Ang mga “makasaysayang aktibidad” ng Balikatan 39-24
Sinasabi ng US na ang kasalukuyang Balikatan 39-24 ay “makasaysayan” at marami sa mga aktibidad dito ay isasagawa sa “unang pagkakataon.” Kasabay nito, inianunsyo ng Armed Forces of the Philippines ang kunwa’y “pagpihit” nito sa eksternal na depensa alinsunod sa estratehiyang Comprehensive Archipelagic Coastal Defense (CACD) bilang “direktang tugon” sa “agresyon” ng China sa karagatan ng Pilipinas. Nagbigay-daan ito sa pagpwesto ng US ng opensibong mga armas, pagtambak ng dagdag pang pwersa sa bansa, at pagsagawa ng mga mapandigmang mga maniobra sa South China Sea, lahat sa tabing ng “pagdepensa” sa Pilipinas.
Sa unang pagkakataon, dinala ng US ang Balikatan labas sa teritoryong dagat ng Pilipinas, kasama ang pwersang nabal ng France. Bago nito, isinagawa ng US ang “makasaysayang” maniobrang pandagat kasama ang Pilipinas, Australia at Japan.
“Makasaysayan” din nitong idineploy sa bansa at sa Asia ang bagong Typhon Missile System (TMS), na binubuo ng apat na missile launcher na may kapasidad na magpalipad ng misayl sa layong 1,600 kilometro. Ang mga missile launcher na ito ay sinimulang imanupaktura matapos lamang ibasura ng US noong 2019 ang Intermediate-Range Nuclear Forces Treaty, isang kasunduan sa pagitan nito at ng Russia. Tinatawag ng US na “susing bahagi” ang TMS sa binubuo nitong mga Multi-Domain Task Force o mga espesyal na yunit militar para higitan ang kapabilidad-militar ng China at Russia. Katambal ng TMS ang HIMARS na una nang idineploy sa Pilipinas noong Balikatan 2023.
Nagpasok ang US ng gawang-Israel na missile defense system at kaakibat nitong mga misayl na Patriot para gamiting pandepensa sa upisyal at di upisyal na mga “EDCA site.” Sa unang pagkakataon, bahagi ng kasalukuyang Balikatan ang pagsasanay ng US sa mga pwersa ng AFP sa pagpapalipad ng mga surface-to-air missile na gagamitin sa naturang sistemang pandepensa.
Sa taong ito, buo nang pinakikinabangan ng US ang mga “EDCA site” na minadaling kumpunihin at itayo ng mga pwersa ng AFP simula maupo si Ferdinand Marcos Jr. Isa sa pinakagamit ang sibilyang paliparan sa Lallo, Cagayan, gayundin ang daungan sa dating Subic US Military Base at ang mga inilatag ng AFP na pasilidad sa Balabac Island sa Palawan at sa isla ng Mavulis sa Batanes.
Reaksyon ng China
Hindi alintana ng China ang opensibong katangian ng pinakahuling mga hakbang ng US sa Pilipinas at South China Sea. Inakusahan nito ang US ng paghahabol ng “unilateral na bentaheng militar” mismo sa tarangkahan nito. Tinawag nitong mapanganib ang pagpupwesto ng mga opensibong armas sa Pilipinas dahil nagpapataas ito ng posibilidad ng “maling pagtaya at miskalkulasyon.” Anito, “banta sa istablidad at kapayapaan” ng rehiyon ang gayong mga hakbang.
Pinayuhan din ng China ang Pilipinas na “maging mapagbantay sa tunay na layunin ng US” at iwasang magpagamit nang hindi nito namamalayan. Anito, dapat pag-isipan ng gubyerno ni Marcos ang pagiging sunud-sunuran nito sa US sa kapinsalaan ng sarili nitong seguridad.
Mula nang isagawa ng US ang “pihit” nito sa Asia noong huling bahagi ng 2011, tuluy-tuloy na nitong pinalakas at pinatatag ang dominasyon nito sa rehiyon. Pinalaki nito ang bilang ng mga tropang nakadeploy sa mga base militar nito sa Australia, Japan at Korea. Binalikan ang luma at nagpatayo ito ng mga bagong base sa Pilipinas.
Pinalaki at pinalawak ang inilunsad nitong mga war games. Noong 2021-2023, may naitalang 525 malaking pagsasanay militar sa South Asia, Southeast Asia at Australia. Ang 60% ng mga ito ay pinangunahan o nilahukan ng US kasama ang mga alyado nito. Nasa 87% ng malalaking pagsasanay militar sa Pilipinas ay isinagawa ng US. Susun-suson ang mga aktibidad militar ng US sa mga bansang nasa “first-island chain” o mga islang pinakamalapit sa palibot ng China.
Naging hudyat sa China ang “pagpihit” ng US sa Asia noong 2011 na patapos na ang pakikipagsabwatan ng US dito at papasok na ito sa panahon ng papaigting na kumprontasyon. Noon pa man, malinaw sa China ang estratehikong layunin ng karibal nitong imperyalista na pagharian ang Asia. Bilang kontra-hakbang, sinimulan nitong magpalawak ng presensyang militar sa South China Sea, kabilang sa malaon nang pinag-aawayang mga islang malapit sa Japan (Senseku Islands), Vietnam (Paracelis) at Pilipinas (Spratlys).