ang nakuha ng katunggaling unyon.
Ang PhilFoods Fresh Baked Product Inc. ay kapatid na pagawaan ng Gardenia Bakeries na gumagawa ng tinapay para sa Gardenia, isang kumpanyang multinasyunal. Ang pagawaan ng PhilFoods ay matatagupuan sa LIIP Avenue, Barangay Mamplasan, Biñan, Laguna.###