Uring manggagawa, magmartsa sa unahan ng paglaban sa imperyalismo

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaIlocoHiligaynon

Sa nagdaang mahigit apat na dekada, winasak ng mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang mga karapatan ng mga manggagawa. Walang habas ang pandarambong at pang-aapi sa mga atrasadong bansang malakolonyal at malapyudal tulad ng Pilipinas, at sinagad ang pagkamkam ng labis na halaga mula sa lakas-paggawa ng mga manggagawa.

Biktima ang mga manggagawang Pilipino ng todo-todong neoliberal na pag-atake mula pa noong huling bahagi ng dekada 1980. Lumaki nang lumaki ang agwat sa pagitan ng sahod at ng gastos sa pamumuhay ng mga manggagawa sa Pilipinas. Ginahis ng pasismo ang mga unyon na tanging sandata ng mga manggagawa para ipaglaban ang tamang sahod at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.

Binago ang mga batas at patakaran sa paggawa upang bigyang-daan ang todong pang-aaping neoliberal, mula sa “regionalization” ng sahod, pagpapatupad ng “floorwage” at “two-tier” na sistemang pasahod, at iba pang mga iskema para hilahin pababa ang sahod. Lumaganap ang iba’t ibang anyo ng “flexible labor”, kabilang ang kontraktwalisasyon sa paggawa, “compressed work week,” “outsourcing,” at iba pang sistemang lalong nagpasahol sa kundisyon ng mga manggagawa at yumurak sa kanilang mga karapatan.

Sumasadsad ang mga pamantayan sa pamumuhay ng mga manggagawa, laluna sa harap ng matarik at walang tigil na pagtaas sa presyo ng pagkain, langis, at iba pang pangunahing pangangailangan sa nakalipas na dalawang taon sa ilalim ng rehimeng Marcos. Sa kantidad at kalidad, dumaranas ang mga manggagawa at ang kanilang mga pamilya ng mas mababang antas ng pamumuhay, sa usapin ng edukasyon ng kanilang mga anak, pagkain at nutrisyon, pangangalagang pangkalusugan, at akses sa mga pampublikong yutiliti at serbisyo. Walang impok at lubog sa utang ang mga manggagawang Pilipino at ang kanilang mga pamilya.

Nagtetengang-kawali si Marcos sa sigaw ng mga manggagawa para sa umento sa sahod, alinsunod sa patakaran ng kanyang rehimen para sa murang lakas-paggawa bilang susing bahagi ng kanyang anti-nasyunal na layuning akitin ang mga dayuhang mamumuhunan. Lalong tumitindi ang pampulitikang panunupil sa mga lider at organisador na tinatarget ng paniniktik, pang-aatake, pang-aaresto, pagdukot at ekstrahudisyal na pamamaslang ng mga pasistang galamay ni Marcos.

Abala ngayon ang rehimeng Marcos na baguhin ang konstitusyon ng 1987 upang lalo itong iayon sa interes ng mga dayuhang kapitalista. Kasabay ito ng paglilingkod ni Marcos sa mga layuning heyopulitikal ng imperyalismong US, at pagpapagamit sa Pilipinas sa panguupat nito ng gera sa karibal na imperyalistang China. Libu-libong tropang Amerikano ang nakabase ngayon sa Pilipinas.

Sa harap ng lumalalang mga anyo ng pagsasamantala at paglubha ng kalagayang pang-ekonomya, tumitinding pampulitikang panunupil at lubos na paninikluhod ng rehimeng Marcos sa imperyalismong US, ang kilusang manggagawa sa Pilipinas ay dapat na tumayo nang mas matatag sa unahan ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.

Dapat ubos-kayang sikapin ng mga manggagawang Pilipino na mag-organisa at bumuo ng kanilang mga unyon o mga pampulitika, pangkultura at iba pang tipo ng organisasyong masa sa kanilang mga pabrika at komunidad. Dapat pukawin, organisahin at pakilusin ang masang manggagawa upang ipaglaban ang makatarungang sahod katumbas ng minimum na ₱1,200 kada araw na humigit-kumulang ay halaga ng arawang gastusin ng lima-kataong pamilya.

Ang pakikibaka para sa makatarungang sahod ay paggigiit ng karapatan ng mga manggagawa para sa makataong pabahay, libre o abot-kayang serbisyong pangkalusugan at edukasyon, sapat na pagkain, malinis na tubig, kuryente at iba pang saligang karapatang panlipunan at pang-ekonomya. Ang mga karapatang ito na noo’y kinikilala ay malawakang niyurakan at ipinagkait sa panahon ng neoliberalismo. Panahon nang ito’y muling igiit at ipaglaban.

Walang ibang paraan na ipaglaban ang makatarungang sahod at mga karapatan ng mga manggagawa kundi sa pamamagitan ng kanilang militanteng pagkilos. Hawak nila ang kapangyarihang patakbuhin, pabagalin o pahintuin ang produksyon sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng sama-samang pagkilos hanggang sa pagwelga.

Dapat mahigpit na ikawing ang pakikibakang pang-ekonomya ng mga manggagawa sa maiinit na isyung panlipunan at pampulitika na kinakaharap ng buong bayan. Ang lakas ng uring manggagawa ang pangunahing inaasahan ng sambayanang Pilipino sa paglaban sa pakanang “chacha” ni Marcos at sa lumalaking banta sa kasarinlan at kaligtasan ng bansa bunga ng pang-uudyok ng gera ng imperyalismong US.

Dapat palakasin ng mga manggagawa ang kanilang tinig at iabante ang pinakamatalas na pambansa-demokratikong pagsusuri at mga panawagan. Ang kanilang mga unyon at mga samahan ay dapat puspusin ng makabayan at demokratikong diwa, at ng militante at rebolusyonaryong determinasyong lumaban. Dapat silang tumayo sa unahan ng dumadagundong na martsa ng paglaban ng sambayanang Pilipino, at kaisa ng pakikibakang demokratiko at anti-imperyalista sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, dapat magbalik-aral sa kasaysayan ang mga manggagawa upang muli nilang mabatid ang kanilang kapangyarihan na baguhin ang mundo at wakasan ang sistemang mapagsamantala. May mga kabiguan man at pag-atras, hindi niyon binabago ang saligang katotohanan na sa ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa, nagtamasa ang sangkatauhan ng wala pang kapantay na pag-unlad, pagkakapantay-pantay, katarungan at kalayaan.

Ang lalong pagsahol ng kalagayang pang-ekonomya at pampulitika ng mga manggagawa, mga magsasaka at iba pang demokratikong sektor sa Pilipinas ang nagtutulak sa kanila na tumindig at lumaban. Upang sumulong, dapat nilang itakwil ang mga hungkag na pangako ng rehimeng US-Marcos, at ang repormismo ng mga dilawang lider at oportunistang bumubuo ng aristokrata sa paggawa na sumasagka sa pagbubuo ng kanilang makauring kamulatan.

Hindi mapipigilan ng panunupil ng rehimeng Marcos ang determinadong pagsulong ng sambayanang Pilipino sa landas ng pambansa-demokratikong pakikibaka, mula sa sama-samang paglaban sa kalunsuran, hanggang sa armadong pakikibaka sa kanayunan.

Determinado ang Partido na pamunuan ang uring manggagawa at sambayanang Pilipino sa pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan, at gabayan sila sa kanilang mga pakikibakang antipasista, anti-imperyalista at antipyudal, at para isulong ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya at sosyalismo.

Uring manggagawa, magmartsa sa unahan ng paglaban sa imperyalismo