Pangunahing Lathalain Sumalig sa lakas ng masa!
Matapos ang paglalagom ng komite ng Partido, naghanda ang yunit ng Bernie na tupdin ang isang napakahalagang gawain. Inatasan silang balikan at irekober ang baseng masa sa Kopra, isang bayang matagal na naiwan ng mga kasama at humaharap ngayon sa problema sa lupa at napakatinding krisis sa kabuhayan. Halos lahat o higit 90%, ng mamamayan sa sasaklawing erya ay mga maralitang magsasakang nangangambang mapalayas sa kanilang lupa dahil sa mga nakaambang “proyektong pangkaunlaran” ng reaksyunaryong gubyerno.
Kumpyansa bagama’t sa simula ay may pag-aalangan sa bahagi ng pamunuan ng yunit dahil wala ni isa sa kanila ang kumilos na sa erya ng Kopra. Matapos ang masusing pag-aaral sa kalagayan ng erya, mapangahas nilang sinuong at ginampanan ang kanilang mga tungkulin.
Puhunan sa pakikibaka
Pagdating sa lugar, ramdam ng mga kasama ang pananabik ng masang magsasaka sa NPA dahil alam nilang ito ang makakatuwang nila at tunay na kakampi sa pakikibaka para sa lupa at sa kanilang mga karapatan. Pangita ang suporta at pagtangkilik ng mga magsasaka sa mga kasama na nagbigay din ng serbisyong medikal at edukasyon sa erya. Tiniyak ng mga masang magsasaka na makapaglaan ng oras para sa mga rebolusyonaryong pag-aaral at pakikipag-pulong sa mga kasama. Kahit pagod na sa maghapong trabaho ay tuloy ang mga gawain hanggang gabi.
Sa gitna ng mainit at masiglang na pagsasama-sama, mababakas pa rin ang takot at pangamba ng masa laluna sa usapin ng paglaban para sa kanilang interes. Hindi tumigil ang mga gahaman sa paghahangad sa yaman ng Kopra kaya’t hindi rin ito inagwatan ng operasyong militar. Sinaklaw at tinutukan ito ng mga kampanyang supresyon mula pa nang diktadurang US-Marcos I. May mga lider magsasaka nang nagbuwis ng buhay sa kurso ng deka-dekadang pakikibaka ng mga taga-Kopra.
Naging pangunahing gawain ng Bernie ang pagbasag sa takot ng masa na nilikha ng tuluy-tuloy na operasyong militar at pinalala ng pansamantalang pagkaiwan ng BHB sa erya. Kwento ni Ka Vic, isa sa mga kadre ng yunit ng Bernie, “Takot at halos mawalan ng pag-asa ang masa sa lugar dahil sa isang haba ng panahon, pakiramdam nila’y wala silang malalapitan hinggil sa kanilang problema sa lupa.”
Dahil dito, naglunsad ng mga pulong paglalagom at punahan, pati mga pag-aaral upang sumahin ang karanasan ng kilusang masa at tukuyin ang naging kahinaan kapwa ng Hukbo at pamumuno ng mga rebolusyonaryong pwersa sa lokalidad.
Natuklasan ng mga kasama na kakaunti pa lamang ang nakapagtapos sa PADEPA* sa Kopra kaya’t pinuspos nila ng pag-aaral ang lahat ng mauugnayang masa. Kahit sa gitna ng paglalakbay ay nagagawa nilang bigyan ng pag-aaral ang mga masang makakasalamuha sa daan.
Sa mga pulong pag-aaral, tumampok sa masa ang pag-aaral sa kasaysayan ng Kopra kung saan maraming mga nakatatandang organisado sa lokal ang nagbahagi ng kanilang karanasan at pagtingin. Tumatak din ang ipinalaganap na suma ng mga aral mula sa anim na taong karanasan ng TK sa pagharap sa kampanyang supresyon ng pasistang estado. Nanariwa sa mga magsasaka ang mga nakamit na tagumpay sa mga nakaraang pakikibaka para sa lupa. Dahil sa marubdob na paglaban ng masa katuwang ang Hukbo, malalawak na tipak ng kinamkam na lupain ng mga PML ang napalaya at ipinamahagi sa mga wala o kulang sa lupa. Matatag ding dinepensahan ng masa ang kanilang karapatan sa harap ng mga pagtatangka ng reaksyunaryong gubyerno na kamkamin ang mga lupain upang gawing mga “parke” o ibukas sa mga dayuhang kumpanya. Dahil sa mga nakamit na tagumpay ng rebolusyong agraryo sa lugar, nalutas ang kagutuman at nagawa na ng mga residenteng papag-aralin ang kanilang mga anak maging hanggang kolehiyo.
Ang mahigpit na konsolidasyong ibinunga ng sama-samang paglaban ang salalayan ng pag-unlad sa isang antas ang kanilang kabuhayan at ang tuluy-tuloy na tulungan at kooperasyon sa hanay ng magsasaka. Dinatnan pa ng Bernie na masiglang gumagana ang mga dati nang itinayong suyuan at maging ang mga kooperatiba. Sa gitna ng pang-aatake ng kaaway sa panahong wala ang yunit ng BHB, nanatiling matatag ang mayoryang kasapi ng mga samahang masa. Bagamat may iilang nalinlang ang kaaway, mas marami ang nanindigan na hindi magparekrut sa CAFGU o sumapi sa mga kontra-rebolusyonaryong organisasyon na itinayo ng reaksyunaryong estado at ng AFP-PNP.
Pagwawasto
Sa kasalukuyan, may mga kontra-magsasaka at kontra mamamayang mga huwad na proyektong pangkaunlaran na nais ipasok ng mga naghaharing uri kakutsaba ang lokal na reaksyunayong gubyerno sa Kopra. Malaking banta ito sa lupa, panirikan at kabuhayan ng mga magsasaka sa lugar.
Malinaw ang hamon sa mga kadre at mga kasama sa Bernie kung paano masiglang pakikilusin muli ang ang masa para sa kanilang interes at kagalingan. Hamon din sa kanila na itulak ang mga pwersa sa lokal na tumayo sa sariling paa at pamunuan ang laban ng magsasaka . Bahagi ito ng pagwawasto ng Hukbo na tendensyang akuin ang dapat sana’y tungkulin ng mga kasapi ng Partido sa lokalidad. Iniresulta ng kahinaang ito ang pagtamlay at minsa’y kawalan ng mga rebolusyonaryong gawain ng mga samahang masa oras na wala ang Hukbo sa lugar.
“Gabay lang ang mga kasama, hindi Hukbo ang popronta. Dapat ang mga nasa lokal ang magpatupad ng mga plano at hakbangin. Dati na itong nagawa ng mga taga-Kopra, kailangan lang nila ng mga pag-aaral at konsolidasyon sa IPO,” ani Ka Vic. Aniya, kailangang bakahin ang konserbatismo sa pagpapakilos sa masa at pagtitiwala sa kanila na gumampan ng gawain.
Sa ganitong diwa nagsikap ang Bernie na sanayin ang mga kasapi ng Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL). Magkatuwang ang mga Hukbo at SPL sa pagrereaktiba ng mga organisasyong masa at pagbuo ng programa sa pagpapasikad ng kilusang masa. Sa aktwal na mga pulong masa, ang mga lokal na kadre ang nagpapadaloy at nangunguna sa pag-aambag ng mga ideya.
“Hindi pa nalulubos, ngunit may pag-igpaw na tayo sa ating mga naging kahinaan,” ani Ka Vic.###