Bantay Karapatan Tanggalan sa pagawaan at pagpapaikli sa oras ng trabaho, pahirap sa mga manggagawa
Nanganganib na mawalan ng trabaho ang mahigit 100 manggagawa sa Nexperia sa Cabuyao City, Laguna. Magaganap ang lay-off mula Abril 1 hanggang Setyembre. Palusot ng kumpanya, kinakailangan ang lay off dahil lumiit umano ang mga order ng mga dating customer kaya ibinaba ang produksyon. Kabilang sa mawawalan ng trabaho ang mga opisyal at kasapi ng unyon. Ang Nexperia ay kumpanyang nagmamanupaktura ng mga pyesang semiconductor.
Matatandaang noong 2022, nagpatupad din ng malawakang tanggalan ang Nexperia kung saan tinanggal ang mga kontraktwal na manggagawa na iniutos nang gawing regular ng Department of Labor and Employment (DOLE). Taong 2023 naman, tinanggal din ang walong manggagawa sa isang departamento kabilang ang tatlong opisyal ng unyon. Dinidinig pa ang kanilang mga apela hanggang kasalukuyan.
Magsasampa ang unyon ng Preventive Mediation sa tanggapan ng National Conciliation and Mediation Board matapos ang kawalang resulta ng grievance procedure sa management kaugnay sa iligal na tanggalan.
Nagtangka naman ang kapitalistang Ebara Pump Inc. sa Pittland, Cabuyao na ipailalim sa 15 araw kada buwan lamang na pasok ang mga manggagawa sa dalawang linya dahil umano sa pagbaba ng order ng mga customer. Agarang inireklamo ng unyon ang iskemang ito at humiling ng grievance meeting. Matagumpay na naigiit ng unyon na ang mga apektadong manggagawa ay ilagay sa ibang departamento kaya nabigo ang pakana ng kapitalista. Ang kumpanyang Ebara Pump Inc. ay pagawaan ng tubong bakal.
Samantala, nakaambang mawalan ng trabaho ang humigit-kumulang 100 manggagawa ng Edward Keller na inempleyo gamit ang Megatekton Manpower Agency. Nakatakdang mapasó ang kontrata sa pagitan ng kapitalistang Edward Keller at Megatekton.
Sa ganitong iskema, ipinagkakait din ng Edward Keller sa matatagal nang manggagawa nito ang regularisasyon at benepisyong dapat nilang tinatamasa. Nangako ang Megatekton na ililipat sa ibang pagawaan ang mga mawawalan ng trabaho ngunit walang kasiguruhan ito para sa mga manggagawa.
Ang Edward Keller ay kumpanyang lumilikha ng mga makinang nagpoproseso ng pagkain.