Mga tanaga sa El Niño

 

ni Ka Nina

O El Niño, El Niño
isa ka ngang delubyo
Magsasaka’y nanlumo
Ani nila’y naglaho

Isda’y sa init, hilo
Pumalaot ng todo
Huli ay limitado
Mangingisda ay talo

Pati mga manggagawa
Pawisan sa pabrika
Hilo na sa kalsada
Kapos pa rin ang kita

Sa eskwelahan naman
Todo na ang pagpaypay
Turo ni ser at madam
Di na maunawaan

Init na lumalatay
Tiyak nakatatamlay
Sina inay at itay
Baka ma-heat stroke, patay!

Malma’ng sikat ng araw
Mapapangawang tunay
Natuyot na ang laway
Kumakalam pa ang t’yan

Ang walang ‘yang pangulo
Byahe doon at dito
Masa’y nasa impyerno
Iniwan ng gubyerno

*Ang tanaga ay isang anyo ng tula na may apatang linya at pipituhing pantig.

Mga tanaga sa El Niño