Kilos Protesta Mga residente ng Lupang Ramos, nagprotesta laban sa patuloy na pagdetine kay Mary Joyce sa kampo-militar at harassment sa kanyang pamilya
Nagkilos protesta ang mga magsasaka ng Lupang Ramos, Dasmariñas, Cavite sa pangunguna ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan ng Lupang Ramos (KASAMA-LR) noong Pebrero 12 kasabay ng pagpapasa ng petisyon para alisin ang iligal na dinakip na aktibistang si Mary Joyce Lizada sa kampo ng 4th IBPA at ilipat siya sa isang regular na piitan.
Kasama ang magulang at mga kamag-anak ni Mary Joyce sa harapan ng Korte Suprema, ipinanawagan nila ang tamang proseso ng paglilitis, pagkilala at paggalang sa mga karapatan ni Mary Joyce. Hanggang ngayon, iginigiit ng kanyang pamilya na bigyan siya ng abogadong pinili nila.
Siyam na buwan na ang nakalipas simula noong iligal na inaresto ng 4th IBPA si Mary Joyce, isang organisador ng Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK) sa Mansalay, Oriental Mindoro noong Abril 24, 2023. Naganap ito sa proseso ng kanyang pag-iimbestiga sa mga nagaganap na pambobomba at harassment sa hanay ng mga katutubong Mangyan.
Sa buong panahon ng kanyang pagkakapiit, pinagkakaitan si Mary Joyce ng karampatang proseso ng batas. Pinagkaitan ng karapatan ang kanyang pamilya na makausap at makita siya. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na nakararanas ang pamilya Lizada ng panghaharas mula sa mga ahente ng National Task Force To End Local Communist and Armed Conflict (NTF-ELCAC) na pumupunta sa kanilang bahay. Patuloy rin ang pang-atake at red-tagging sa Lupang Ramos kung saan nagmula si Mary Joyce.
Ayon sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan o KASAMA TK, “Wala nang ginawa ang berdugong AFP, NTF-ELCAC at TaskForce Ugnay sa kanilang barangay kundi maghasik ng takot at pangamba sa pamamagitan panghaharas at sarbeylans. Nagkakailang beses na rin ang mga militar na nagpapanggap at nagpapakilalang taong simbahan sa pamilya ni Mary Joyce. Isang nagpakilalang Sgt. Buscayno ng Philippine Army ang masugid na nagsasaywar at naniniktik sa pamilya Lizada at sa kanilang komunidad. Kahit mga kapatid ni Mary Joyce na tahimik na naghahanapbuhay ay tinatakot sa social media at ‘binibisita’ sa kanilang pook-trabaho”.
Nananawagan ang KASAMA-TK at ang pamilya Lizada na ibasura ang gawa-gawang kasong isinampa kay Mary Joyce at sa iba pang bilanggong pulitikal sa TK.###