Mga protesta sa mga unibersidad sa US laban sa henosidyo ng Israel, dinahas
Libu-libong estudyante at mga guro sa ilang pangunahing pamantasan sa US ang naglunsad ng panibagong serye ng mga protesta para itulak ang mga administrasyon ng mga unibersidad na iatras ang suporta at pamumuhunan ng mga ito sa Zionistang Israel. Maraming unibersidad ang mahigpit na nakikipagtulungan sa industriyang militar ng US, at sa gayon ay may pananagutan sa henosidyo ng Israel sa Gaza.
Sa utos ng gubyernong Biden, pinasok at marahas na binuwag ng mga pulis ang mga protesta sa naturang mga unibersidad.
Pinakatampok ang kampuhang itinirik ng mga estudyante at guro sa Columbia University sa New York noong Abril 25. Marahas na binuwag ng mga pulis ang kampuhan at maraming estudyante ang inaresto at kinasuhan.
Liban sa Columbia, signipikante rin ang mga pagkilos sa 18 pang malaking unibersidad sa iba’t ibang bahagi ng US mula Abril hanggang sa kasalukuyan. Sinalubong rin ang mga ito ng mararahas na aksyong pulis, na labag sa kalayaang pang-akademiko at nagsapanganib sa buhay at kagalingan ng mga estudyante at guro.
Kumalat na sa mga unibersidad sa ibang bahagi ng mundo ang mga protesta at kampuhan. Nagkaroon na ng katulad ng mga protesta sa loob ng malalaking unibersiad sa Australia, France, Italy, Poland at Britain. Tulad sa US, iginigiit ng mga estudyante na putulin ng mga unibersidad ang ugnay sa pinansya sa Israel na nakikita nilang pagsuporta sa henosidyo sa Gaza.
Sa huling tala noong Mayo 2, di bababa sa 35,000 sibilyang Palestino na ang pinatay ng mga Zionistang pwersa sa walang awat na pambobomba at pang-aatake nito sa Gaza simula Oktubre 7, 2023. Malaking bilang sa kanila ay mga bata (14,500) at kababaihan (8,400).