Balita Oplan pinta at oplan dikit, salubong ng KM-Rizal sa kaarawan ni Ka Joma
Matagumpay na nakapaglunsad ng oplan pinta at oplan dikit ang Kabataang Makabayan (KM)-Rizal noong Pebrero 11 upang gunitain at pagpugayan ang ika-85 kaarawan ni Jose Maria “Ka Joma” Sison, isang dakilang lider at tanglaw ng rebolusyong Pilipino. Ipinanganak si Ka Joma noong Pebrero 8, 1939.
Inihanda ng mga kabataan ang isang wheatpaste art ng larawan ni Ka Joma at idinikit sa mataong lugar sa Brgy. San Juan, Taytay. Ipinamalas ng KM-Rizal ang kanilang pagiging malikhain upang ibalandra ang sa alay nitong likhang-sining para kay Ka Joma. Inspirasyon nila ang kadakilaan ni Ka Joma bilang isang rebolusyonaryo, guro, manunulat, at makabayan.
Ayon sa KM-Rizal, “Hinding-hindi mapipigilan ng reaksyunaryong gubyerno ang kasiglahan ng kabataang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan. Handang-handa ang KM-Rizal na i-alay ang kanilang talento at lakas para ipagpatuloy ang nasimulang laban ng Kabataang Makabayan na itinatag ni Jose Maria Sison noong Nobyembre 30, 1964.”
Bilang hamon, “Patuloy na magiging mapangahas ang KM-Rizal na gamitin ang sining upang ilantad ang kabulukan ng estado at labanan ang papatinding pang-aatake at pasismo ng rehimeng US-Marcos II,” panata ng KM Rizal.###