Kultura
Para kay Ka Kokoy at mga katulad niya
ni Ka Fidel
“Mayad pagsurip! Fia fag sirang! Masene pag bagomarom!(1)”
Maaliwalas ang iyong ngiti
Habang hawak ang iyong kape
Mula pa sa malayong balon
Para ipag-igib ng tubig ang platun
Ahon at lusong ang iyong tinahak
Pawis mo’y tumatagaktak
Bitbit ang mabigat na sako
Laman ay bigas, kape at tuyo.
“Mayad pagkaraw-an sirang! Fia fag buknga sirang! Masene pag buknga sirang!(2)”
Pasan-pasan mo nama’y mga kawayan
Mula sa kawayanan tungong kampuhan
Upang mga kubo’y magawa
Ng mga hukbong nagpapahinga
Walang pag-iimbot na binuksan
Ang iyong bakuran at tirahan
Turing mo na nga ay pamilya
Sa iyong mga tinatawag na “kasama”.
“Mayad pagmalambong! Fia fag kayabi! Masene pag fapon!(3)”
“Sama-sama tayo at magtulungan”
Banggit mo sa inilunsad na kapihan
“Nandito sa kanayunan ang laban!”
Hamon mo sa mga kabataan
Hindi ko napigilang maluha
Sa iyong ibinahaging mga salita
Ang gawain mo’y hindi madali
Ngunit hindi ito kita sa iyong mga ngiti.
“Mayad pagyabi! Fia fag yabi! Masene pag fapon! (4)”
Ka Kokoy
Kahit ang dilim ng gabi
Ay di kayang matakpan ang iyong mga ngiti
Ang iyong halakhak
Pumapawi sa pangamba at pagod
Mula sa buong araw na pagsasanay
Ika’y inspirasyon sa tulad ko
Na nais baguhin ang mundo
Sa iyong kasipagan at dedikasyon
Aking nakikita ang tagumpay ng rebolusyon.
Enero 9, 2023
*tulang gawa ng kabataang hukbo para sa masa
(1) Magandang umaga sa salitang Mangyan Hanunuo, Mangyan Buhid at Mangyan tau-buhid.
(2) Magandang tanghali sa salitang Mangyan Hanunuo, Mangyan Buhid at Mangyan tau-buhid.
(3) Magandang hapon sa salitang Mangyan Hanunuo, Mangyan Buhid at Mangyan tau-buhid.
(4) Magandang gabi sa salitang Mangyan Hanunuo, Mangyan Buhid at Mangyan tau-buhid.