Editoryal Labanan ang chacha, pakana ng imperyalismong US at paksyong Marcos-Romualdez
Banta sa buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino ang isinusulong na charter change (chacha) dahil nilalayon nitong palalalain ang neoliberal at awtoritaryang estado ng naghaharing pangkating Marcos-Romualdez. Iniraratsada ito sa kumpas ng imperyalismong US na laway na laway sa likas na yaman ng Pilipinas at pagnanais ng una na gamitin ang bansa bilang lunsaran ng kanyang pakikipagtunggali sa kapwa imperyalistang China ngayong nasa rurok ang krisis ng pandaigdigang sistemang monopolyong kapitalismo.
Sabayang itinutulak ng naghaharing pangkating Marcos ang chacha sa pamamagitan ng Constitutional Convention o Constituent Assembly sa Kamara at Senado at isang huwad na People’s Initiative gamit ang grupong PIRMA. Binansagan pa itong “economic” chacha para gawing katanggap-tanggap sa bayan ang mga gagawing pagbabago partikular sa paggawad sa mga dayuhan ng 100% pagmamay-ari sa mga sektor ng edukasyon, pampulikong utilidad at mass media and advertising. Sa likod nito, maitim na balak nila ang chacha para palawigin ang kapit sa poder.
Kung tutuusin, dati nang nakabukas ang bansa sa dayuhang pamumuhunan at walang habas na dinarambong ng imperyalismong US ang yaman at rekurso ng Pilipinas sa pakikipagsabwatan sa mga lokal na burukrata sa estadong malakolonyal at malapyudal. Tuluy-tuloy na ibinukas ang ekonomya sa liberalisasyon ng dayuhang monopolyong kapital at produkto, pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo at deregulasyon o pag-aalis ng kontrol ng gubyerno sa mga sektor na ipinaubaya sa dayuhang entidad. Ngunit sa chacha, tuluyan nang tatanggalin ang anumang katiting pang natitirang mga ligal na hadlang para sa ibayong pagsasamantala at pang-aapi ng imperyalismo.
Hanggang ngayon, ipinagpapatuloy ni Marcos Jr. ang mga neoliberal na patakaran ayon sa kumpas ng imperyalismong US. Sa gitna ito ng grabeng krisis ng Pilipinas na pangita sa pagdausdos ng kabuhayan, kawalan ng lupa at trabaho, kasabay ng pagsirit ng implasyon at pagyurak sa pambansang soberanya. Sa halip na patatagin ang lokal na produksyon sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, inaatupag ni Marcos Jr. ang maluluhong byahe sa labas ng bansa upang maglamyerda at mamalimos ng dayuhang pamumuhunan.
Magsisilbi ang chacha ni Marcos Jr. sa nilulutong gera ng US laban sa China at Asia Pacific. Papawiin ng chacha ang mga pagbabawal sa base militar, armas nukleyar at patakarang gera na pabor sa US. Bago pa man ang chacha at wala pang isang taon sa Malakanyang, pinahintulutan na ni Marcos Jr. ang pagdadagdag ng mga base militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement. Pararamihin at padadalasin pa ang mga pinagsanib na ehersisyong militar ng US at iba pang mga kaalyado nitong bansa sa South China Sea na lalong nagpapaigting ng tensyon sa Asia Pacific.
Lubos na inaakomoda ni Marcos Jr. ang US at mulat na nagpapailalim sa mga interes nito upang makuha ang basbas nito sa patuloy na pangungunyapit sa poder. Tulad ng kanyang amang diktador, tiyak na gagamitin ng mga Marcos ang chacha para makonsolida ang sariling kapangyarihan at ng mga alipores nitong dinastiyang pulitikal. Ibabalik nito ang pasistang diktadura. Buburahin ang mga proteksyon sa karapatang tao na nakasaad sa reaksyunaryong Konstitusyong 1987. Asahan ang patuloy na paglala ng mga paglabag sa karapatang tao bunga ng pinabangis na kontra-rebolusyonaryong gera at hibang na paghahabol ng AFP-PNP sa “strategic victory” laban sa rebolusyonaryong kilusan.
Dahil dito, nagiging malawak ang pagtuligsa ng bayan sa ipinapakanang chacha at sa mismong rehimeng US-Marcos II. Isinusuka ng taumbayan ang paninira ng mga Marcos at Romualdez sa Pag-aalsang EDSA I at tinawag pa nila itong “Edsa-pwera” para bigyang-matwid ang kanilang chacha at ang pakanang “People’s Initiative” na pinopondohan gamit ang pondo na bayan. Nagsasama-sama ang iba’t ibang grupo, sektor at uri ng lipunan para mahigpit na tutulan ang chacha. Mahigpit nitong kaugnay ang pakikibaka ng makabayan at patriyotikong pwersa laban sa pagkubabaw ng US sa ekonomya, pulitika, kultura at militar ng Pilipinas.
Nahihinog ang sitwasyon para pasikarin ang kilusang masa sa ngalan ng pagtutol sa chacha at pakikibaka para sa kasarinlan, karapatan, lupa at kabuhayan. Ang susunod na mga buwan ay maaaring magluwal ng mga kaganapang pipihit sa pampulitikang sitwasyon. Maaaring lumala ang mga hindi pagkakasundo ng Kamara at Senado. Higit pang iigting ang bangayan sa mga paksyon sa loob ng reaksyunaryong gubyerno. Nasa plano ng mga Marcos-Romuladez na ituloy ang plebisito kasabay ng Eleksyong 2025 para sa chacha. Tulad ng pagnanakaw nila sa Eleksyong 2022, tiyak na dadayain ang plebisito upang ilusot ang kanilang imbing pakana.
Kailangang puspusang ilantad at labanan ang chacha ni Marcos Jr. na malinaw na sumasagasa sa interes ng sambayanang Pilipino. Dapat palawakin at palakasin ang pagkakaisa ng mamamayan laban sa chacha sa pamamagitan ng isang malapad na alyansa ng mamamayan para labanan, hadlangan at paatrasin ang pakanang chacha. Isagawa ang malawakang kampanyang edukasyon at propaganda para ipaliwanag ang epekto ng chacha sa bayan. Mahigpit na kontrahin ang kasinungalingan at pagmamaniobra ng rehimen para ilusot ito. Samantala, dapat kundenahin ng bayan ang ipokritong pagtutol ni Rodrigo Duterte sa chacha ni Marcos gayong isinulong niya rin ito noong kanyang administrasyon. Ilantad ang kanyang maiitim na balak sa pagsakay sa popular na pakikibaka ng bayan laban sa chacha upang itumba ang mga Marcos na pangunahing karibal sa kapangyarihan at kayamanan.
Gawing inspirasyon ang pakikibaka ng sambayanan laban sa Martial Law ng amang diktador ni Marcos Jr. Humugot din ng aral sa mga naging tagumpay ng pakikibaka ng mamamayan para pigilan ang chacha ng mga rehimeng Ramos, Arroyo, Aquino at Duterte.
Itambol at hawakan ang makatarungang panawagan ng bayan para sa kasarinlan, karapatan, lupa at kabuhayan sa halip na anti-mamamayan, anti-demokratiko at pro-imperyalistang chacha. Palakasin at ihatid ang kampanya sa internasyunal na entablado. Iugnay ang pakanang chacha sa sistematikong pagsasamantala at pang-aapi sa masang Pilipino ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Ang laban sa chacha ay mahalagang bahagi ng pakikibakang bayan para ihiwalay ang rehimeng US-Marcos II at tiyak na mag-aambag nang malaki sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Gayunman, dapat ipaunawa sa mamamayan na ang Konstitusyong 1987, bagama’t may palamuting liberal-demokratiko, at ang naghaharing estado ay reaksyunaryo sa kaibuturan at ginagamit ng imperyalismong US laban sa mamamayang Pilipino. Ang bagong tipo ng pambansa demokratikong rebolusyon ang tunay at natatanging solusyon sa krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
Dapat pasikarin ang pakikibaka laban sa chacha kasabay at kaugnay ng lahatang-panig na rebolusyonaryong gawain. Puspusang ilunsad ang digmang bayan at palakasin ang armadong pakikibaka, isulong ang rebolusyong agraryo at pagpunyagian ang pagtatayo ng baseng masa at ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan. Mapagpasyang iwaksi ang mga bagahe at umigpaw pasulong tungo sa pagtataas ng antas ng digmang bayan. Nasa unahan ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pakikibaka ng bayan hanggang sa maihatid at mailuwal ang lipunang malaya, demokratiko, makatarungan at masagana.###