Mayo Uno 2024 Buklurin ang lakas ng uring manggagawa—RCTU

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaIlocoHiligaynon

Sa paggunita ngayong taon sa Pandaigdiang Araw ng Paggawa, pinagtibay ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) ang rebolusyonaryong tungkulin nito na palalimin ang pagsipat at pagsisiyasat sa kalagayan ng uring manggagawa para pasiglahin ang kanilang paglaban. Ang nagkakaisang interes ng mga manggagawa para sa pagpapataas ng sahod, pagpapababa ng presyo ng bilihin, maayos at ligtas na kalagayan sa paggawa, karapatang mag-unyon, katiyakan sa trabaho, at iba pang demokratikong kahilingan ang unang hakbang sa pagbubuklod ng kanilang lakas.

Matatag na naninindigan ang RCTU sa makatarungang pagsusulong sa pambansang minimum na sahod na katumbas ng nakabubuhay na sahod; paglaban sa lahat ng porma ng pananamantala, panggugulang, at pag-atake ng pinagsanib na pwersa ng estado at mga kapitalista. Tungkulin nitong abutin ang pinakamalawak na bilang ng mga manggagawa, unyonisado man o hindi, o kahit ang mga nakapaloob sa mga dilawang unyon.

Sa dalawang taon ni Marcos Jr sa pwesto, nasa abereyds na ₱43-₱44 lamang ang itinaas ng sahod sa buong bansa. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mabilis na naaagnas ang totoong halaga ng sahod ng manggagawa. Ang kasalukuyang ₱610 na minimum na sahod sa National Capital Region ay may totoong halaga na ₱502 lamang.

Nananatiling tikom ang bibig ng rehimeng Marcos sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa tungo sa totoong nakabubuhay na sahod sa halagang ₱1,200 at pagpapatupad ng pambansang minimum na sahod. Kung tutuusin, napakaliit ng halagang ₱1,200 kumpara sa limpak-limpak na yamang nililikha ng mga manggagawang Pilipino para sa mga kapitalista.

Laban para sa nakabubuhay na sahod

Noong Mayo 1, iba’t ibang grupong manggagawa sa ilalim ng National Wage Coalition ang magkakasamang nagmartsa sa Metro Manila para ipanawagan ang pagtataas ng arawang sahod sa bansa. Itinulak nila ang kagyat na pagsasabatas ng hindi bababa sa ₱150 across-the-board na dagdag sa minimum na sahod bilang paunang hakbang sa pagkamit ng nakabubuhay na sahod. Binubuo ang koalisyon ng Trade Union Congress of the Philippines, Kilusang Mayo Uno (KMU), Bukluran ng Manggagawang Pilipino, at Nagkaisa Labor Coalition.

Sa pampublikong sektor, ipinanawagan ng mga kawani ang pagtataas ng sweldo tungong ₱33,000 kada buwan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng isang panibagong Salary Standardization Law (SSL). Giit naman ng mga guro na itaas ang sweldo ng mga bagong guro tungong ₱50,000.

Bandang tanghali, nagmartsa ang libu-libong manggagawa at iba pang sektor sa pangunguna ng KMU at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) patungo sa US Embassy para batikusin ang kasalukuyang nagaganap na Balikatan Exercises 39-24 sa pagitan ng mga pwersang militar ng US at Pilipinas. Kinundena nila ang pagyurak ng imperyalistang US sa soberanya ng Pilipinas at pagkaladkad sa bansa sa pinatitindi nitong gitgitan sa katunggaling imperyalistang China. Binatikos rin nila ang isinusulong ng rehimeng Marcos, sa tulak ng US, na charter change (chacha).

Tinangkang harangin ng mga pulis ang martsa, at binomba ng tubig para buwagin ito. Anim na mga kabataang aktibista, na binansagang Mayo Uno 6, ang inaresto at ikinulong. Aabot ng ₱252,000 ang itinakdang pyansa para mapalaya sila.

Ginunita din ang araw ng mga manggagawa sa mga protesta sa Angeles City, Calamba City, sa Rosario sa Cavite, Legazpi City, Cebu City, Iloilo City, Bacolod City at Davao City. Bago ang protesta noong Mayo 1, kabi-kabilang aktibidad din ang isinagawa ng mga manggagawa at kawani.

Sa labas ng bansa, isinagawa ang mga aktibidad sa 15 sentro ng protesta sa US, sa Australia, Hong Kong, Japan, South Korea, at New Zealand sa pangunguna ng Migrante International.

Buklurin ang lakas ng uring manggagawa—RCTU